You are on page 1of 5

Ate Belen ni William P. Nucasa Si Ate Belen ko, idol ko yan.

Isusubo na lamang niya ang tinapay, kapag makita ako, ibibigay pa sa akin ang tinapay. Ang katwiran niya, di bale nang siya ang magutom, dahil kaya na niyang tiisin ang gutom, kaysa ako ang magutom. Mahal na mahal ako ni Ate Belen kaya mahal na mahal ko rin siya. Sa nakakikilala sa amin, ang ganitong turingan namin ay hindi siyang dapat na asahan. Sa ina lamang kasi magkapatid. O kaya, mas tumpak sabihin, kaming apat ay sa ina lamang tunay na magkakapatid. Uther ang pangalan ng aming panganay. Kung nasaan siya ngayon ay hindi namin alam. Basta ang sabi ni Ate Belen na sinabi raw ni Nanay, nasa poder ito ng kanyang ama. Isa raw malaking politiko, na ayaw namang banggitin ni Nanay kung sino, ang ama ni Kuya Uther. Bago ng mga iba pa, palagay koy kailangan ko munang sabihin kung sino dati si Nanay. Siyay dating sikat na personahe ng pinilakang tabing na nagkaroon din ng ilang pelikulang pumatok sa takilya. Pagliliwanag: sinabi ko ito hindi upang ipagmalaki ang aking ina. Sinabi ko ito upang kahit papaano ay magkaroon siya ng larawan sa inyong imahinasyon nang sa gayoy makita rin ninyo sa kanya ang nakita ng kung ilang bigating lalaki na napaugnay sa buhay niya. Sa puntong ito, siguroy gusto nyong malaman kung sino siya. Sa ilang detalyeng ibinigay ko, marahil, may mga hula-hula na kayo. Una, ipagpaumanhing sa halip na libangin ay nabigyan ko pa yata kayo ng alalahanin. Ikalawa, ipagpatawad na hindi ko talaga sasabihin. Dahil kahihiyan daw, sabi ni Ate Belen, ang maging anak ng aming ina. Mark ang pangalan ng pangalawa. Gaya ni Kuya Uther, sa larawan ko na rin lamang nakita si Kuya Mark. Tisoy ito. Anak kay nanay ng isang sundalong Merkano na may mataas na ranggo sa dating pwersa-militar ng Estados Unidos sa Clark Air Base sa Pampanga. Noong nagsara ang Clark, isinama ng kanyang ama sa Amerika si Kuya Mark. Si Ate Belen ang pangatlo. Sa kanyang mga singkit na mata at mala-porselanang kutis, kahit huwag nang itanong, matitiyak na intsik ang ama. Kung sino, katulad ng ama ng aming mga kuya, ay wala ring pangalan. Hindi alam ni Ate Belen kung sino ang kanyang ama. At siyempre, ako. Ciriaco ang aking pangalan.

Akong sa bahay at sa mga kalarong batang kanto. Junior ako. Ciriaco Senior, samakatwid, ang aking ama na isang tsuper ng dyipni. Kung paanong naging anak ako ng isang tsuper sa isang dating sikat na artista ay siya kong ibabahagi. Pampalubag-loob man lamang sa paglilihim ko sa inyo ukol sa katauhan ng aking ina. TULAD nina Kuya Uther at Kuya Mark, si Ate Belen man daw ay pinagtangkaang kunin mula kay inay ng kanyang intsik na ama. (Kailangan ko pa bang banggitin na sa ikatlong pagkakataon ay isa uling kerida ang aking ina?) Kaya isang tanghaling nakaidlip ang upahang bantay, maingat na tumalilis sina nanay sa apartment. Walang tiyak na patutunguhan, tuliro, basta sumakay na lamang sila sa isa sa mga nakahintong dyip sa bahaging iyon ng Ortigas. Ang tsuper ng dyip na iyon ang nagbukas ng palad at ng pintong mapapasukan nina Nanay at Ate Belen na nooy sanggol pa lamang. Ang tsuper na iyon ang aking ama. Naalala kong sinabi sa akin ni Ate Belen, sa aming dalawa, mas mapalad daw ako. Kasi ako, kilala ko ang aking ama. Siya hindi. Mas mapalad pa nga raw ang mga tuta kaysa sa kanya. Kasi ang mga aso, ang ama ng mga tuta, ay may panga-pangalan. Siya raw, parang biik. Pinapangalanan daw ba ang mga baboy? Sabagay, sabi niya, isang baboy ang aming ina. Ayaw kong sumang-ayon. Ipinagdamdam ko kay Ate Belen ang sinabi niyang iyon tungkol sa aming ina. Apat na taong gulang ako noong maglahong parang bula ang aking ama. Nasa malaking bahay na kami nang sekretuhan ako ni Ate Belen na ipinatumba mismo ng aming ina ang aking ama. Kung ano ang ibig sabihin ng ipinatumba ay hindi ko alam. Ang gumawa raw niyon ay mga tauhan ni Tito Boggart, ang bagong kinakasama ni Nanay. Mayaman si Tito Boggart. Sa garahe, marami siyang sasakyang puro mga bagong modelo. Malaki ang kanyang bahay. Marami rin siyang tauhan. Pero kahit laging masarap ang aming pagkain, kahit laging may mga bago akong laruan at kahit laging may mga bagong damit si Ate, ayaw namin sa kanya. Kung bakit, hindi ko maipaliwanag sa panig ko. Sa panig ni Ate Belen, iba raw ang kutob niya. Noong magpasukan, si Ate Belen, hindi si Nanay, ang nagsabing dapat akong mag-aral. Sa aming dalawa, ako man lamang daw ang makatuntong sa eskwela, magkaroon ng karera balang araw, ay ligaya na niya. Hindi pa ata natapos ni Ate Belen ang Grade I. Totoong kapos na kapos kami noon sa piling ng aking

