You are on page 1of 9

Manuel L.

Quezon

Unang Pangulo ng Komonwelt ng Pilipinas


Nobyembre 15, 1935 Agosto 1, 1944

Manuel L. Quezon Talambuhay Mga Personal na Tala sa Buhay

Araw ng pagkasilang: Agosto 19, 1878


Lugar na sinilangan: Baler, Tayabas
Ama: Lucio Quezon
Ina: Maria Dolores Molina
Maybahay: Aurora Aragon
Mga anak: Maria Aurora, Zenaida at Manuel, Jr.
Araw ng kamatayan: Agosto 1, 1944
Lugar kung saan namatay: Saranac Lake, New York, U.S.A.
Sanhi ng kamatayan: Tuberkulosis
Edad nang mamatay: 66

Edukasyon

Elementarya at Mataas na Paaralan


Colegio de San Juan de Letran (1894)
Kolehiyo
Batsilyer ng Sining, Colegio de San Juan de Letran (1894)
Batsilyer ng Abogasya, University of Santo Tomas
mga nagawa at mga programa
Tala sa Kasaysayan: Mga Nagawa at Programa na Naipatupad
Binansagang Ama ng Wikang Pambansa dahil sa pagsusulong sa Wikang Filipino
bilang pambansang wika
Namasukan bilang katulong ni Rev. Father Teodoro Fernandez, sa simbahan sa
Intramuros.
Nagtapos ng Batsilyer ng Sining sa Colegio de San Juan de Letran sa edad na 16.
Nagsimula siyang magpraktis ng batas noong 1903.
Nahalal na gobernador ng Tayabas (Quezon ngayon) noong 1905
Hindi siya minsan man nakalasap ng pagkatalo sa pulitika.
Naging miyembro ng kauna-unahang Philippine Assembly noong 1906.
Bilang resident commissioner sa U.S. Congress (1909-1916) ay mahigpit niyang
ipinaglaban ang kasarinlan ng Pilipinas.
Nagkaroon ng designasyong tenyente, kapitan at major sa hukbo noong Rebolusyon
ng Pilipinas at Digmaang Pilipino-Amerikano.
Naglingkod siya sa ilalim ng pamumuno ni Hen. Emilio Aguinaldo at Hen. Tomas
Mascardo.
Kumatawan sa Pilipinas sa International Congress of Navigation sa St. Petersburg,
Russia noong 1908.
Pinuno ng Mayorya ng Kapulungan, Unang Asembleya ng Pilipinas.
Umuwi mula Estados Unidos matapos masiguro ang pagkakapasa ng Jones Law
noong 1916, ang batas na nagsasabing pagkakalooban ng kasarinlan ang Pilipinas
kung mapatutunayan ang kakayahan na magpatakbo ng sariling pamahalaan.
Naging Pangulo ng Senado noong 1923.
Tiniyak na maipasa ang Tydings-Mcduffie Law na nagtatadhana sa 10 taong
paghihintay para sa kasarinlan ng Pilipinas at nagpapahintulot ng pagdaraos ng
Constitutional Convention.
Nahalal na Pangulo ng Komonwelt ng Pilipinas noong Setyembre 17, 1935.
Kauna-unahang pinunong Pilipino na tumira sa Palasyo ng Malacaang.
Pinasimulan ang opisyal na pagtatalaga ng pambansang wika sa Batas Komonwelt
bilang 570.
Makaraan ang pananakop ng mga Hapones noong World War II, tumakas patungong
Estados Unidos kung saan pinamahalaan ang pamamalakad sa Pilipinas hanggang
sa huling sandali ng kanyang buhay.
Ang Quezon City at Quezon Province ay ipinangalan sa kanya bilang pagkilala sa

