You are on page 1of 8

Ang migranteng Pilipino sa panahon ng imperyalistang krisis at gera

Inilabas ng Migrante International, Pebrero 2012



Higit na napapanahon ang kampanya laban sa pambubusabos, kahirapan at pagsasamantala sa gitna ng
papatinding krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at patuloy na pangangayupapa at pagkatuta ng
kasalukuyang rehimen sa imperyalismong US.

Lubhang napakabigat ng pasanin ng migrante at mamamayang Pilipino sa ilalim ng rehimeng US-Aquino.
Magkasabwatang naglulunsad ang imperyalistang US at ang tutang gobyerno ng mas matitinding mga
opensiba at atake sa mga karapatan at kagalingan ng migrante at mamamayang Pilipino sa layuning
maisalba ang sarili sa matinding bayo ng krisis, supilin ang paglaban ng mamamayan,, at panatilihin ang
nabubulok na sistema.

Sirang-sira na ang monopolyo kapitalismo at mga patakarang neoliberal. Napakapaborable kung gayon ng
kalagayan at kundisyon ng pandaigdigang krisis ng sistemang kapitalista at ng naghaharing malapyudal at
malakonyal na sistema sa Pilipinas upang magkaisa, magpalawak at sama-samang magmartsa sa pakikibaka
upang isulong ng migranteng Pilipino ang pambansang paglaya at demokrasya at makipagkaisa sa
pandaigdigang kilusang anti-imperyalista.

Ano ang katangian ng kasalukuyang pandaigdigang krisis ng imperyalismo?
Ang kasalukuyang pinakamalalang pandaigdigang krisis pang-ekonomiya ay nagsimula sa krisis
pampinansya sa US noong 2008. Tila dominong tumama ito sa iba pang kapitalistang bansa at idinamay
pati ang mahihirap na bansa at mga kolonya at semi-kolonya nito, kabilang na ang Pilipinas. Ayon
saInternational Monetary Fund (IMF), ito na ang pinakamalalang krisis na tumama sa daigdig matapos ang
Great Depression noong 1930s. Mula sa pagputok noong 2008, nadagdagan ng 10.7 milyon (ILO, 2009) ang
bilang ng mga walang trabaho. Sa pagtatapos ng 2008, lumobo sa 190 milyon ang bilang ng walang trabaho
sa buong mundo.

Isa itong kronikong krisis (systemic crisis) na iniluwal ng sistemang kapitalismo, o krisis ng sobrang
produksyon na matagal nang umuukok sa ekonomiya ng daigdig. Sa nagdaang mga dekada, sa kabila ng
paulit-ulit at lumalalang krisis ng sobrang produksyon, ang mga monopolyo kapitalista sa ibat ibang bansa
ay nagpalitaw ng kung anu-anong mga iskema at instrumento sa pinansya sa layuning mapabilis ang
paghuthot ng supertubo at mapalawak pa ang hungkag na kapital. Namayani ang kapital sa pinansya na
siyang nagtulak sa pinansyalisasyon ng US at iba pang imperyalistang bansa at higit pang nagpayaman sa
pampinansyang oligarkiya ng mundo.

Mula 1970s, pinaunlad ng sistemang imperyalista ang mga neoliberal na mga patakaran bitbit ang
mapanlinlang na bandera ng globalisasyon ng malayang pamilihan. Walang idinulot ito kundi ang ibayo
pang paglala ng krisis dahil pinabilis nito ang pagkamal at konsentrasyon ng produktibo at pinansyal na
kapital sa kamay ng monopolyo kapitalista, at lalo na sa oligarkiya ng pinansya.