ama. At nag-Grade I ako. Sa mga unang araw ng klase, umiiyak ay tinatawag ng mga klasmeyt ko ang kanikanilang nanay. Kakatwang ako, sa halip na si Inay ay si Ate Belen ang nami-miss ko. Palibhasa, wala kasi akong maapuhap na magandang alaala na sukat ika-miss kay nanay. Dapat ko na bang ipagpalagay na akoy lahi rin ng baboy? Gayon ang mga biik, hindi ba, hindi namimiss ang kanilang baboy na ina! Pero, ha-ha, sino ang mag-aakala na ang anak ng tsuper ay genius pala? Babasahin ko na lamang ang libro, kahit huwag nang ipaliwanag ng titser, alam ko na. Sabi ng aking guro, gifted child daw ako. Ibinalita ko ito kay inay. Wala lang sa kanya. Kay Ate Belen, ang sabi, proud na proud siya sa akin. Gayong kaunti na lamang ay halos magkasintangkad na kami, akoy kinarga niyang parang isang bata, isinayawsayaw, habang tuwang-tuwang sinasabi na kapagmapagmalaki ako! Kalagitnaan ng Hulyo, nagkasakit si Nanay. Gayong napakaalinsangan kapag tanghali, tagtuyot noon, giniginaw raw. Iminungkahi ni Ate kay Tito Boggart na dalhin namin si Inay sa ospital. Pero sabi ni Tito Boggart ay gagaling din siya. Kaya pa raw daanin sa gamot. At totoo nga, gumaling si Inay makalipas ang ilang araw. Pero hindi naglipat linggo, nagkasakit uli. Gaya ng dati, malubha. Tapos, may mga butlig-butlig pang tumubo sa katawan. Sa ipinayat pati, hindi na mabakas sa kanya ang isang panahong isa siyang tinitiliang istarlet ng pinilakang tabing. Kabighabighani at kasamba-samba. Pinapantasya ng mga kalalakihan. Makinig kang mabuti, sabi sa akin ni Ate Belen isang gabing bago kami matulog. Lumabas sa pagsusuri na may AIDS si Nanay. Ipinaliwanag niya kung ano ang AIDS. Higit kailanman, ngayon tayo kailangan ni Nanay. Ipakita natin, iparamdam natin, na mahalaga siya sa atin. Mahal natin si Inay, di ba? Hinihingi ng sitwasyon, mas dapat akong sumangayon kaysa sumalungat. Tumango ako. Pero hindi gaya ni Ate Belen, hindi kaiyak-iyak sa akin na malamang may AIDS si Nanay. Naging matapang na siguro ako gaya ng gustong mangyari sa akin ni Tito Boggart. Pero siyempre, nandoon pa rin ang pag-aalala. Pasusuhing biik pa lamang kami ni Ate Belen. Mamamatay kami kung mamamatay ang aming ina. Ang sitwasyong ito ay nakapagtataka yatang hindi nakaapekto kay Tito Boggart. Dahil hindi naman niya

