You are on page 1of 3

John Paul C.

Antioquia
International Coastal Clean-Up
Batch 52
Si Jose, Ang mga Sako at Ang Karanasan
Sino ba si Jose? Marahil, dalawang Jose ang pumapasok sa iyong isipan. Siguro, ang
unang Jose ay yung karpentero. Siya na siguro ang pinaka-kilalang Jose ng sanlibutan. Sino ba
naman ang hindi makakakilala sa ama ng Tagapagligtas? Wala naman siguro. Ang ikalawang
Jose na maaaring kilala rin ng karamihan ay yung manunulat. Ang kanyang mga akda ang
sinasabi ng karamihan na nagpaalab sa damdaming makabayan ng ating mga ninuno kaya naman
tayo ay may kalayaan.
Ngunit, ang Jose na tinutukoy ko ay iba. Hindi siya isang karpentero na gumagawa ng
bahay o nag-aayos ng mga sirang gamit. Hindi rin siya isang manunulat na magbibigay
inspirasyon sa kung sinuman ang makakabasa ng kanyang mga akda. Bagkus, si Jose ay
tagapulot ng basura sa baybayin ng Bicol River.
Nakilala ko si Jose noong ika-3 ng Oktubre. Ito ang araw na nakalaan upang ako (at ang
aking mga kaibigan) ay magkaroon ng tinatawag na Community Outreach Program o mas kilala
sa tawag na COP, at Coastal Clean-Up ang gawain noong araw na iyon. Hindi ko tinawag si Jose
noong araw na iyon upang kami ay tulungan. Parang alam niya na ang gagawin tuwing may
pupuntang Atenista sa kanilang lugar. Kasama ang ilang ka-edad, mamumulot na sila ng basura
at ipamimigay sa ilang Atenistang naroon. Hindi ako nag-aasam na may tutulong sa aming
pangkat. Ang alam ko lang, kailangan naming mamulot ng mga basura ayon sa listahan na
ibinigay. Habang naglalakad ako patungo doon sa malayo-layong bahagi ng dalampasigan, kung
saan wala pang Atenista na naroroon, nakasalubong ko si Jose. May hawak na mga basura.
Mayroon siyang hawak na styrofoam, bote, wrappers at ilang plastic na lalagyan. Hawak ko
naman ang isang sako. Kaunti pa lang ang laman. Parang nabibilang lang sa daliri ng mga
kamay. Tiningnan niya muna ako. Parang nangungusap ang kanyang mga mata. Nagtatanong sa
kanyang sarili kung ilalagay ba niya o hindi ang mga napulot na basura sa sakong hawak ko.
Binukas ko ang sako. Walang salita ang namagitan. Inilagay niya ang kanyang hawak na basura.
Saka ko siya tinanong kung anong pangalan niya. Hindi ako nakapagpakilala. Subalit, patuloy pa
rin ang pagbibigay niya ng mga napulot na basura sa akin. Hindi na siya nagbigay pa sa ilang
Atenista na naroroon din. Para siyang isang Character sa isang MMORPG na kapag kinausap o
tinulungan mo, magiging kaagabay mo siya sa iyong paglalakbay. Hindi na siya maghahanap pa
ng ibang tutulungan, kundi ikaw na. Kaunting tao lamang ang makikita at makikilala mo ganito.
Marahil, tayo, naghahanap ng maraming kaibigan. Kung sino-sino ang gustong makilala. Ngunit
sa mga kaibigan mo ngayon, sino-sino ba ang tapat at hindi ka iiwan? Ilan ba sa mga kaibigan
mo ang nariyan lang kapag kailangan ka at sino naman yung mga kaibigan na kahit hindi ka
masaya, nariyan sila?
Pinagmasdan ko si Jose. Alam na alam na niya ang mga basurang pupulutin. Maliban
lang doon sa ibang basura na hindi niya pinupulot na kailangan din pulutin. Ako ang tagapulot ng
mga basurang makakaligtaan niyang pulutin. Tinanong ko ang sarili ko. Ilang taon na ba na
ganito ang ginagawa ni Jose? Nag-aaral man lang ba siya? Kumusta naman kaya ang
kaniyang pamilya? Nasaan ang kaniyang mga magulang? Hindi ko ito tinanong sa kanya.