Mula nang itaguyod ang patakarang neoliberal, niyanig ang pandaigdigang sistemang kapitalista ng
magkakasunod na krisis. Upang makaagapay at mapalabas na nalulutas ang krisis, ibinubuhos ang salapi sa
mga bangko sentral. Nang pumutok ang global economic meltdown noong 2008, lalong naging litaw ang
pang-aabuso ng pampinansyang kapital upang lutasin ang krisis sa sobrang produksyon at para maisalba
ang malalaking mga korporasyon, bangko at negosyante sa tuluyang pagkalugi. Ginagawa ito ng mga
imperyalistang bansa sa kabila ng matinding pagbayo ng krisis sa mga mamamayan ng daigdig. Sa US pa
lamang, naglaan ng ilang trilyong dolyar (USD$7.7 trilyon) para tubusin (bailout) ang mga bangko at
korporasyong tinamaan ng krisis.

Ang pagsalbang ito ay lumilikha ng ilusyon ng muling pagbangon ng mga pamilihan at ekonomiya gayong
patuloy namang sumasadsad ang produksyon at tumataas ang tantos ng disempleyo sa mismong mga
sentro ng pandaigdigang kapitalismo, laluna sa US at Europa. Walang idinulot ito kundi ang ibayo pang
pangungutang ng US (para sa mga bailout) na nagbunsod sa pinakamataas na depisito at pagdausdos
ng credit rating nito sa pinakamababang antas sa kasaysayan ng mundo noong 2010 (global debt crisis).

Lalo pa itong pinalala ng patakarang tuluy-tuloy na pagkaltas sa buwis ng mga korporasyon at mayayaman
at papalaking gastusin sa militar habang kinakaltasan ang pondo ng mga serbisyong panlipunan isinasalin
ang bigat ng krisis sa balikat ng mamamayang malaon nang nagdurusa dahil sa kawalan ng trabaho,
napakaliit at nakapakong sahod, kawalan ng lupa at kabuhayan at walang-habas na pagtaas ng presyo ng
mga pangunahing bilihin, produkto at serbisyo. Ang mga hakbanging pagtitipid (austerity measures) ang isa
sa mga nagbubunsod ng mga dambuhalang protesta at kaguluhang panlipunan sa ilang mga bansang
imperyalista (Occupy protests sa US at mga bansa sa Europa) at maging sa mga bansang kolonya at semi-
kolonya (MENA crisis).

Bakit ito nagbubunsod ng gera?
Ang malalang pandaigdigang krisis sa ekonomiya at pinansya ang siyang nagtutulak sa mga imperyalistang
bansa, sa pangunguna ng US, na pabilisin ang produksyon ng mga kagamitang pandigma at maglunsad ng
mga gerang agresyon, at sa mga kontradiksyon at posibleng paglunsad ng gera ng US sa mga bansang
humahamon sa kanya.

Layunin ng imperyalistang US na itulak ang produksyon ng industriyang militar at palawakin ang pang-
ekonomiyang teritoryo nito sa pamamagitan ng pagbabanta at mga gerang agresyon. Mula 2001, gumastos
na nang mahigit USD$4 trilyon ang US sa mga gerang agresyon nito sa layuning saklutin ang mga pamilihan
at larangan ng pamumuhunan, kontrolin ang industriya at lagusan ng langis at iba pang mga likas-yaman at
magtayo ng mga papet ng gobyerno. Labas pa ang halagang ito sa mga napakalaking gastusin nito para sa
tinaguriang homeland security o panloob na seguridad sa ilalim ng gera laban sa terorismo.

Higit kailanman, itinutulak ng imperyalistang US ang panghihimasok-militar at mga gerang agresyon upang
makopo ang mga bansang maaari nitong pagkunan ng mga murang hilaw na materyales, mga pamilihan,
larangan ng pamumuhunan at saklaw ng impluwensya. Dahil dito, patuloy ring nahihinog ang mga
kontradiksyon maging sa pagitan mismo ng mga imperyalistang bansa para sa panibagong teritoryal na
hatian ng mundo. Ang integrasyon ng mga bansang Tsina at Rusya sa pandaigdigang sistemang kapitalista
ay isang bagong mahalagang salik na humahamon sa kasalukuyang hegemonya ng US sa buong mundo.
Tinitingnan din nitong banta sa interes nito ang pagkakaroon ng Iran at North Korea ng armas nukleyar.