kanyang kadakilaan.
Ayon kay Quezon ay nanaisin pa niya ang isang mala-impiyernong pamahalaang
pinatatakbo ng mga Pilipino kaysa isang langit na pamahalaan ngunit
pinamumunuan ng mga dayuhan
Si Manuel Luis Quezon y Molina ay kilala bilang Ama ng Wikang Filipino. Tinagurian
ding Ama ng Republika ng Pilipinas, siya ang naging unang Pangulo ng
Commonwealth ng Pilipinas sa ilalim ng pamahalaang Amerikano noong simula ng
ika-20 siglo. Bagamat hindi kinilala ng ibang bansa ang naunang Republica Filipina
na siyang pamahalaang rebolusyunaryo ni Emilio Aguinaldo, si Quezon ay
itinuturing ng mga Filipino bilang ikalawang Pangulo lamang ng bansa, sumunod kay
Aguinaldo. Si Quezon ay tinatawag ding Ama ng Kasarinlang Pilipino dahil sa
kanyang mga ginawa upang isulong ang kasarinlan ng Pilipinas mula sa
pamahalaang Amerikano.

Mga nilalaman [itago]


1 Kabataan at Simula ng Karera
1.1 Pulitika
1.2 Senado
2 Pagka-Pangulo
2.1 Mga natatanging kaganapan sa kanyang pagka-Pangulo
3 Ikalawang Digmaang Pandaigdig at ang Pamahalaang Desterado
4 Kamatayan
4.1 Linggo at Buwan ng Wika
5 Sanggunian
6 Panlabas na Kawing
7 Pagkilala
[baguhin] Kabataan at Simula ng Karera

Ang mestiso Espanyol na si Manuel Luis Quezon ay ipinanganak noong ika-19 ng


Agosto, 1877 (bagamat ang kanyang opisyal na kaarawan ay ang ika-19 ng Agosto,
1878) sa Baler, Tayabas (ngayon ay nasa lalawigan na ng Aurora), kina Lucio
Quezon, isang guro mula sa Paco, Manila, na isa ring retiradong sarhento sa

sandatahang kolonyal ng Espanya, at Maria Dolores Molina, isa ring guro sa kanilang
bayan.
Tinuruan siya ng isang pribadong guro mula 1883 hanggang 1887; pagkatapos ay
pumasok siya sa San Juan de Letran kung saan siya nagtapos sa sekondarya noong
1889. Namatay ang kanyang ina sa sakit na tuberkulosis noong 1893, bago siya
nagtapos ng summa cum laude sa kursong Bachelor of Arts sa Unibersidad ng Sto.
Tomas (UST) noong 1894. Pagdating ng 1898, ang kanyang amang si Lucio at
kapatid na si Pedro ay tinambangan at pinatay ng mga armadong lalaki noong
pauwi sila ng Baler galing Nueva Ecija, dahil sa kanilang katapatan sa pamahalaang
Espanyol.
Nag-aral si Quezon ng abogasya sa UST, ngunit pansamantalang natigil nang
sumiklab ang Digmaang Pilipino-Amerikano. Sumanib si Quezon sa kilusang
rebolusyonaryo at nagsilbi bilang aide-de-camp o kanang kamay ni Emilio Aguinaldo
mula 1899 hanggang sa nabihag si Aguinaldo ng mga Amerikano noong 1901.
Pagkatapos ng digmaan, tinapos niya ang kursong abogasya sa UST at nagtamo
siya ng ikaapat na puwesto sa Bar Exams noong 1903. Nagtrabaho muna siya
bilang isang clerk at surveyor bago naglingkod sa gobyerno bilang piskal ng Mindoro
noong ika-19 ng Setyembre, 1903, at di kalaunan ay naging piskal ng Tayabas
noong Marso 1904. Sa maikling panahong piskal siya ng Tayabas, naghain siya ng
25 na kasong estafa laban kay Frank J. Berry, isang impluwensiyal na abogado at
manlilimbag na Amerikano, bago siya nagbitiw sa tungkulin noong Nobyembre 1904
at naging pribadong abogado mula 1904 hanggang 1906.
Noong ika-13 ng Hulyo 1906, ibinaba ng Korte Suprema ang hatol sa kasong U.S. vs.
Querijero (G.R. No. L-2626), na nagsasabing noong pinatay ang ama at kapatid ni
Quezon, ang mga salarin ay mga sundalong rebolusyunaryong lumalaban sa
Espanya at ang pagpaslang ay alinsunod sa utos ng nakatataas na opisyal at
ginawa para sa mga layunin ng himagsikan.
[baguhin]Pulitika
Noong 1906, nahalal si Quezon bilang konsehal at kalaunan bilang Gobernador ng
Tayabas. Noong ika-25 ng Hulyo 1907, nagbitiw siya bilang Gobernador at tumakbo
para sa Philippine Assembly. Mula 1907 hanggang 1909, naging miyembro siya ng
Philippine Assembly, at Majority Floor Leader at Chairman ng Appropriations
Committee. Noong 1909, inihalal siya ng Lehislatura ng Pilipinas bilang resident
commissioner sa Kongreso ng Estados Unidos.
Bilang resident commissioner, maaaring magsalita at sumali si Quezon sa
talakayan, ngunit wala siyang karapatang bumoto. Gayunpaman, masigasig si
Quezon sa pagsusulong ng kagustuhang lumaya ang Pilipinas. Pagkatapos ng isang
talumpati sa Tammany Hall para sa Fourth of July noong 1911, sinabi ni Quezon sa
New York Times na Kami ay nagpapasalamat kay Ginoong Taft at sa mga