tunay na asawa si Inay, inasahan naming palalayasin kami sa malaking bahay. Pero hindi iyon nangyari. Mahal ba niya talaga si Nanay? Kung pagbabasehan ang ikinikilos niyang tila nasisiyahan pa sa pagkakasakit ni Nanay, malabong mag-conclude ng ganon. Ang kutob ko ay siya rin kayang kutob ni Ate Belen? Grade I pa lamang ako pero bahagi siguro ng aking pagiging gifted child na maunawaan na ang aming sitwasyon kahit akoy nasa napakamurang gulang pa lamang. Maganda at makinis si Ate Belen. Batambata at fresh. Sa isang gaya ni Tito Boggart na nabubuhay sa mga negosyong ilegal, hindi malayong tama ang kutob ko! Nitong mga huling araw ay nakita ko nga kay Ate Belen ang pagiging tunay na anak. Personal nitong inalagaan si Inay. Maging ang pagluluto ay hindi niya ipinabahala sa mga kasambahay. Unti-unti, nakarecover ang aming ina. Bumalik ang dati niyang lusog. Agosto. Nakatutulig ang katahimikang nadatnan ko sa bahay isang tanghaling kanselado ang klase dahil may bagyo. Sa salas, wala maski isang tao. Wala si Ate Belen, wala si Nanay, wala ang mga kasambahay, wala rin si Tito Boggart. Nasa taas kaya sila lahat? Dalawang palapag ang malaking bahay ni Tito Boggart. Sa kuwarto, wala rin si Ate Belen. Magkakuwarto kami. Sa double deck, sa taas siya, sa baba ako. Sa kwarto nina Inay, nandon si Inay, mahimbing na natutulog. Sa kuwarto ng mga kasambahay, tulog din sila. Bakit sila tulog? Nasaan si Ate Belen at si Tito Boggart? Sa isang kuwarto, nagkabuhay ang kutob ko. Naroroon, pwersahang sinisipingan ni Tito Boggart si Ate Belen. Umiiyak, nagmamakaawa ang ate ko! Diyos ko, ano ang gagawin ko? Maingat, mabilis akong bumalik sa silid nina Nanay. Sa isa sa mga drawer doon, nakita ko minsan ang nakatagong mga baril. Kinuha ko ang isa. Ang sumunod na mga eksena ay tila sa isang pelikulang aksyon. Bagamat magkakasya na ako sa kaunting awang ng pinto, sadyang pinagplanuhan ng hayok na patulugin ang lahat kaya kampanteng kahit itoy nakabukas, tinadyakan ko pa rin ang pinto. Antimanong naagaw ko ang atensiyon ni Tito Boggart. Nakita ko ang matinding takot na bumadha sa mukha niya nang makitang nakatutok sa kanya ang baril na hawak ko. Abat loko ang isang to, a! Sinlakas ng kulog ang

sigaw ni Tito Boggart. Bitiwan mo yan! Maiputok mo yan! Noong tumayo ito at sugurin akoy inasinta ko. Sa unang putok, buwal si Tito Boggart. Pero buhay pa, nagmura. Isa pang putok, nagmumura pa rin. Isa pa uling putok, tumahimik na. Tili ni Inay ang sunod na pumuno sa silid. Bakit mo binaril ang asawa ko!? Nilampasan ako, nilapitan niya ang nakahandusay na si Tito Boggart. Paluhod, niyakap niya ang asawa. Maya-maya, pinulsuhan. Umiling. Saka nagmura. Tang ina mo! Wala kang utang na loob, napatay mo si Boggart! Noon ko lamang ganap na natanggap, baboy nga ang aming ina! Kulang pa ba sa kanya ang naratnang kahubdan ni Ate Belen, wala halos malay, duguan ang puting kubre-kama, upang ang hilaw na asawa pa ang kampihan? Wala kang kwentang ina! E, ginagahasa niya ang ate ko, e! Inakit lamang siya ng malandi mong ate! Ginawaran ni Nanay ng halik si Tito Boggart. Tumayo, humakbang siya palapit sa akin. Nag-aapoy ang poot sa kanyang mga mata. Itinutok ko sa kanya ang baril. Isa. Dalawa. Tatlo. Hindi ko kayang kalabitin. Inagaw niya sa akin ang baril. Tumalsik ako sa lakas ng kanyang sampal. Mga walang hiya kayo! Papatayin ko rin kayo! Itinutok niya ang baril kay Ate Belen. Pumutok. Pero hindi tinamaan si Ate. Sinugod ni Ate si Inay. Sumugod din ako. Nag-agawan kami sa baril. Bang! Bang! Duguang bumagsak malapit kay Tito Boggart si Inay. Niyakap ako ni Ate Belen. Mahigpit. Matagal. Nanginginig siya nang sabihing ligtas na raw kami. Kinahapunan, isa sa ulo ng mga balita sa telebisyon ang kamatayan ni Inay. Pero iba ang istorya: Matapos barilin ang kanyang live-in partner, nagbaril din ng sarili ang isang dating sikat na artista. Pambababae ng kinakasama ang anggulong nasisilip ng pulisya kaya niya iyon nagawa. Natulig ako sa kataimtiman ng tahimik na pagluha ni Ate noong ibalik sa bahay ang mga bangkay. Nang maipuwesto, inakay ako niya palapit sa mga iyon. Humingi ka sa kanila ng tawad! Matigas ako. Ayoko, ate! Inulit niya. Ate, please hindi ko po maaatim. Saglit na nagdigma ang aming mga titig. Sumuko

