You are on page 1of 2

Sayaw sa Bubog: Ang Pakanang Charter Change ni BS Aquino

Gabay sa pagtalakay, Migrante International, Marso 2014


Ano ang cha-cha? Ang charter change o cha-cha ay ang panukalang pag-amyenda sa buo o ilang bahagi ng Konstitusyon. Mula noong panahon ng kolonyalismong Amerikano, tatlong beses nang binago ang Konstitusyon. Ang kasalukuyang 1987 Konstitusyon, na siyang kinikilala natin sa ngayon, ay iniluwal ng pagpapatalsik sa diktaduryang Marcos. May ilang mga probisyon at bahagi itong impluwensyado ng kilusang anti-Marcos na siyang nagluklok sa gobyerno ni Cory Aquino. Kabilang sa mga probisyong ito ang paglalagay ng limitasyon sa dayuhang pag-aari, pagbabawal sa permanenteng pananatili ng dayuhang sundalo at iba pang probisyong naglalayong protektahan ang pambansang soberanya at patrimonya. Mula nang maisabisa ang 1987 Konstitusyon, makailang-ulit nang sinubukang ipatupad ang cha-cha sa ilalim ng administrasyon nina Ramos (PIRMA), Estrada (ConCord) at Arroyo (Con-Ass). Ngayon, iniraratsada ng administrasyong BS Aquino ang cha-cha sa kabila ng malawak ng pagtutol ng migrante at mamamayan. Nakatakda itong pagdebatihan sa plenaryo sa Mababang Kapulungan ngayong darating na Mayo. Tiyak namang mamadaliin din ng mga kaalyado ni BS Aquino ang pagpasa nito sa Senado. Kapag nagawa na ito, didiretso na ito sa Comelec (Commission on Elections) para sa pagsasagawa ng isang plebisito. Tinatayang hinahabol ng adminitrasyong BS Aquino na maipasa na ng tuluyang ang panukalang cha-cha bago magbukas ang ika-15 Kongreso sa kanyang State of the Nation Address (SONA) ngayong darating na Hulyo. Bakit muling binibuhay ng rehimeng BS Aquino ang cha-cha? Bagamat umaasta ngayong kontra rito, malinaw sa migrante at mamamayan na ang pakanang cha-cha ay hindi isusulong ng mga pangunahing kaalyado ni BS Aquino nang walang basbas niya. Nitong huli, nagdeklara na rin ang Malakanyang na bukas itong pag-usapan ang chacha. Nauna nang ibinunyag ni Senate President Franklin Drilon ang usap-usapang cha-cha para amyendahan ang ilang economic provisions sa Konstitusyon noong Disyembre 2013. Nitong huli, tuluyan nang ipinasa ni Speaker of the House Feliciano Belmonte, at niraratsada na ang pag-apruba nito sa Kongreso, ang House Resolution #1. Nakasaad sa naturang panukalang batas ang pagluwag sa mga restriksyon sa ekonomiya sa dayuhang pag-aari at kontrol sa mga industriya, utilidad, likas-yaman at agrikultura. Alinsunod ito sa pangkalahatang programa ng gobyernong BS Aquino sa ekonomiya sa ilalim ng flagship program nitong private-public partnership (PPP). Layunin ng cha-cha na pahupain at lagpasan sa pamamagitan ng mga ligal at pulitikal na maniobra, kabilang ang pagsasaayos ng pagkakasundo sa pagitan ng US at ng Philippine Chambers of Commerce, ang pag-amyenda ng konstitusyon upang pahintulutan ang walang sagkang pag-aari ng mga burukrata,