Ang pagkalat ng Arab Spring, o pag-alsa ng mamamayan sa Middle East at North Africa (MENA), ay
nagsimula sa hangarin at paglaban ng mga mamamayan dito para sa demokratikong pagbabago at
hustisyang panlipunan. Sa pangunguna pa rin ng US, sa pamamagitan ng balatkayong mga humanitarian
mission ng United Nations at NATO,sinasamantala ng mga imperyalistang bansa ang kaguluhan sa MENA
at idinidirihe ang mga pag-aalsa upang iupo ang mga bagong papet o di kaya namay palawagin ang mga
papet na monarkiya sa pamamagitan sa panggagatong at pag-aarmas sa mga rebelde at
fundamentalists.

Samantala, bagamat naging pangunahing propaganda ni US President Obama noong nakaraang eleksyon
ang pagbabawas at pagbawi ng mga tropang Amerikano sa Afghanistan at Iraq, nananatili pa rin ang mga
base militar ng US sa loob at paligid ng mga bansang iyon. Bukod sa pagpapanatili ng mga baseng militar sa
mga bansang ito, patuloy pa rin ang mga gerang panghihimasok ng US sa mga bansa sa MENA, tulad ng
ginawa nito sa Libya, upang maseguro ang pagpuwesto nito sa kabuuang MENA region. Napipinto pa ang
susunod na mga gerang panghihimasok sa Sudan, Somalia, Syria at Iran. At bagamat nakapagtatayo ng mga
papet na gobyerno, dahil pa rin sa tindi ng krisis ay hindi masustini ng US ang paghahari sa ekonomiya ng
mga bansang natatayuan nito ng mga papet na rehimen. Walang ibang resulta ito kundi ang ibayo pang
panggegera o di kayay pagpopondo sa mga gerang sibil ng mga bansa.

Layunin ng imperyalistang US na pumusisyon sa Asya Pasipiko para sa dagdag na pamumuhunan sa
rehiyon. May sigalot ngayon ang US sa Tsina dahil malinaw na inilahad ng US ang hangarin nitong
pagpapanatili at pagpapalaki sa presensya ng tropang militar nito sa Asya Pasipiko. Sinisikap ng US na
kontrolin at paunlarin ang Trans-Pacific Partnership at Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) at iba
pang mga kasunduang panrehiyon tulad ng ASEAN at iba pang mga kasunduang bilateral upang palibutan
ang Tsina, patuloy na bantaan ito at nang sa gayoy maitulak ang direktang pamumuhunan at makopo ang
pamilihang Tsina bagay na sa matagal na panahon ay hindi mapasok-pasok ng US at siya ring tinutukoy na
dahilan kung bakit higit na mas malakas ang ekonomiya ng Tsina sa iba pang monopolyo kapitalista sa gitna
ng pandaigdigang krisis.

Sa kabilang banda, wala ring tiwala ang Tsina sa US at aktibo nitong itinatatag ang Shanghai Cooperation
Organization bilang porum para sa kolektibong seguridad laban sa US-NATO. Aktibo rin itong pumapasok sa
mga bitaleral at multilateral na kasunduan sa Japan, South Korea, ilang mga bansa sa Timog Silangang
Asya, at maging sa Latin America. Mula noong 2010, itinayo ang BRICS (Brazil, Rusya, India, China at South
Africa) bilang isang blokeng pang-ekonomiyang humahamon sa imperyalistang paghahari ng US sa daigdig.
Kaya naman hayagang itinuturing na karibal ng US ang Tsina kahit pa may relasyon ang dalawa sa ilalim ng
pandaigdigang patakarang neoliberal.

Bahagi ng pangmatagalang interes ng US na limitahan at kontrahin ang Tsina. ang panghihimasok nito sa
MENA, pang-uupat ng tensyon sa Spartly Islands at ang pangkalahatang pagpupusisyon sa loob at paligid
ng kabuuang Asya Pasipiko, kabilang na ang kasalukuyang pagdagdag ng mga tropang Amerikano sa
Pilipinas.