ako. Inay, Tito Boggart, patawad po! May you rest in peace! Dalawang patak ng ligaw na luha ang sumungaw sa aking mga mata. Kasabay niyon ang pagkislap ng liwanag mula sa mga camera ng mga naroong reporter. Kinabukasan, iyon ding balitang iyon ang laman ng mga peryodiko. Sa kalakip na larawan, nandoon kami ni Ate Belen. Tila mga basang sisiw, lumuluhang nakatanghod sa aming mga namayapa. Pagkatapos ng libing, sabi ni Ate Belen, ay uuwi raw kami sa probinsiya. Sa bayan nina Inay, sa Naguilian, La Union. Inulit niya, ligtas na raw kami! Kwento ni Mabuti ni Genoveva Matute Hindi ko na siya nakikita ngayon. Ngunit sinasabi nila na naroon pa siya sa dating pinagtuturuan, sa luma ta walang pintang paaralang una kong kinakitaan sa kanya. Sa isa sa mga lumang silid sa ikalawang palapag, sa taas ng lumang hagdang umingiit sa bawat hakbang, doon sa kung manunungaw ay matatanaw ang maitim na tubig ng isang estero, naroon pa siya't nagtuturo ng mga kaaalamang pangaklat at bumubuhay ng isang uri ng karunungang sa kanya ko lamang natutuhan. Lagi ko siyang inuugnay sa karikitan ng buhay. Saan man may kagandahan: sa isang tanawin, sa isang isipan o sa isang tunog kaya, nakita ko siay at ako'y lumiligaya. Ngunit walang ano mang maganda sa kanyang anyo.. at sa kanyang buhay. Siya ay isa sa pinakakaraniwang guro roon. Walang sino mang nag-ukol sa kanya ng pansin. Mula sa kanyang pananamit hanggang sa paraan ng pagdadala niya ng mga pananagutan sa paaralan, walang masasabing ano mang di-pangkaraniwan sa kanya. Siya'y tinatawag naming lahat na Mabuti kung siya'y nakatalikod. Ang salitang iyon ang bukambibig niya. Iyon ang pumapalit sa mga salitang hindi niya maalala kung minsan, at nagiging pamuno sa mga sandali ng pag-aalanganin. Sa isang paraang hindi malirip, iyon ay nagging salamin ng uri ng paniniwala niya sa buhay. "Mabuti," ang sasabihin niya, ". . . ngayo'y