Natakot ako na baka iba ang maging kahulugan nito sa kaniya. Kinimkim ko na lang ang mga
ito. Ganito nga ako bilang isang tao. Maraming kinakatakutan pagdating sa pagbubuo ng mga
relasyon. Iniisip ko muna ang mga itatanong o sasabihin at ang posibleng maging reaksyon ng
aking kausap. Hindi ko alam, sadyang ganito lang ako.
Hawak ko ang isang sako na pinupuno namin ni Jose ng mga basura. Pulot lang kami
nang pulot. Basta may makitang basura, pinupulot at inilalagay sa sako. Kahit ang aking mga
kasama sa pangkat, ganoon din ang ginagawa. Lalo na itong si Ryan. Ayon, nauna na. Malayolayo rin ang narating niya kakapulot. Sumusunod lang kami ni Jose. Dalawang sako na ang
napuno namin. May natitira pang dalawang sako. Ayon, ilang minuto lang, puno na ulit. Pero sa
mga pagkakataong iyon, malayo-layo na ang narating namin mula sa lugar kung saan kami
nagtipon-tipon. Aabot ng isat kalahating kilometro rin yun.
Doon na pumasok ang isang hamon sa aming pangkat. Sabi ng COP Coordinator, tama
na raw ang pagpulot. Balik na raw kami. May apat kaming sako na puno ng basura at higit isang
kilometro ang aming lalakarin. Apat kami sa isang pangkat. Dalawa sa amin ay mga babae.
Paano namin iyon bubuhatin? Bakit kasi ganoon. Pulot lang kami nang pulot. Hindi man lang
iniisip ang gagawin pagkatapos. Siguro nga, ganito ang buhay. Gusto lang natin na umabante ng
umabante. Umunlad ng umunlad. Pero, naisip rin ba natin ang mga pagkakataong ano ang
gagawin natin kapag maunlad na tayo? Para saan ba ang ating pag-unlad? Na sa pagbalik natin sa
pagiging abo, ano-ano kaya ang ating dadalhin? Hindi ba tayo mahihirapan kapag papunta na
tayo sa yugtong iyon?
Buti na lang, may mga kaibigan kaming tumulong sa amin, ngunit wala sa akin. Mabigat
ang dala kong sako. Kung titimbangin, mas mabigat pa doon sa tatlo. May laman kaya itong
mabigat na salamin. Baka inisip lang nunn mga kaibigan na namin na kaya ko naman mag-isa, na
mas kailangan nung mga kasamahan ko ng tulong kaysa sa akin. Hila-hila ko ang sako. Kung
minsan, pinapasan. May mga pagkakataon ding humihinto ako dahil sa pagod at hingal-hingal na
ako. Malayo-layo pa ang lalakarin. Paubos na rin noon ang lakas ko. Pero sabi ko, kaya ko pa.
Kaunting tiis na lang. Nung malapit na ako, mga ilang metro na lang ang layo, sinalubong ako ni
Ryan at tinulungan. Sa ating buhay, mayroon tayong papasanin at kakaharaping mga pagsubok.
May mga pagkakataong tutulong sayo at may mga pagkakataong wala. Ito yung mga
pagkakataong mag-isa ka. Hindi mo kailangan ng tulong sapagkat ikaw lang ang makakatulong
sa iyong sarili. Oo, mapapagod ka, hihingalin ka. Mauubasan ka rin ng lakas at parang susuko ka
na at gusto, tumigil na lang. Ito lang yun, huwag na huwag kang susuko. Dahil sa bandang huli,
may nag-aabang sayo. May tutulong at papasan din sa pagsubok na kinakaharap mo. Huwag
kang mag-alala kung sa ngayon wala ka pang nakikilala. Dahil hindi mo niya kailangan pang
kilalanin. Nariyan lang siya sa paligid.
Natapos ang araw na iyon na masaya. Bakas sa aming mga mukha ang pagod, ngunit may
ngiti at galak. Madumi at madungis, ngunit tao pa rin naman kung titingnan. Ang iba, nakatulog
sa byahe pabalik ng Ateneo. Ngunit ako, nanatiling gising. Sa mga pagkakataon lang na ito ako
nakakapag-isip-isip at nakakapagmuni-muni. Tinanong ko ang sarili ko. Ano kaya ang
ginagawa ng mga taga-roon sa mga pagkakataong walang Coastal Clean-Up ang Ateneo?
Hinahayaan lang ba nila ang mga basura na magkalat at hihintayin na lang na pulutin kapag
may mga Atenistang darating? What if, yung mga basurang nandun, karamihan doon ay
basura ng mga taga-roon? Marami pang katanungan ang pumasok sa aking isipan. Ngunit dahil
doon, nagkaroon ako ng isang ideya.

Dahil magtatapos na rin lang naman ako ng kolehiyo at pagkaraan ng ilang buwan ay
magtuturo na ako, naisipan kong gawing isang advocacy ang Coastal Clean-Up. Gagawin kong
isang proyekto ito sa paaralang aking papasukan at gagawing regular na gawain ng paaralan. Iba
ang dulot na karanasan ng gawaing ito. Masasabi kong makabuluhan ito. Maraming matutunan
ang isang estudyante sa buong proseso. At ito rin ang gusto kong ibahagi sa aking magiging
unang estudyante..
Natapos na ang araw na iyon. Ngunit ang mga bagay na natutunan ko ay hindi lamang sa
araw na iyon. Mula sa pag-register upang maging bahagi ng COP hanggang sa pag-attend ng
reflection session. Sa mga pagkakatong kailangan mo magtiyaga na pumunta sa CCD tuwing
martes upang tingnan kung panahon na ba ng pagpre-register sa isang activity (na kung minsan,
sasabihin sa iyo na puno na at sa susunod ka na lang na activity), maging mapagpasensiya sa
mga taong sisingit sa pila na kung iisipin, ilang oras ka naghintay at yung mauuna pa sayo ay
kakarating lang, isakripisyo ang ilang araw (isang Sabado at dalawang Linggo) na sana ay
maaari mo pang nagamit para sa ilang gawain. Lahat ng ito ay gagawin. Oo, sabihin nating isang
itong requirement para sa Graduation ngunit isa rin itong makabuluhang karanasan. Bihira ang
ganitong mga karanasan, na alam mong maganda ang idudulot nito. Siguro nga, makikita naman
na halos walang rason kung bakit kami sumama sa Coastal Clean-Up, namulot ng mga basura,
pinuno ang apat na sako at pinasan ang mga ito pabalik.
Ngunit ang mga sakripisyo, pagpapagod at pagtitiyagang ito ay hindi maikukumpara sa
ibang tao na araw-araw, nagsasakripisyo, nagpapagod at nagtitiyaga upang mabuhay lamang.
Pero sila pa rin ang marunong magpakumbaba at magpasalamat sa araw-araw na ikinabubuhay
nila. Sana tayo rin. Sana, tayong mga pinagpala ay maging mapagkumbaba at magpasalamat sa
kung anuman ang mayroon tayo.

You might also like