Ano ang epekto ng imperyalistang krisis at gera sa migranteng Pilipino?
Kagyat at matindi ang epekto ng pandaigdigang krisis pang-ekonomiya sa migranteng Pilipino. Ang
anumang krisis na dinaranas ng pandaigdigang sistemang kapitalista at lokal na ekonomiya ay sigurado ang
ganting-epekto sa mga migranteng Pilipino.

Mahigit 84 porsyento ng kabuuang eksport ng bansa ay nakatali sa 10 bansa lamang na direktang tinamaan
o naapektuhan ng krisis - Estados Unidos, Japan, China, Singapore, Hong Kong, Taiwan, South
Korea, Malaysia, Netherlands at Thailand. Humina din ang pagpasok ng direktang dayuhang
pamumuhunan (Foreign Direct InvestmentI), o FDI, kung saan 65.4 porsyento nito taun-taon ay nagmumula
sa Estados Unidos, Japan at European Union. Karamihan sa mga bansang ito ay mga tradisyunal na
destinasyon ng mga overseas Filipino workers (OFW). Kaya maraming trabaho ang nawala, naapektuhan
pati ang sahod at remitans ng mga migranteng Pilipino.

Walang ibang tutunguhin ito kundi higit pang desperasyon para lamang makaagapay sa krisis. Para sa mga
migranteng Pilipino, mangangahulugan ito ng ibayo pang kayod-kalabaw at lalo pang pagkabaon sa utang,
idagdag pa ang mga pang-aabuso, kapabayaan at pag-abandona ng gobyerno at kawalang respeto sa
kanilang mga karapatan.

Epekto sa remitans
Sa mga nagdaang taon, hindi na nasusustini at tuluy-tuloy nang pabulusok ang tantos o porsyento ng
paglaki (growth rate) ng remitans mula sa mga OFW. Mula sa 25% record growth na naitala noong 2005,
bumagsak ito sa pinakamababang antas na 5.6% noong 2009, isang taon matapos sumambulat ang
pandaigdigang krisis pang-ekonomiya.






Trend sa Remitans










Source: POEA, BSP (2010)

Sa Estados Unidos, kung saan nanggagaling ang mahigit 50% ng kabuuang OF remittance, bumaba sa 7.3%
ang tantos ng paglaki nito noong 2009 mula sa 7.8% noong 2008. Nakabawi ito noong 2010 matapos
magtala ng 7.9% na paglaki. Ngunit nanganganib na naman itong bumaba kung hindi malulusutan ng
Estados Unidos ang kasalukuyang debt crisis na tumama rito.

Ang papaliit na trend sa growth rate ay pinangangambahan na ng gobyerno. Kapag nagtuluy-tuloy ito liliit
ang kita ng gobyerno mula sa patakarang labor export na pangunahing inaasahan nito ng kita mula
saforeign exchange. Idagdag pa ang patuloy na pagbagsak ng halaga ng dolyar sa palitan at tumataas na
presyo ng mga pangunahing bilihin, at ang posibleng patuloy pang pagdagsa pauwi ng malalaking bilang ng
mga OFW na mawawalan ng trabaho dahil sa krisis at gera, mas liliit pa ang kikitain ng gobyerno at bababa
pa ang konsumo ng mga pamilyang umaasa sa remitans.

Kaya aligaga ang gobyerno kung saan pang bansa isasalaksak ang mga migranteng Pilipino. Resulta nitoy
ibayong pagpapaigting ng patakarang labor export. Kung hindi man, sa bandang huli, ang migranteng
Pilipino at mamamayan ang papasan sa nawawalang kita ng gobyerno. Ipapasa sa kanila ang dagdag na
buwis at pagkaltas sa badyet ng mga serbisyo-publiko.

