You are on page 1of 3

Bingoleras

Nagsimula ang kwento sa paghahanap ng dalawang magkaibigan na sina Mimi at Dang - isang
madre at isang social worker ng isponsor ng kanilang gagawing binggohan para sa kapakanan ng mga
bata sa ampunan. Tumungo sila sa parokya at sa kapitana upang humingi ng permit, at sa araw ding iyon
ay matagumpay silang nakakuha ng permit. Sa unang gabi ng binggohan, dumagsa ang mga tao na may
kanya-kanyang dalang bato para sa kani-kanilang mga cards. Upang paunlakan ang lahat, nagbigay ng
bating panimula si Sister Lulu. Naroon rin ang pari ng parokya at siyempre ang kapitana ng barangay.
Nang gabing iyon rin nakilala ng dalawang magkaibigan ang karakter ni Eula Valdez na nagngangalang
Dang isang lesbyanang mayaman na hiwalay sa asawa. Nagpatuloy pa ang mga gabi ng pabinggo at
kasabay nito ang paglago rin ng pagkakaibigan nina Dang, Mimi at Jean. Di rin siyempre mawawala ang
bagong kasintahan ni Jean na si Rona, isang babaeng pulis sa kanilang lugar. Naging kasa-kasama na rin
ng apat sina Bonay at Pinang na kanilang pilit pinagbati matapos mag-away at magkainitan ng ulo.
Sa paglipas ng panahon, mas naging kumportable ang anim sa isat isa. Si Mimi ay nagkaroon ng
kasintahan sa katauhan ni Dodong. Maayos na sana ang takbo ng mga bagay-bagay, ang kaso di alam nila
Jean, Rona, Bonay at Pinang na nagpapanggap lang sila Dang at Mimi. Katunayan, sila pa nga ay mga
kriminal na may kasong estafa. Di totoo na para sa mga bata sa ampunan ang pera na kinikita ng kanilang
mga pabinggo. Di rin totoo na may Tahanang Walang Magulang gaya ng sabi nila. Si Mimi (na mas
kilala bilang Sister Lulu) ay hindi rin tunay na madre. Lahat ng ito ay pinlano ni Dang. Gusto niya kasing
makapunta ng Amerika upang makita ang anak niya na inilayo sa kanya ng ama nito. Naging malapit si
Dang kay Jean upang gawin itong isponsor. Pumayag

naman si Jean at sinabing magbibigay ng

limangdaang libong piso para sa ampunan. Ang kaso lang, nakita ni Rona ang wanted posters nina Mimi
at Dang. Sinabi niya ang nalaman kay Jean. Di naman ito ininda ni Jean dahil alam niyang may dahilan
ang kaibigan niya kung bakit niya iyon ginagawa. Kinagabihan, sa mismong pabinggo, iniabbot na ni
Jean ang tseke kay Dang. Nagpatuloy ang pabinggo at di nagtagal ay may tumama na. Si Bonay at Pinang
ay sabay na nagtaas ng kamay. Inakusahan ng isat isa na mandaraya, di kasi nila tanggap na may kaagaw
sila sa pagkapanalo. Nagkagulo ang mga tao sa plaza matapos gumawa ng kaniya-kaniyang grupo upang
suportahan ang kapitbahay. Di na makontrol ang paligid kaya naman nagpaputok ng baril ang pari ng
parokya. Nagsitahimik naman ang lahat, iyon nga lang dumating ang mga pulis at hinuli ang grupo nila
Dang, Mimi, Jean, Rona, Bonay, Pinang, Father at Dodong. Dinala sila sa presinto at doon
ipinagpaliwanag. Unang nakalaya sila Dang at Mimi matapos nilang sabihin na naghost lamang sila ng
pabinggo para sa kapakanan ng mga bata sa ampunan. Naawa si Chief kayat dali-dali silang pinalaya.
Nakapagpaliwanag din naman ang iba at di kalaunan ay nakalaya maliban kay Father. Sa pag-iisip,
nalaman ng chief ng pulis na mga kriminal pala sila Dang at Mimi. Dali-dali naman nilang sinugod ang