magsisimula tayo sa araling ito. Mabuti nama't umabot tayo sa bahaging ito. . . Mabuti. . . mabuti . . . !" Hindi ako kailanman magtatapat sa kanya ng ano man kundi lamang nahuli niya akong minsang lumuluha: nang hapong iyo'y iniluluha ng bata kong puso ang isang pambata ring suliranin. Noo'y magtatakipsilim na at maliban sa pabugsobugsong hiyawan ng mganagsisipanuod sa mga nagsasanayang manlalaro ng paaralan, ang buong paligid ay tahimik na. Sa isang tagong sulok ng silidaklatan, pinilit kong lutasin ang aking suliranin sa pagluha. Doon niya ako natagpuan. "Mabuti'y may tao pala rito," ang wika niyang ikinukubli ang pag-aagam-agam sa tinig. "Tila may suliranin ka. . . . mabuti sana kung makakatulong ako." Ibig kong tumakas sa kanya at huwag nang bumalik pa kalian man. Sa bata kong isipan ay binilang kong kahihiyan at ang kaabaan ang pagkikita pa naming muli sa hinaharap, pagkikitang magbabalik sa gunita ng hapong iyon. Ngunit hindi ako nakakilos sa sinabi niya pagkatapos. Napatda ako at napaupong bigla sa katapat na luklukan. "Hindi ko alam na may tao rito. . . naparito ako upang umiyak din." Hindi ako nakapangusap sa katapatang naulinig ko sa kanyang tinig. Nakababa ang kaniyang paningin sa aking kandungan. Maya-maya pa'y nakita ko ang bahagyang ngiti sa kanyang labi. Tinanganan niya ang aking mga kamay at narinig ko na lamang ang tinig ko sa pagtatapat ng suliraning sa palagay ko noo'y siya na ang pinakamabigat. Nakinig siya sa akin, at ngayon, sa paglingon ko sa pangyayaring iyo'y nagtataka ako kung paanong napigil niya ang paghalakhak sa gayong kamusmos na bagay. Ngunit siya'y nakinig nang buong pagkaunawa, at alam kong ang pagmamalasakit niya'y tunay na matapat. Lumabas kaming magkasabay sa paaralan. Ang panulukang maghihiwalay sa ami'y natatanaw na nang bigla akong makaalala. "siya nga pala, Ma'am, kayo? Kayo nga pala? Ano ho ang iyong pinunta sa sulok na iyon na. . . iniiyakan

ko?" Tumawa siya ng marahan at inulit ang mga salitang iyon: "ang sulok na iyon na. . . iniiyakan natin. . . . nating dalawa." Nawala ang marahang halakhak sa kanyang tinig: "Sana'y masasabi ko sa iyo, ngunit. . . . ang suliranin ko'y hindi para sa mga batang gaya mo. Mabuti sana'y hind imaging iyo ang ganoong uri ng suliranin. . . . kalian man. Ang ibig kong sabihi'y . . . . maging higit na mabuti sana sa iyo ang . . . . Buhay." Si Mabuti'y nagging isang bagong nilikha sa akin mula ng araw na iyon. SA pagsasalita niya muli sa hapag, nagtatanong, sumasagot, sa pagngiti niya ng mababagal at mahihiyain niyang mga ngiti sa amin, sa paglalim ng kunot sa noo niya sa kanyang mga pagkayamot, naririnig kong muli ang mga yabag na palapit sa sulok na iyon ng silid aklatan. Hinuhulaan ko kung nagtutungo pa siya roon, sa sulok na iyong. . . . aming dalawa. At sapagkat natuklasan ko ang katotohanang iyon tungkol sa kanya, nagsimula akong magmasid, maghintay ng mga bukas ng kapaitan sa kanyang mga sinabi. Ngunit sa tuwina, kasayahan, pananalig, pag-asa ang taglay niya sa aming silid-aralan. Pinuno niya ng maririkit na guniguni an gaming isipan at mga kaaya-ayang tunog an gaming pandinig at natutuhan naming unti-unti ang kagandahan ng Buhay. Bawat aralin naming sa Panitikan ay naging isang pagtighaw sa kauhawan namin sa kagandahan. At ako'y huamnga. Wala iyon doon kangina, ang masasabi ko sa sarili pagkatapos na maipadama niya sa amin ang kagandahan ng buhay sa aming aralin. At hindi naging akin ang pagtuklas na ito sa kariktan na kundi pagkatapos na lamang ng pangyayaring iyon sa silidaklatan. Hindi siya bumanggit ng ano man tungkol sa kanyang sarili sa buong panahon ng pag-aaral naming sa kanya. Ngunit bumanggit siya tungkol sa kanyang anak na babae, ang tangi niyang anak. . . . nang paulit-ulit. Hindi rin siya bumanggit sa amin kalian man tungkol sa ama ng batang iyon. Ngunit dalawa sa kamag-aaral naming ang nakababatid na siya'y hindi balo. Walang pagaalinlangan ang lahat ng maririkit niyang