Sa OFW remitans, kumikita ng malaki ang gobyerno nang hindi naglalabas ng malaking halaga ng salapi o
puhunan. Sa katunayan, lahat ng mga gastusin at operasyon ng mga ahensyang tulad ng POEA at OWWA ay
direktang kinukuha mula sa bulsa mismo ng mga OFW, o di kayay sa mga recruitment agency at employer
sa pamamagitan ng mga bayarin. Kaya naman gayon na lamang ang pagbibida ng estado sa ganansya mula
sa remitans gamit ang mga gawa-gawang istatistika at impormasyon. Ikinukubli nito ang pababang growth
rate ng remitans upang bigyan-katwiran ang patuloy na pagpapaigting ng patakarang labor export.

Sa kabila ng mataas na remitans, kabi-kabilang singilin naman ang pinapasan ng migrante. Ang iskemang
pagbubuwis at pangongotong ng rehimeng US-Aquino habang gradwal na binabawasan ang pondong
nakalaan para sa batayang serbisyo at proteksyon para sa mga migranteng Pilipino ay repleksyon pa rin ng
pangangayupapa at pagtataguyod nito sa mg patakarang neoliberal ng imperyalistang globalisasyon.

Kawawang kalagayan sa ibayong dagat
Sa host countries, pinakamababa ang pasahod at pinakamasahol ang kalagayan ng mga migranteng
manggagawa. Dahil rin sa krisis, puntirya sila ng diskriminasyon, kompetisyon sa empleyo at rasismo.
Ibinubunton ng mga imperyalistang estado sa mga migrante ang krisis sa kanilang sariling bansa sa
pamamagitan ng pang-aabuso sa kanilang murang lakas paggawa, pagkakait ng mga benepisyo at
serbisyong panlipunan.

Karaniwan ding dumaranas ng mga pagbabanta at iligal na pag-aresto, pagkabilanggo, kriminalisasyon at
deportasyon ang mga migranteng Pilipino, ligal man o dokumentado, temporary o residente, kontraktwal
na manggagawa man o propesyunal, at maging ang mga refugees. Lalong lumalala ang ganitong kalagayan

dahil sa pandaigdigang krisis paparami ang kaso ng labor-related disputes, paghihigpit saimmigration at
mga crackdown bunsod na rin ng proteksyunismo ng mga kapitalista at imperyalistang bansa.

Direkta naman ang epekto ng mga gerang agresyon at panghihimasok ng imperyalistang US sa mga bansa
kung saan naroon ang mga migranteng Pilipino. Biktima sila ng militarisasyon, paglabag ng mga
karapatang-tao, xenophobia at karahasang dulot ng gera. Napipilitan silang lumikas kahit na walang sahod,
o mas masahol pay manatili sa gitna ng panganib sa kagustuhang kumita para sa kanilang mga
pamilya. Samantala, kahit na umiiral ang mga pandaigdigang kumbensyon at batas para sa proteksyon ng
mga political refugee at asylum seeker, patuloy pa rin ang paglabag sa kanilang mga karapatan sa
pangunguna ng US sa ilalim ng gera kontra terorismo.

Samantala, nananatili ang kriminal na kapabayaan ng rehimeng US-Aquino sa migranteng Pilipino. Ito ay
pinalalala pa ng mga patakaran ng estado sa host countries na nagbibilad sa kanila sa ibayong
kapahamakan. Likas ang kundisyong ito sa balangkas ng programang labor export na lumalala habang
lumalala ang pang-ekonomiyang krisis sa lipunan.

Epekto sa kabuhayan
Dito sa Pilipinas, naranasan ng pagtatapos ng nagdaang dekada (2001-2010) ang pinakamasahol na dagok
ng pandaigdigang krisis sa ekonomiya at pinansya. Lumobo ang disempleyo lalo na sa manupaktura kung
saan 122,000 ang nawalan ng trabaho samantalang 111,000 naman ang nawala sa transportasyon at
komunikasyon. Hindi nagtagal pati ibang sektor sa paggawa tulad sa konstruksyon, pinansya at kalakalang
pakyawan at tingi (wholesale and retail) ay naapektuhan din.