Amerikano sa kanilang mga ginawa para sa amin, ngunit ayaw naming maging
isang kolonya. Gusto namin ng kalayaan.[1]
Bilang sagot sa inilathala ng New York Times na Philippines the Key to our Success
in the Far East, sinabi ni Quezon (nailathala sa NY Times noong ika-15 ng
Setyembre 1912), Panahon na para sa mga tumitingin sa Pilipinas bilang isang
negosyo na lumantad at sabihin ito kapag kanilang isinusulong ang pananatili ng
mga isla bilang sakop ng Amerika, sa halip na pagtakpan ang kanilang totoong
hangarin ng mga dahilang nakakainsulto sa pambansang dangal ng mga Pilipino.
Huwag nilang sabihin na ang Estados Unidos ay nananatili sa Pilipinas hindi dahil sa
gusto nitong magpalawak ng teritoryo, hindi dahil sa naghahangad itong kumita,
kundi upang bigyan ang mga isla ng isang mabuti at matalinong Pamahalaan, na
hindi kayang itatag at panatilihin ng mga Pilipino nang kusa. [2]
Noong 1916, iniuwi ni Quezon sa Pilipinas ang Batas Jones, na nangangakong
kikilalanin ang kasarinlan ng mga Pilipino.
[baguhin]Senado
Si Manuel L. Quezon ay nahalal bilang Senador ng Ikalimang Distrito noong 1916 at
naging Pangulo ng Senado hanggang 1935. Umabot ng labinsiyam na taon ang
kanyang pagiging Pangulo ng Senado.
Noong ika-9 ng Disyembre, 1918, naglayag si Quezon patungong Amerika bilang
pinuno ng unang Independence Mission sa Kongreso ng Estados Unidos. Dumaan
muna siya ng Hongkong, kung saan pinakasalan niya ang kanyang pinsang-buo na
si Aurora Aragon y Molina noong ika-17 ng Disyembre. Biniyayaan sila ng apat na
supling, sina Maria Aurora (Baby) (1919-1949); Maria Zeneida (Nini) (1921-);
Luisa Corazon Paz (Nenita) (1923-1923); at Manuel L., Jr. (Nonong) (1926-1998).
Ika-10 ng Mayo, 1920 nang unang magtalumpati si Quezon sa harap ng Kongreso
ng Estados Unidos. Kasama sa talumpati niya ang mga katagang Sa kabila ng
lahat, nais pa rin namin ng kasarinlan, at Kung ang nakatakdang kapalaran ng
aking bansa ay ang maging sakop ngunit mayaman, o ang maging malaya ngunit
mahirap, walang pag-aalinlangang pipiliin ko ang huli.
Noong 1922, kinuwestiyon ni Quezon ang aniyay unipersonal leadership ni
Tagapagsalitang Sergio Osmena, kung ihahambing sa tinatawag na collective
leadership na kanya namang itinataguyod. Noong ika-24 ng Pebrero 1922, umalis
si Quezon sa Partido Nacionalista, kung saan kasapi din si Osmena, at ang kanyang
sabi: Ang partido ay hindi kailanman naging at hindi kailanman magiging ang
bayan. Ang aking katapatan sa aking partido ay natatapos kung saan nagsisimula
ang aking katapatan sa aking bayan. Nanatili si Quezon bilang Pangulo ng Senado,
at si Osmena naman ay naging Pangulo ng Senado Pro Tempore. [3]

