You are on page 1of 3

Sa pag-umpisa pa lamang ng pelikulang American Beauty, agad na tayong binigyan ng

pasilip sa kung paano ito magwawakas ang kamatayan ni Lester Burnham. Kalakip nito, agad
na rin pinamulat sa mga manonood ang problema sa pelikula ang buhay ni Lester; kung paano
siya binabastos ng kaniyang anak, kung paano siya hindi pinapahalagahan ng kaniyang asawa, at
kung paano siya hindi napapansin sa trabaho. Ito ang tumatayong status quo ng buhay ni Lester
at nagpaalipin siya sa ganitong uri ng buhay. Hinayaan niyang mawala ang dating pagiging pals
nila ng kaniyang anak, naging tila empleyado siya ng kaniyang asawa dahil oo lamang siya nang
oo at hindi naririnig ng pamilya ang kaniyang mga opinyon. Ito ang uri ng mundong ginalawan
niya, ito na rin ang nagdikta sa kung paano siya makikipagsalamuha sa pang-araw-araw na
pangyayari at sa kung paano niya tignan ang buhay. Sa madaling salita, tumigil na si Lester
matuwa, managinip, at bigyang-pansin ang mga detalyeng nangyayari sa kaniya, eto ang nitsa ng
pagiging patay at walang ka-kulay-kulay ng kaniyang buhay.
Subalit, lahat ng ito ay nagbago nang makita at nang makilala ni Lester and kaibigan ng
kaniyang anak. Si Angela ang tumatayong catalyst sa buhay ni Lester para pumiglas sa kaniyang
nakasanayang buhay. Ang pagkakakilala niya kay Angela ang nag-udyok sa angst ni Lester.
Marahil maaari nating sabihin na ang kaniyang mga saloobin ukol kay Angela ay hindi nararapat
at tamang pag-asta ng isang matandang lalaki sapagkat mayroon itong halong libog. Isa itong
pagtawag ng kaniyang pagkalalaki, maaaring isang simple at napakaliit na pangyayari, ngunit, dahil
dito, sa napakahabang panahong iginapang niya ang sarili niya para mabuhay sa napakalubhang
sitwasyon sa kaniyang pamilya at trabaho, nabigyan siya ng pag-asa at respeto sa sarili.
Nabuhayan siya at tila nabigyan ng rason para ayusin ang kaniyang pangangatawan at pagkatao,
nabigyan siya ng lakas para labanan ang mga umaapi sa kaniya, at nabigyan siya ng kumpiyansang
ayusin ang mga sitwasyong bumabagabag sa kaniya. Sa puntong ito, lantarang nag-iba ang
pakikitungo niya sa buhay.
Ang pangyayaring ito ang tumatayong angst sa buhay ni Lester. Ang karanasan ng
pagkakakilala niya kay Angela na nag-udyok at nagtawag sa kaniyang libog ang nagdala sa kaniya
tungo sa angst. Kung papansinin natin, simula nito parang naging bata ulit si Lester, ang tanging
inaalala na lamang niya ay ang kaniyang sarili at ang kaniyang kasiyahan. Ang sarili niya ang
naging sentro ng lahat ng ginagawa niya simula sa puntong ito. Samakatuwid, ang mga ikinikilos
ni Lester simula ng nabuhayan siya nang loob dahil kay Angela, ay isang malinaw na pagpapakita
na wala siyang pakielam sa mga ordinaryong bagay na nangyayari sa kaniyang buhay, na tuluyan
na siyang nagiging independent at hindi nagpapadikta sa mga ikinikilos ng mga tao sa kaniyang
paligid. Nagkaroon na siya ng sariling buhay, nagkaroon na siya ng sariling problema, at hindi na
sia nagpapaalipan pa muli sa mga ibinabato sa kaniyang mga problema.
Isang malinaw na ehemplo ng angst, samakatuwid, ang pagpumiglas sa nakasanayan.
Nag-iiba ang tingin ng taong dinadapuan ng angst sa mundong kaniyang ginagalawan. Biglang
nagiging kapansin-pansin ang realidad, biglang napagtatanto na ang sarili lamang ang maaasahan
sa buhay, sariling pagiisip, sariling pagkikilos, sariling mga problema. Gaya na lamang ng pag-alis
ni Lester sa kaniyang trabaho, sarili niyang desisyon ang pinairal dito. Hindi siya nagpadala sa
kahit sino o kahit na anong pangyayari, nangyari ito sa kaniya sapagkat ito ang pinili niya. Gaya
na rin ng kaniyang desisyong magpaganda ng katawan dahil nang kaniyang narinig na ito ang
gusto ni Angela sa lalaki, mas napapatinag ang kakayahan ni Lester na kumilos nang mag-isa para
sa sarili, na mas pinatibay pa noong nahuli siya ng kaniyang asawa na nagbe-benchpress sa
kanilang garahe at hindi siya tumigil kahit na kung anu-ano na ang niraratrat ng kaniyang asawa
tungkol sa kaniyang paghithit ng marijuana at sa kaniyang pageehersisyo. Tunay na hindi na
nagpadala si Lester sa mga dating tila umaalipin sa kaniya, na siyang nagpapatibay na sumasailalim
na siya sa tinatawag ni Heidegger na Angst.
Marahil nakapagtataka ngayon kung bakit o ano ang silbi ng pagsasailalim ni Lester sa
angst. Isa sa mga dahilan ng pagdaranas ng angst ay buhat ng pagiging bukas sa lahat ng
posibilidad at kasama na rito ang kamatayan. Samakatuwid, bukod sa pagiging catalyst ni Angela
sa angst ni Lester, malaking papel ang ginampanan ng ideya ng kamatayan sa pag-udyok ng
kaniyang pagpupumiglas sa nakasanayan. Ayon kay Lester noong nagalit siya sa kaniyang pamilya
habang naghahapunan, I am sick and tired of being treated like I don't exist. You two do
whatever you want, whenever you want to do it, and I don't complain
1
. Ang pakiramdam na tila
wala na siya sa mundong ito ang maituturing ideya na siyang ginagalawan niya sa kaniyang buong
buhay at ito ang ordinaryong pamamaraang nais niyang takasana nang siya ay nag-angst. Sa
madaling salita, buong buhay ni Lester, siya ay hinuhubog na sa kamatayang ito, unti-unti niyang
nararanasan ang pagiging wala, ang pagiging hindi kapansin-pansin na pinakakinatatakutan ng
lahat ng tao kapag mamamatay. Kung ating pagmumunihan an gating kamatayan, hindi naman
talaga ang ideya ng kamatayan ang bumabagabag sa atin, ang tunay na bumabagabag sa atin ang
mapag-iwanan tayo; ang ideya na tumatakbo pa rin ang mundo kahit na wala tayo. Ang masaklap
dito, sa kaso ni Lester, naranasan niya na tumatakbo ang buhay ng kaniyang asawa, ng kaniyang
anak, ng kaniyang trabaho, ng buong komunidad niya na nararamdaman niyang parang wala
naman siya doon dahil hindi naman siya napapansin.
Para sa akin, kaya binaggit sa umpisa na mamamatay na siya makalipas ang isang taon ay
dahil hinuhubog na siya ng pamamaraan ng kaniyang pamumuhay sa pangyayaring ito. Ang

