You are on page 1of 3

Bawal na Pag-Ibig

Gabay sa pagtalakay sa pwersahang kontribusyon sa Pag-Ibig


Inilabas ng Migrante International, Agosto 2010

Ano ang kontribusyon sa Pag-Ibig?
Ang Pag-Ibig, o Pagtutulungan sa Kinabukasan: Ikaw, Bangko, Industriya at Gobyerno, ay isang
korporasyon ng gobyerno na nangangasiwa sa programang pabahay ng administrasyon. Nangongolekta
ito ng buwanang kontribusyon mula sa mga miyembro na siyang nagbubuo sa tinaguriang Home Mutual
Development Fund (HMDF). Sa HMDF, maaaring mag-apply ng pautang para sa pabahay, nagsisilbi rin
itong imbakan (savings) ng sinumang miyembro.

Itinatag ang Pag-Ibig Fund noong Hunyo 11, 1978 sa bisa ng Presidential Decree No. 1530 sa ilalim ng
rehimeng Marcos. Pinangangasiwaan ang naturang pondo ng Social Security System para sa mga
pribadong empleyado at ng Government Service Insurance System para naman sa mga kawani ng
gobyerno.

Noong Marso 1, 1979, pinirmahan naman ang Executive Order No. 527, na naglilipat sa pangangasiwa sa
Pag-ibig Fund sa National Home Mortgage Finance Corporation, isang ahensya sa ilalim ng Ministry of
Human Settlements noon.

Para diumano sa layuning palakasin at patatagin pa ang naturang pondo, itinalaga ng EO No. 538 noong
Hunyo 4, 1979 na hindi na isasailalim ang Pag-Ibig Fund sa SSS at GSIS, bagkus, itatayo na ang Pag-Ibig
bilang isang ahensya. Subalit, noong Disyembre 14, 1980 lamang naging hiwalay o independent ang Pag-
Ibig sa NHMFC sa bisa ng PD 1752, nang amyendahin ang PD 1530. Sa pamamagitan nito, nagkaroon na
ng sariling Board of Trustees ang Pag-Ibig. Ang PD 1752 rin ang nagtakdang mandatory na ang Pag-Ibig
sa lahat ng mga miyembro ng SSS at GSIS.

Ilang buwan matapos mapatalsik sa pwesto si dating pangulong Ferdinand Marcos, sinuspinde ni dating
pangulong Corazon Aquino ang mga kontribusyon sa Pag-ibig mula Mayo hanggang Hulyo 1986. Itinayo
ang Presidential Task Force on Shelter para kilatisin at imbestigahan ang Pag-Ibig Fund at mga operasyon
ng ahensya. Nang mapatunayang propesyunal at walang anomalya ang naturang pondo, iniutos ni
Aquino ang muling pagbubukas sa Pag-Ibig sa bisa ng EO No. 35. Noong panahong iyon, mandatory pa
ang kontribusyon.

Noong Enero 1, 1987, ginawang voluntary ang kontribusyon sa Pag-Ibig sa bisa ng EO No. 90.

Paanong naging pwersado ang mga OFW na maghulog sa Pag-Ibig?
Nang pirmahan ang Republic Act 9679 noong 2009, naging mandatory o pwersahan na ang paghuhulog
dito sa lahat ng mga nakapaloob at maaaring pumaloob sa GSIS at SSS, kabilang na ang mga overseas
Filipino worker (OFW).

Sa pamamagitan ng POEA Memorandum Circular 06-2010, itinalagang kinakailangang magbayad ng
inisyal na P600 ang kada OFW para sa unang anim (6) na buwang kontribusyon sa Pag-Ibig. Sa POEA MC
06-2010 din itinakdang rekisito ang naturang kontribusyon para sa pagkuha ng Overseas Employment
Certificate (OEC).

Opisyal na epektibo ang MC 06-2010 noong Agosto 1,2010. (Binay suspension)

Bakit natin ito tinututulan?
Tinututulan ng Migrante International ang pwersahang paghuhulog sa Pag-ibig Fund dahil isa na naman
itong porma ng legalized kotong sa mga OFW.

Isa itong dagdag-bayarin at pahirap sa mga OFW. Hindi ito dumaan sa kahit na anumang konsultasyon.
Labag din ito sa diwa ng OEC kung saan isinasaad na hindi dapat singilin ng kahit na anong porma ng
buwis ang mga OFW.