tirahan ng dalawa at doon ay naabutan ang dalawa na papaalis na. Dinampot si Dang at si Mimi
papuntang presinto.
Di nagtagal ay pinyansahan ni Jean ang dalawa. Nakalaya si Mimi at Dang at kasabay noon ay
ang panibagong buhay na naghihintay. Nagpatayo kasi si Jean ng sariling center para sa mga batang
lansangan at isinama niya doon sila Mimi at Dang upang makapagsimula. Naging masaya naman ang
dalawa dahil sa wakas, din a lang isang kasinungalingan ang pagtulong nila sa kapwa. Naging kuntento
na rin si Dang at ipinagmaaki pa nga niya sa anak niya sa abroad ang dakilang trabaho na mayroon siya
ditto sa Pilipinas.
Una sa lahat, naging magaan lang ang takbo ng buong kwento nang ito ay magsimula hanggang
sa kalagitnaan. Ito ay dahil na rin siguro sa mga komedyang inilapat sa mga eksena sa palabas. Masasabi
kong nakatulong ang mga iyon upang mas maging bukas ang mga usapan kahit na sa mga maseselan at
mabibigat na temang tinalakay sa kwento. Ikalawa, naging interesante rin ang buong pelikula dahil na rin
siguro sa naging bukas ito sa mga totoong nagaganap sa lipunan upang ipakita ang mga kamalian sa ating
sistema. Higit pa doon, naipakita rin sa buong pelikula kung paano mababago ang mga pagkakamali at
kung paano magsisimula muli ng panibagong buhay. Kung susumahin, bawat karakter ay may kwentong
kapupulutan ng aral.
Sa buhay ni Jean, naipakita sa pelikula na maging ang mga mayayaman ay may problema rin sa
buhay. Naghiwalay sila ng asawa niya dahil gaya ng sabi niya, di na nila maibigay sa isat isa ang mga
hanap nila. Siya ay lesbyana at bakla naman ang asawa niya at sa ngayon ay may kanya-kanya na silang
partner. Naging maayos naman ang pagganap ng mga actor at aktres. Binuwag ng mga karakter ang mga
stereotypes para sa mga LGBT. Si Jean ay isang lesbyana ngunt di siya nagdadamit panlalaki, parang
normal pa rin. Ang bakla niyang asawa ay lalaki pa rin manamit at may maayos na trabaho bilang isang
abugado.
Sa pamamagitan nina Bonay at Pipang naipakilala ang buhay-iskwater. Magulo, maingay, puno
ng away iyan ang mga unang eksena sa kwento ng buhay nila. Di kalaunan ay napagdugtong ang
kwento ng dalawa matapos nilang malaman na magkapatid pala sila sa ama. Dahil dito, nagkasundo sila
at tumira sa iisang bahay. Maganda ang kinalabasan ng kwento nila kahit pa nagsimula ito sa mga away.
Naipakita na sa di inaasahang pagkakataon, at kahit pa sa mga panahong akala natin di na maayos ang
mga problema, may isang bagay na makakapag-ayos ng lahat.
Sila Dang at Mimi naman ay nagsilbing kwento ng second chance. Oo, nagkamali sila noong
una pero iyon ay dahil lang sa kinalalagyan nilang sitwasyon. Ang sistema ng lipunan ang naglagay sila

sa sitwasyong iyon kaya naman napilitan silang gumawa ng krimen. Ang sasabihin siguro ng ilan, may
ibang paraan pa naman para makalikom ng pera, bakit kalangang manloko pa ng ibang tao? Para sa akin
naman, di talaga natin mahuhusgahan ang mga ginagawa ng tao hangga di pa tayo nalalagay sa
sitwasyon nila. Siguro ayaw talaga nilang makasakit ng iba pero wala na silang ibang naiisip na paraan.
Ang mahalaga, sa huli ay may natutunan sila. Ang maganda pa nito, isinabuhay nila ang mga natutunan
nila at tunay na silang tumulong sa iba.
Di rin maiiwasang mapansin na maraming kwento ang di nabigyan ng katapusan tulad na lang ng
pag-iibigan nila Mimi at Dodong. Masyado ring naging mabilis ang pagiging magkaibigan ng anim na
pangunahing karakter. Madaming pilit na pagpapatawa at medyo naging distracting ang ilang props na
ginamit.
Sa huli, di ko rin naman masasabing perpekto ang pelikula dahil nga sa mga nabanggit na
suliranin pero sa kabuuan, naging matagumpay naman ito sa pagpaparating ng mga ideya at mensahe sa
kanilang mga tagapanood. Maraming aral na pwedeng mapulot at ang maganda pa nito, di ka lang basta
magiging tagapanood na tumatanggap ng lahat ng ibibigay sayo, matututo kang mag-isip at magmunimuni tungkol sa mga bagay na talaga nga naming nangyayari sa paligid.

You might also like