Sa datos ng NSO (National Statistics Office) nitong Hulyo 2011, tumaas pa sa 7.2% ang tantos ng
disempleyo sa bansa kumpara sa 7.0% sa parehong panahon noong 2010. Naitala ring 19.1% ang walang
sapat na trabaho (underemployed), na mas mataas din kumpara sa 17.9% noong 2010. Ibig sabihin,
mahigit isa sa bawat apat na manggagawang Pilipino ang walang trabaho o naghahanap pa ng dagdag na
pagkakakitaan (part time job).

Ang panlipunang krisis na kinatatangian kamakailan ng lalo pang pagtaas ng mga singilin at bayarin ay
ibinubunga ng pangangayupapa ng rehimeng US-Aquino sa mga dikta ng malalaking negosyo at
imperyalistang globalisasyon. Kapalit ng remitans, higit pang pinalala ang patakarang labor export na
malawakang nagsasamantala at nagpapahirap sa mga migrante. Dayuhan ang pinapaboran sa halip na
tugunan ang malaon nang panawagan para sa makabuluhang dagdag-sahod, tunay na reporma sa lupa at
subsidyo para sa mga batayang serbisyo. Mismong ang rehimeng US-Aquino na ang nagtutulak sa ating
mga manggagawa at mamamayan na lumabas ng bansa.

Itinatanggi man ni Aquino, tanging ang patakarang labor export lang ang inaasahan niya para makalikha ng
trabaho. Pero, dahil kumukupos na ang trabaho maging sa mga bansang tradisyunal na puntahan ng mga
OFW, kailangan nitong maging mas agresibo. Kaya pati ang pagpasok sa mga hindi patas na kasunduan
gaya ng JPEPA (Japan-Philippines Economic Partnership Agreement) at iba pa ay isinusulong at pinalalawig
pa ng gobyerno kapalit ang ilang daang trabaho. At nitong huli, maging ang pagpigil(deployment ban) ng
mga OFW sa mga bansang peligroso gaya ng Iraq at Afghanistan ay binawi na rin ni Aquino. Dahil sa
desperasyon ng rehimeng Aquino nabibilad sa ibayong kapahamakan ang migranteng Pilipino.

Wala sa plano ng rehimeng US-Aquino na itigil ang labor export policy. Sa halip, lalo pa itong palalalain
dahil numero unong pinagmumulan ng kita mula sa labas ang malaking remitans ng migranteng Pilipino at
ang mga bayarin at state exaction na nasisingil mula sa kanila.

Bakit kailangang ilantad at labanan ng migranteng Pilipino ang pagkatuta ni Aquino sa imperyalistang
dikta at interes?
Tulad ng imperyalistang amo nito, kumakapit at agresibong ipinapatupad ng rehimeng Aquino ang mga
patakarang neoliberal sa ekonomiya, pasismo ng estado at pang-uupat ng gera para makaagapay sa krisis.

Sa ekonomiya
Wala pang patakaran ang rehimen para igiit ang pambansang kalayaan at isakatuparan ang kaunlarang
pang-ekonomiya sa pamamagitan ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Sa
kanyang Philippine Development Plan 2011-2016, pangunahing itinutulak ang private-public partnership
na nakapadron sa pagkiling ng patakarang neoliberal sa mga malalaking negosyo at korporasyon.

Ang mga proyekto ng PPP ay hindi magpapaunlad bagkus ay hihigop ng rekurso mula sa anumang
posibleng kaunlarang industriyal. Matingkad ngayon ang papel ng US sa inilaan nitong USD$434 milyong
pondong Millenium Challenge Corporation para sa mga imprastraktura at tinaguriang proyekto para sa
kaunlarang pampamayanan sa balangkas ng kontra-insurhensyang Oplan Bayanihan. Malinaw din sa
kasalukuyang budget framework ng rehimeng US-Aquino na pangunahing prayoridad pa rin nito ang
bayad-utang panlabas, militarisasyon at PPP.