pangarap ay nakapaligid sa batang iyon. Isinalaysay niya sa amin ang mga katabilan niyon, ang palaki nang palaking pangarap niyon, ang nabubuong layunin niyon sa buhay. Minsan, tila hindi namamalayang nakapagpahayag ang maing guro ng isang pangamba: ang pagkatakot niyang baka siya hindi umabot sa matatayog na pangarap ng kanyang anak. Maliban sa iilan-ilan sa aming pangkat, ang paulit-ulit niyang pagbanggit sa kanyang anak ay isa lamang sa mga bagay na "pinagtitiisang" pakinggan sapagkat walang paraang maiwasan iyon. Sa akin, ang bawat pagbanggit na iyo'y nagkaroon ng bagong kahulugan sapagkat noon pa ma'y nabubuo na sa aking isipan ang isang hinala. Sa kanyang pagsasalaysay ay nalaman naming ang tungkol sa kaarawan ng kanyang anak, ang bagong kasuotan niyong may malaking lasong pula sa baywang, ang mga kaibigan niyong mga bata rin, ang kanilang mga handog. Ang anak niya'y animna taong gulang na. Sa susunod na tao'y magsisimula na iyong mag-aral. At ibig ng guro naming maging manggamot ang kanyang anak --- at isang mabuting manggagamot. Nasa bahagi iyon ang pagsasalita n gaming guro nang ang isa sa mga batang lalaki sa aking likuran ay bumubulong: "Gaya ng kanyang ama!" "Oo, gaya nga ng kanyang ama," ang wika niya. Ngunit tumakas ang dugo sa kanyang mukha habang sumisilay sa isang pilit na ngiti sa kanyan labi. Iyon ang una at huling pagbanggit sa aming klase tungkol sa ama ng batang may kaarawan. Natiyak ko noonng may isang bagay ngang nalisya sa buhay niya. Nalisya nang ganoon na lamang. At habang nakaupo ako sa aking luklukan, may dalawang dipa lamang ang layo sa kanya, kumirot sa puso ko ang pagnanasang lumapit sa kanya, tanganan ang kanyang mga kamay gaya ng ginawa niya nang hapong iyon sa sulok ng silid-aklatan, at hilinging magbukas ng dibdib sa akin. Marahil, makagagaan sa kanyang damdamin kung may pagtatapatan siyang isang tao man lamang. Ngunit ito ang sumupil sa pagnanasa kong yaon: ang mga kamag-aaral kong nakinig nang walang ano mang malasakit sa kanyang sinabing, "Oo, gaya nga ng

kanyang ama," habang tumatakas ang dugo sa kanyang mukha. Pagkatapos may sinabi siyang hindi ko malilimutan kalian man. Tinignan niya ako ng buong tapang na pinipigil ang panginginig ng mga labi at sinabi ang ganito: "Mabuti . . . . mabuti! Gaya ng sasabihin nitong si Fe --- iyon lamang nakararanas ng mga lihim na kalungkutan ang maaring makakilala ng mga lihim na kaligayahan. Mabuti, at ngayon, magsisimula tayo sa ating aralin. . . . " Natiyak ko noon, gaya ng pagkatiyak ko ngayon, na hindi akin ang pangungusap na iyon, ni sa aking mga pagsasalita, ni sa aking pagsusulat. Ngunit samantalang nakatitig siya sa akin nang umagang iyon, habang sinasabi niya ang pangungusap na iyon, nadama kong siya at ako ay iisa. At kami ay bahagi ng mga nilalang na sapagkat nakaranas ng mga lihim na kalungkutan ay nakakikilala ng mga lihim na kaligayahan. . . At minsan pa, nang umagang iyon, habang untiunting bumabalik ang dating kulay sa kanyang mukha, muli niyang ipinamalas sa amin ang mga natatagong kagandahan sa aralin naming sa Panitikan: ang kariktan ng katapangan, ang kariktan ng pagpapatuloy ano man ang kulay ng Buhay. At ngayon, ilang araw lamang ang nakaraan buhat nang mabalitaan ko ang tungkol sa pagpanaw ng manggagamot na iyon. Ang ama ng batang iyon na marahil ay magiging isang manggagamot din baling araw, ay namatay may ilang araw lamang ngayon ang nakalilipas. Namatay at naburol ng dalawang araw at dalawang gabi sa isang bahay na hindi siyang tinitirhan ni Mabuti at ng kanyang anak. At naunawaan ko ang lahat. Sa hubad na katotohanan niyon at sa buong kalupitan niyo'y naunawaan ko ang lahat. . . .

You might also like