malalaking negosyante at dayuhan sa negosyo at lupa sa kalagayang nailantad ang malawakang korapsyon sa pork barrel at lalong kumitid ang pinagkukunan ng yaman at kurakot nila. Samantala, layon din ng cha-cha ni BS Aquino na bigyang-pahintulot at padulasin ang panunumbalik ng mas permanente, matagalan at istratehikong pagbabase ng mga tropang dayuhan sa bansa. Hindi kataka-takang tila minamadali ang pagpasa nito para umabot sa napipintong pagbisita ni US Pres. Barrack Obama sa Pilipinas sa darating Abril. Ang cha-cha, kung gayon, ay isang mahalagang hakbangin para sa papet na rehimeng BS Aquino upang ibayo pang ibuyangyang ang patrimonya at soberanya ng bansa sa dayuhang paghahari at pagsasamantala. Ang cha-cha rin ay pakana ni BS Aquino para ibayo pang mapagsilbihan ang sarili nitong mga interes at interes ng naghaharing-uri. Ano ang idudulot ng cha-cha? 1. Palalalain ng cha-cha ang matinding krisis sa ekonomiya at kabuhayan. Ibubukas ng cha-cha ang pambansang patrimonya at ekonomiya sa ibayo pang dayuhang pagsasamantala at paghahari. Ayon sa probisyon sa cha-cha hinggil sa ekonomiya, hindi na 60-40% ang hatian para sa dayuhang pag-aari sa mga batayang industriya at serbisyo kundi papayagan na hanggang 100%. Papayagan ang mga dayuhang entidad na magmay-ari maging ng mga lupang residensyal, komersyal at industriyal. Papayagan ang mga dayuhang entidad na malayang gamitin at lapastanganin ang mga likas-yaman ng bansa. Papayagan din ang mga dayuhang entidad na kontrolin at pagmay-arian ang mga pampublikong utilidad tulad ng tubug, kuryente at telecommunications. Ang mga tinaguriang no-build-zones sa mga nasalantang erya sa Tacloban at Kabisayaan, halimbawa, ay paghahanda sa lugar para sa pakinabang ng mga malalaking mamumuhunan at dayuhang negosyante. Dahil nakabatay sa PPP ng planong rehabilitasyon, sigurado ang tubo at ganansya ng malalaking kumpanya at dayuhang negosyante. Sa pamamagitan ng cha-cha, mas madali na silang makapandarambong sa kalikasan at makakapang-angkin ng mga lupain. 2. Papayagan ng cha-cha ang higit na dayuhang pakikialam at pananamantala sa pamamagitan ng pagpayag sa mga makaisang-panig na mga tratado. Bibigyang-daan ang panunumbalik ng mga dayuhang base militar sa bansa. Tatanggalin ang limitasyon at restriksyon sa pagpasok ng mga tropang dayuhan at kanilang mga pasilidad. Mas mapapadali ang pagratipika sa mga makaisang-panig na tratado at internasyunal na mga kasunduang nagsisilbi lamang sa interes ng mga dayuhan. Bukod sa adyenda sa ekonomiya, pangunahing adyenda ng pagbisita ni US Pres. Obama sa Pilipinas ang pagtitiyak ng istratehiya ng gobyernong US na palakasin ang

presensya nito sa Asya, o ang tinaguriang US pivot to Asia. Signipikante ang pagbisita niya sa Pilipinas dahil planong lagdaan at ipinal ang kasunduan (framework agreement)para palawakin ang depensa at kooperasyon ng dalawang bansa sa ilalim ng Increased Rotational Presence and Enhanced Defense Cooperation. Ito ang framework agreement na nagdadagdag sa mga kasunduang nilalaman ng Visiting Forces Agreement. Sa pamamagitan ng cha-cha, mas madulas nang maipapatupad ng US, sa tulong ng papet na si BS Aquino, tuwirang panghihmasok at pagyurak sa soberansya ng bansa. Nagtatago lamang ito sa mga konsepto ng mutwal na kooperasyon, pagtutulungan atpagpapaunlad ng kapasidad sa depensa. 3. Ang cha-cha ay maaaring gamitin para muling ipatupad ang Batas Militar. Tatanggalin ang 60-day limit sa pagdeklara ng batas militar at suspension of writ of habeas corpus. Mawawalan na rin ng kapangyarihan ang Korte Suprema na i-rebyu ang mga batayan ng pagdeklara ng batas militar. Palalabnawin ang mga kasalukuyang pamantayan ng pagdeklara ng batas militar ayon sa nakasaad sa Konstitusyon. Magiging mas bulnerable ito sa pagsasamantala ng mga makapangyarihan. Buburahin ang ilang mga makabuluhang probisyon sa Konstitusyon hinggil sakarapatang-tapat sa Bill of Rights. Idadagdag ang salitang responsable sa karapatan sa malayang pamamahaya at malayang asembliya sa Bill of Rights. Sa esensya, ito ay pagdidikta at pagmaniobra sa internal at eksternal na mga patakaran tulad ng pagtutulak ng US sa Oplan Bayanihan para patahimikin ang paglaban ng mamamayan. Magreresulta ito sa patuloy na militarisasyon sa kanayunan, extrajudicial killings at panunupil sa mga mamamayang nagpoprotesta. Bibigyang-daan at ililigalisa ang mga batas at panukalang labag sana sa Konstitusyong 1987, tulad ng Cybercrime Law, Human Security Law, Anti-Terrorism Law, ant-sedition at iba pa. 4. Palalalain ng cha-cha ang kolonyal, korap at komersyal na katangian ng ating kultura, edukasyon at mass media sa pamamagitan ng pagpayag sa tuwirang dayuhang pag-aari sa kontrol sa mass media, kurikulum sa edukasyon (tulad ng K+12) at advertising firms. Tatanggalin ang probisyong kinikilala ng gobyerno ang papel ng mamamayan sa pagbubuo ng matatag na bansa (nation-building). Tatanggalin ang probisyong nagtitiyak sa prayoridad ng gobyerno ang edukasyon, sining, agham at teknolohiya para sa pambansang kaunlaran. Tatanggalin ang probisyong nag-aatas sa mga eskwelahan na ituro ang nasyunalismo, pagkilala sa pambansang bayani at karapatangtao. Malayang makakapasok ang mga banyagang eskwelahan at papayagan ang 100% dayuhang pagmamay-ari sa mga edukasyunal na institusyon at pamantasan, alinsunod sa mga neoliberal na patakarang tulad ng labor export.