1
Rottentomatoes.com,. (2014). American Beauty - Movie Quotes - Rotten Tomatoes. Retrieved 20 September
2014, from http://www.rottentomatoes.com/m/american_beauty/quotes/
pagkakaiba ng ideya ng pagiging wala niya at ni Angela sa pagdulot ng angst kay Lester ay si
Angela ang tumayong taga-bigay-buhay kay Lester mula sa kamatayang kaniyang ginagalawan, at
ang ideya ng pagiging patay ng kaniyang buhay ang nagbigay sa kaniya ng mata upang makita na
sa tinagal-tagal ng panahon, hindi siya nagkaroon ng pagkakataong maipahayag ang kaniyang
sarili sapagkat natatakpan lamang siya ng anino ng ibang mga tao.
Kamatayan, samakatuwid, ang paksa ng buong pelikula sapagkat tahasan na itong sinabi
sa umpisa pa lamang, hindi lamang sa salita, kung hindi, pati na rin sa pagpapakita ng
pamamaraan ng pamumuhay ni Lester, pati na rin sa pagtingin sa kaniya ng ibang mga tao. Tila
hindi na siya nage-exist, at ang mas malala; hinihiling pa ng kaniyang anak na siya ay mamatay
kahit pabiro lamang. Ang kamatayan niya samakatuwid ay may dalawang imahen, ang kamatayan
niya matapos ang isang taon, at ang pagiging patay niya sa mata ng kaniyang mga taong
nakakasalamuha.
Kung atin iisipin, kahit na uminog ang buong pelikula sa kamatayan ni Lester at ang
kaniyang landas tungo sa pangyayaring ito, at habang hindi naman matatawag na pamumuhay
ang buhay na kaniyang naranasan, malaki ang naitulong ng angst upang maliwanagan siya sa
tunay na nangyayari. Kung hindi dahil kay Angela, hindi siya magkakaroon ng dahilan upang
maging normal na lalaki at normal na tao na marunong manindigan at ipaglaban ang kaniyang
saloobon. Kung hindi dahil dito, hindi sana siya mamamatay nang masaya at kuntento. Hindi
sana niya makikita na masaya ang kaniyang anak, hindi sana magsisisi si Carol sa paraan ng
pagtrato niya kay Lester. Kung ating titignan, wala naman talagang masama sa kuwentong ito,
lahat ng tauhan sa pelikula ay may kaniya-kaniyang pinagdadaanan at mayroon lang silang kaniya-
kaniyang paraan ng pagdala sa mga ito na nahubog ng ibang mga tao at ng komunidad. Kailangan
lamang natin buksan ang ating mga mata, at tanggapin na maraming maaaring mangyari, at lahat
ng ito ay mabibigyan ng pagkakataong mangyari o hindi mangyari kung tayo muna ay kikilos para
sa ating mga sarili, kung aakuhin natin ang ating buhay, problema, kilos, at isip bilang ating sarili.


MGA SANGGUNIAN
Rottentomatoes.com,. (2014). American Beauty - Movie Quotes - Rotten Tomatoes. Retrieved
21 September 2014, from http://www.rottentomatoes.com/m/american_beauty/quotes/

You might also like