Matapos mahalal si Warren Harding bilang Pangulo ng Estados Unidos noong 1920,
si Francis Burton Harrison ay pinalitan ni Leonard Wood bilang Gobernador-Heneral
ng Pilipinas. Nagpairal si Gobernador-Heneral Wood ng mga patakarang sa paningin
ng mga Pilipino ay masyadong marahas. Noong 1923, panahon ng
pangangampanya para sa espesyal na halalan para sa ikaapat na senatorial district
(sakop ang Manila at mga karatig-lalawigan), si Jose P. Laurel, na nooy Kalihim ng
Kagawarang Panloob, ay nagbitiw sa tungkulin bilang protesta sa aniyay pakikialam
ni Wood sa kanyang kagawaran. Ang Partido Democrata, na siyang oposisyon, ay
nangako namang makikipagtulungan kay Wood. Tinawag ni Quezon na
Americanistas ang Partido Democrata. Ayon sa kanya, ang isang boto para sa
kandidato ng partidong iyon ay isang botong laban sa kasarinlan ng Pilipinas.
Idinagdag pa niya: Mas gugustuhin ko pa ang isang bayang pinamahalaang parang
impiyerno ng mga Pilipino, kaysa sa isang bayang pinamahalaang parang langit ng
mga Amerikano, sapagkat gaano man kasama ang isang pamahalaang Pilipino ay
magagawa nating baguhin.
Noong 1931, ang Misyong OsRox na pinamunuan nina Sergio Osmena at Manuel
Roxas ay tumungo ng Estados Unidos upang isulong ang hangaring kasarinlan.
Iniuwi nila ang Batas Hare-Hawes-Cutting, na mariin namang tinutulan ni Quezon sa
dahilang naglalaman ito ng kondisyong mananatili pa rin sa Pilipinas ang mga base
militar ng Amerika matapos maipahayag ang kasarinlan. Bagamat ang Batas HareHawes-Cutting ay naaprubahan na ng Kongreso ng Estados Unidos, ibinasura
naman ito ng Lehislatura ng Pilipinas noong Oktubre 1933. Pagdating ng Nobyembre
1933, tumulak na si Quezon patungong Washington. Iniuwi niya noong 1934 ang
Batas Tydings-McDuffie, na hindi na naglalaman ng kondisyon ukol sa mga base
militar ng mga Amerikano, at ito ay inaprubahan ng Lehislatura ng Pilipinas.
Noong ika-30 ng Hulyo, 1934, pormal na sinimulan ang Constitutional Convention,
at noong ika-14 ng Mayo 1935, pinagtibay na ang Saligang Batas ng 1935.
[baguhin]Pagka-Pangulo

Si Quezon ay tumakbo sa unang halalan sa pagka-Pangulo ng Pilipinas noong


Nobyembre 1935 at nanalo siya laban kina Emilio Aguinaldo (dating Pangulo ng
Rebolusyunaryong Republica Filipina, pinagsilbihan niya dati bilang aide-de-camp o
kanang kamay), at Gregorio Aglipay.
[baguhin]Mga natatanging kaganapan sa kanyang pagka-Pangulo
Sa kanyang unang termino bilang Pangulo, nakipagtulungan si Quezon kay High
Commissioner Paul V. McNutt ng Estados Unidos upang mapadali ang pagpasok sa
Pilipinas ng mga Hudyong tumatakas sa mga rehimeng pasista sa Europa.[4]
Isinulong din ni Quezon ang isang proyekto upang makapanirahan sa Mindanao ang
mga takas na Hudyo.