Lalong pagtitibayin ng cha-cha ang kolonyal at imperyalistang tunguhin ng mga programang tulad ng K+12 sistema sa edukasyon. Ang kasalukuyang pagpapatupad rin, halimbawa, ng academic calendar shift sa mga malalaking pamantasan at unibersidad sa Pilipinas ay bahagi ng pag-ayon ng sistema at kurikulum ng edukasyon ng bansa sa neoliberal na mga patakaran at tunguhin sa edukasyon at pagbebenta ng murang lakas-paggawa alinsunod sa imperyalistang globalisasyon. 5. Ang cha-cha ay maaaring isang taktika ni BS Aquino para makapanatili sa pwesto lagpas pa sa 2016. Anupamang dahilan at palusot, hindi maiaalist ang motibong term extension sa chacha. Batid ng migrante at mamamayan, at maging ng mga kasapakat ni BS Aquino, na tanging ang cha-cha ang nalalabing ligal na paraan para matakasan ni BS Aquino ang pananagutan sa mamamayan matapos ang termino niya sa 2016. Babaguhin rin ang panlabas na hitsura ng gobyerno, mula sa tinatawag na sistemang presidensyal tungong sistemang parlyamentaryo. Imbes na botante ang naghahala sa mga pinuno ng bansa, ang tanging ihahalal na lang ay mga representante sa Parlyamento (na papalit sa Kongreso at Senado), at sila naman ang pipili ng pinuno sa porma ng Punong Ministro. Sa ganitong sistema, wala nang limitasyon sa termino ng pinuno ng Pilipinas. Gaano man siya kabulok at kinamumuhian ng sambayanan, maaari na siyang manatili sa pwesto hanggat nakaupo ang mga kapartido niya at iba pang kakampi sa pulitika. Gagamiting dahilan ang pagbago ng hitsura ng gobyerno para pahabain ang termino ni BS Aquino lampas 2016. Sasabihin na kailangan ng transition government mula sa sistemang presidensyal tungong sistemang parlyamentaryo. Labanan ang cha-cha ni BS Aquino! Panawagan sa lahat ng migrante at mamamayang makabayan at nagmamahal sa bayan na mariing tutulan at labanan ang pakanang cha-cha ni BS Aquino. Katumbas ito ng ibayong kahirapan at pambubusabos sa migrante at pamilya at pagyurak sa pambansang patrimonya at soberanya. Hindi cha-cha kundi tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon ang magpapabangon sa ekonomiya ng bansa. Ito ang siyang magreresolba sa papalala at pinakamatinding pwersahang migrasyon sa ilalim ng panunungkulan n BS Aquino. Ang kailangan natin ay ekonomiyang nagsisilbi sa Pilipino at hindi sa dayuhan at iilan. Makakamit lamang natin ito sa ilalim ng isang gobyernong tunay na kumakatawan sa interes ng migrante at mamamayan, at hindi sa ilalim ng papet, korap at bugaw na gobyerno ni BS Aquino. Kaya naman hamon sa migrante at mamamayan na sama-sama at malakas na tutulan at labanan ang pakanang cha-cha, at ipaglaban ang pagluluklok sa isang tunay na gobyerno ng mamamayan. ###

You might also like