You are on page 1of 1

OFW ka ba? O may kamag-anak, kaibigan o kakilalang OFW?

Sa Setyembre 19, minsan pa nating ideklara ang natatanging araw na ito bilang zero remittance day. Abutin natin ang pinakamaraming OFW para ipagpaliban muna ng isang araw ang pagpapadala ng remittance sa Pilipinas, sa araw na ito na anibersaryo ng pagkaltas ng OWWA ng $25 sa bawat kontrata ng OFW. Bakit zero remittance day? Sapagkat sa kabila ng pagnanais ng sambayanan na alisin ang pork barrel, patuloy na nagpapatumpiktumpik, nangliligaw, nagpapalusot at nagmamaniobra ang mga opisyal ng gobyerno para mangunyapit sa pork barrel, itago lang ito sa ibang pangalan at, higit sa lahat, iligtas ang pork barrel ni Pangulong Aquino na pinakamalaki sa lahat. Ang ating remittance, na umabot na sa US$21 bilyon nitong 2012, ay deka-dekada nang pinakikinabangan ng gobyerno. Milyones ang pumapasok sa Pilipinas bawat araw mula sa pawis at dugo ng mga OFW. Sinasalba na nga ng OFW ang ekonomiya ng Pilipinas pero ang remittance ay kinakaltasan pa ng documentary stamp tax na umaabot ng $1.4 milyon bawat buwan. Hindi sa lahat ng panahon ay madidiktahan tayo ng gobyerno. May mga panahong tulad nito na aangkinin natin ang kapangyarihang itanggi sa gobyerno ang ating remittance. Isang araw lang, pero mahalaga para iparating ang ating mensahe sa gobyerno at makiisa sa pakikibaka ng sambayanan. Sinong OFW ang hindi magagalit sa napakalaking kaban ng bayan na nilulustay sa luho at katiwalian, samantalang milyong mamamayan ang itinutulak na magtrabaho sa ibang bayan dahil sa kahirapan at desperasyon? Sinong OFW ang hindi magagalit na sa kabila ng mga buwis at bayarin na kinakaltas sa OFW ay kapos at kakarampot ang mga serbisyo tulad ng pagpapauwi sa mga stranded sa Saudi, Egypt at Syria?

Sinong OFW ang hindi magagalit na papalaki nang papalaki ang pork barrel pero binabawasan naman ang taunang badyet para sa mga serbisyong ligal, medikal, repatriation, re-integration, scholarship, at iba pa na nakalaan sa OFW sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Aquino? Sa natatanging araw ng Setyembre 19, sa pagtanggi nating magpadala ng remittance, malakas nating itambol ang ating kahilinganalisin ang pork barrel, panagutin ang mga kurap, at ilaan ang pondo para sa serbisyo para sa OFW at mamamayan! Alisin ang P1.5 trilyong pork ni Aquino na halos kalahati na ng pambansang badyet ng Pilipinas! Alisin ang P25 bilyong pork ng mga senador at kongresista! Alisin ang P300 bilyong pork ng local government unit, mula sa antas probinsya, syudad, munisipyo hanggang barangay! Higit sa lahat, ilaan ang pondong ito para sa mga pangunahing pangangailangan ng sambayanan tulad ng pagkain, trabaho, tirahan, kalusugan, edukasyon, at iba pa. Nalalapit na ang Setyembre 19. Iparating natin ang zero remittance day sa pinakamaraming OFW sa mundo. Pausukin na ang mga cellphone sa text at tawag, mag-post sa Facebook, Twitter, Instagram, email, blog at mga website, Youtube at iba pa, at kalampagin ang mga istasyon ng radyo, telebisyon at diaryo. Ikawing natin ang OFW sa ibat ibang panig ng mundo sa iisang protesta sa US man o Canada o Latin America, Middle East o Africa, Asia-Pacific o Europa, o kahit sa alinmang bansa na ni hindi pa natin kilala o narinig pero may OFW na. Hudyat na ito ng koordinadong galit ng OFW laban sa katiwalian. Dapat lang mangamba ang gobyernong ito sa namumuong lakas ng OFW at pamilya sa buong mundo.

Sobra na, tama na, pork barrel i-abolish na!

MIGRANTE INTERNATIONAL

You might also like