Mula 1901 hanggang 1935, bagamat isang Pilipino ang palaging nahihirang bilang
Punong Mahistrado, mga Amerikano ang karamihan sa mga miyembro ng Mataas na
Hukuman (Supreme Court). Nakamtan lamang ang ganap na Pilipinisasyon ng
Hukuman nang itatag ang Commonwealth ng Pilipinas noong 1935, nang si Quezon,
bilang Presidente, ay mabigyan ng kapangyarihan upang maghirang ng kaunaunahang Mataas na Hukuman na ang lahat ng miyembro ay Pilipino. Kabilang sa
mga unang itinalaga ni Quezon upang pumalit sa mga Amerikanong mahistrado
sina Claro M. Recto at Jose P. Laurel. Dinagdagan ang bilang ng miyembro ng
Hukuman (ginawang labing-isa): isang Punong Mahistrado at sampung Katulong na
Mahistrado, na umupo nang en banc(magkakasama ang lahat sa paggawa ng
desisyon) o di kaya sa dalawang Sangay na may tiglilimang miyembro.
Noong 1935, ang dating Chief of Staff ng Estados Unidos na si Heneral Douglas
MacArthur, na matagal nang kakilala ni Quezon, ay bumalik sa Pilipinas bilang
tagapayo ng Commonwealth tungkol sa sandatahan. Naatasan si MacArthur upang
bumalangkas ng isang national defense plan at upang itatag at sanayin ang
Hukbong Sandatahan ng Pilipinas. Nang magretiro si MacArthur sa Sandatahan ng
Estados Unidos noong 1937, kaagad na inalok siya ni Quezon ng isang posisyon
bilang Field Marshal.
Noong 1936, inilabas ni Quezon ang E.O. No. 23, na naglalaman ng teknikal na
paglalarawan at detalyadong espisipikasyon ng watawat ng Pilipinas.
Pagdating ng Enero 1937, itinayo ni Quezon ang Surian ng Wikang Pambansa, na
naglalayong lumikha ng isang pangkalahatang pambansang wika para sa mga
Pilipino. Noong Nobyembre 1937, inirekomenda ng Surian na gawing pambansang
wika ang Tagalog, kung kaya noong ika-30 ng Disyembre 1939 ay idineklara ni
Quezon na Tagalog ang magiging pambansang wika ng Pilipinas. Noong Hunyo 1940
naman, iniutos niyang ituro ang pambansang wika bilang isa sa mga asignatura sa
mga paaralan.
Masigasig na isinusulong ni Quezon ang panlipunang katarungan o social justice,
kung kaya minsan ay kanyang winika: Higit na makatutulong ang panlipunang
katarungan kapag ang ginamit na batayan ay ang damdamin at pang-unawa at
hindi ang batas. Noong 1937, nilagdaan ni Quezon ang kauna-unahang batas para
sa minimum wage sa Pilipinas. Noong taon ding iyon, unang bumoto ang
kababaihang Pilipino sa isang plebisito tungkol sa karapatan ng mga babaeng
bumoto o ang tinatawag na womens suffrage.
Noong ika-12 ng Oktubre, 1939 naman, nilagdaan ni Quezon ang Batas
Commonwealth 502, na lumikha ng isang lungsod sa Diliman, na nasa dakong labas
ng Maynila. Ang lungsod na kanyang itinatag at pinagyaman upang maging
kabisera ng bansa, ay ipinangalan sa kanya kinalaunan ang Lungsod ng Quezon.
Pinahaba ang orihinal na termino ni Quezon na anim na taon bilang Pangulo sa
pamamagitan ng pag-amiyenda sa Saligang Batas, kung kayat nagsilbi pa siya ng

karagdagang dalawang taon bago siya nahalal muli bilang Pangulo noong
Nobyembre 1941.
[baguhin]Ikalawang Digmaang Pandaigdig at ang Pamahalaang Desterado