Bukod dito, malinaw na nakasaad sa Sec.2 Declaration of Policy ng RA 9679 na ang pondo para sa HMDF
ay dapat na manggaling mula sa mga kontribusyon ng mga employer. Sa katunayan, isinasaad sa
naturang batas na anumang pagpalya o pagtanggi ng employer na maghulog ay hindi
nangangahulugang hindi pwedeng makakakamit ang kanilang empleyado ng mga benepisyo ng Pag-
Ibig.

Gayunpaman, nabaluktot at muli na naming naikutan ang batas nang ilabas ang Implementing Rules and
Regulations (IRR) ng RA 9679. Sa IRR, taliwas sa nakasaad sa batas, nakatala na sa Rule V, Fund Coverage
and Membership, Sec. 1. D. na, coverage under the Fund shall be mandatory for Filipinos employed by
foreign-based employers whether deployed here or abroad, or a combination thereof, habang ang mga
employer shall not be subject to mandatory coverage.
Malinaw, kung gayon, na tulad ng nangyari sa mandatory $25 kontribusyon sa OWWA na dapat ay kargo
ng mga employer, tuluyan na itong ipinapataw sa balikat ng mga OFW! Maaasahan ba natin ang mga
employer na maghulog para sa mga OFW kung minsan ngay kahit sahod ay hindi nila maibigay, lalo pat
wala namang malinaw na mekanismo ang gobyerno para ipatupad ito?
Mas masaklap pa,pwersado ang mga OFW na maghulog gayong hindi naman nakasisigurong makakamit
nila ang mga benepisyo. Ayon sa Sec. 11 ng RA 9679, tanging mga miyembro na may abilidad na
makapagbayad ang papayagang makautang para sa pabahay.
Ibig sabihin, hindi naman pala lahat ng nagbabayad ay makakamit ng pabahay. Paano, halimbawa, ang
isang OFW na mababa lang ang sahod o di kayay kontraktwal at hindi aabot ang paghuhulog sa
rekisitong 15 taong maturity period para sa pautang? Pwersahang pinagbabayad ang mga OFW para sa
wala. Isa itong malinaw na porma ng pangongotong.
Kailangang ilinaw na hindi tayo tutol sa programa para sa murang pabahay, isa rin itong hangarin ng
ating mga kababayang OFW. Gayunpaman, hindi dapat ito pwersahan. Ayon dapat ito sa kakayahan at
hindi labag sa loob ng mga OFW.

Mga OFW lang ba ang maapektuhan?
Bukod sa mga kababayan nating OFW, apektado rin sa pwersahang paghuhulog sa Pag-Ibig maging mga
kasapi ng impormal na sektor tulad ng mga kasambahay, nagbebenta ng sigarilyo at iba pa, mga
tinuturing na self-employed tulad ng mga magsasaka at mangingisda, at pati mga fulltime na housewife.
Lahat sila ay dapat magbayad sa Pag-Ibig dahil sa RA 9679.

Dahil mandatory na, dagdag-bayarin ito lalo na sa mga marginalized na sektor ng lipunan na mas
prayoridad ang pagtustos sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. At dahil sa istrikto at
pasikut-sikot na proseso sa pag-apply para sa pautang sa pabahay, hindi rin sila nakasisigurong
makakamit nila ang mga benepisyo kahit na sila ay nagbabayad.

Ano ang dapat nating gawin?
Dapat mariin na tutulan ng Migrante International at mga tsapter at kasaping OFW nito sa buong mundo
ang pwersahang kontribusyon sa Pag-Ibig. Mahigpit nating pagkaisahin ang mga tsapter, kasapi at masa
sa ating pagsusuri at tindig sa pangongotong na ito ng gobyerno.

Kailangang kalampagin ang POEA, Pag-Ibig at administrasyong Aquino at mariing iparating sa mga
ahensyang ito na tutol at hindi gusto ng mga OFW ang sapilitang paghuhulog sa Pag-Ibig. Sobra-sobra na
ang paghuhuthot sa mga OFW habang hindi naman maayos at nakasasapat ang serbisyo, assistance at
benepisyong natatanggap ng mga OFW mula sa gobyerno.

Mainam ding makipagkaisa tayo sa iba pang mga sektor ng lipunan na apektado at tumututol din sa
pwersahang paniningil na ito.

Ang ating mga panawagan:
Ayaw namin sa bawal na Pag-Ibig!
Itigil ang pwersahang paniningil sa Pag-Ibig Fund! Muling gawing voluntary ang paghuhulog sa Pag-
ibig!
Itigil ang paniningil ng mga di-makatwirang bayarin mula sa mga OFW! Serbisyo, hindi negosyo!
Amyendahin ang RA 9679! Ibasura ang MC 06-2010!


/eof

You might also like