Noong ika-8 ng Disyembre, 1941, bago pa lamang naihalal si Quezon sa kanyang


ikalawang termino bilang Pangulo nang inatake ng bansang Hapon ang Pearl Harbor
sa Hawaii. Sumunod ang pag-atake sa ibat ibang base militar ng Estados Unidos sa
Pilipinas. Nang salakayin ng mga Hapones ang Pilipinas, lumikas si Quezon sa
Corregidor, kung saan siya muling nanumpa bilang Pangulo noong ika-30 ng
Disyembre, 1941, sa harap ng Malinta Tunnel. Nang sumunod na buwan, napilitan si
Quezon na lumikas ng Corregidor papuntang Visayas lulan ng isang submarino, at
mula doon ay sa papuntang Mindanao. Alinsunod sa imbitasyon ng gobyerno ng
Estados Unidos, inilikas siya papuntang Australia at kalaunan sa Estados Unidos,
kung saan niya itinayo ang pamahalaang desterado (government in exile) ng
Commonwealth ng Pilipinas, na ang punong-tanggapan ay nasa Washington, D.C.
Doon, naglingkod siya bilang miyembro ng Pacific War Council at isinulat niya ang
sariling talambuhay, ang The Good Fight o Ang Mabuting Pakikipaglaban, na
inilathala noong 1946.
Ika-14 ng Hunyo 1942, sa White House sa Washington D.C., nang lagdaan ni Quezon
ang United Nations Declaration sa ngalan ng Pilipinas. Ito ang kauna-unahang
pagkakataon na ang watawat ng Pilipinas ay itinaas kasama ang watawat ng ibang
bansa, at bagamat isa lamang Commonwealth, kinilala na ng ibang bansa sa pagasang makakamtan din nito ang ganap na kasarinlan.
[baguhin]Kamatayan

Namatay si Quezon sa sakit na tuberculosis noong ika-1 ng Agosto 1944 sa Saranac


Lake, New York. Una siyang inilibing sa Maine Memorial sa Arlington National
Cemetery sa Washington D.C., pagkatapos ay hinukay muli ang kanyang mga labi at
isinakay sa USS Princeton[5], at muling inilibing sa Manila North Cemetery noong
ika-1 ng Agosto 1946. Kalaunan, inilipat ito sa Manuel Quezon Memorial Shrine, sa
loob ng bantayog sa Quezon Memorial Circle sa Lungsod Quezon, noong ika-19 ng
Agosto 1979, araw na sanay kanyang naging ika-102 kaarawan.
Nakaukit sa kanyang huling himlayan ang mga katagang: "Statesman and Patriot, |
Lover of Freedom, | Advocate of Social Justice, | Beloved of his People." (Mahusay na
tagapamahala at bayani,| Mapagmahal sa kalayaan,| Tagataguyod ng panlipunang
katarungan,| Minamahal ng kanyang bayan.)
[baguhin]Linggo at Buwan ng Wika

Noong ika-23 ng Setyembre 1955, idineklara ni Pangulong Ramon Magsaysay ang


ika-13 hanggang ika-19 ng Agosto kada taon bilang Linggo ng Wika. Ang
selebrasyon nito ay palaging nagtatapos sa kaarawan ni Quezon, ang taong unang
nagsulong ng paglikha ng isang pambansang wika.
Noong ika-15 ng Enero 1997, idineklara naman ni Pangulong Fidel V. Ramos ang
buong buwan ng Agosto bilang Buwan ng Wika.
Ika-28 ng Abril 2005 nang iniutos ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na ang mga
labi ng dating Unang Ginang Aurora Aragon Quezon, na tinambangan at pinatay sa
daan patungong Bongabon sa Nueva Ecija noong ika-28 ng Abril 1949, ay hukayin
sa dati nitong pinaglibingan at ilibing muli sa Quezon Memorial katabi ng mga labi
ng kanyang asawang si Pangulong Manuel L. Quezon.

You might also like