Dahil walang makabuluhang programa para sa pambansang industriyalisasyon, nalilimita ang rehimeng US-
Aquino sa pagmamalaki sa mga BPO, OFW remitans at pagbubukas at pagbuyangyang sa likas na yaman,
lakas-paggawa at turismo ng bansa sa mga pagsasamantala ng mga dayuhang korporasyon at
pamumuhunan, at pamimigay ng mga dole-out tulad ng Conditional Cash Transfer na sa katotohanay
panakip-butas lamang na itinutulak ng US sa pamamagitan ng IMF-World Bank para pa rin sa programa
nitong kontra-insurhensya.

Walang-habas at patuloy rin ang pagtaas ng presyo ng batayang mga bilihin, laluna ng langis at mga
produktong petrolyo, dulot ng ilang dekadang deregulasyon sa industriya ng langis, monopolyong kontrol
dito at ganid na pagtutubo ng mga lokal na kartel (overpricing). Sa kabila ng malupit na hagupit ng pagtaas
ng presyo ng langis, nananatiling tahimik at walang aksyon ang rehimeng US-Aquino sa mga panawagan ng
mamamayan na itigil ang overpricing, ibasura ang Oil Deregulation Law at ang EVAT sa langis. Imbes na
mapigil o makontrol ito ng gobyerno, hinahayaan ang malalaking kumpanya na magtaas ng presyo ayon sa
kanilang kapritso. Sa halip na serbisyong panlipunan, ang nangingibabaw ay negosyo at higanteng tubo.

Hindi totoong walang magagawa ang gobyernong Aquino para pigilan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin
at utilidad. Nasa kontrol nito ang Senado at Kongreso para ipabusara ang Oil Deregulation Law, o di kayay
mapagpasyang isabansa ang mga batayang utilidad at serbisyo tulad ng kuryente at tubig. Subalit wala sa
interes ng rehimeng Aquino na salungatin ang kagustuhan ng mga malalaking dayuhan at lokal na
kapitalista na ini-engganyo nitong manatili sa bansa.

Gayundin, nananatiling walang tunay na reporma sa lupa dahil lubos na pinangangalagaan ni Aquino ang
interes niya at ng kaniyang pamilya bilang mga asyendero. Sa kabila ng paborableng naging desisyon ng
Korte Suprema para sa mga magsasaka at manggagawang-bukid ng Hacienda Luisita, hindi pa rin
ipinapatupad at patuloy na hinahadlangan ng mga Aquino-Cojuangco ang agaran at libreng pamamahagi ng
lupang sakahan. Ito ang dahilan kung bakit mas pursigido si Aquino na ma-impeach si Chief Justice Renato
Corona kaysa pagpaparusa kay Gloria Macapagal-Arroyo. Interes ni Aquino at ng imperyalistang US na
panatilihing atrasado ang agrikultura ng bansa para ibayo pang maisulong ang mga neoliberal na patakaran
at mapangalagaan ang kanilang yaman.

Sa pulitika
Ang kagaganap lamang na Strategic Defense Dialogue (SDD) noong Enero 26-28 sa Washington DC ay
naghuhudyat ng papaigting na panghihimasok-militar ng US sa Pilipinas at buong Asya Pasipiko. Tanda rin
ito ng papatinding pagkasangkapan ng US sa papet nitong si Aquino para maipatupad ang layuning supilin
ang Tsina at maging dominanteng kapangyarihan sa rehiyon. Kasabay ng layuning ito ang ibayo pang
pagpapahigpit ng kontrol ng US sa ekonomiya at pulitika ng Pilipinas.

Samantalang nalansag ang mga base militar ng US sa Pilipinas noong 1991, malayang nakakalabas-masok
ang mga tropang Amerikano sa anumang bahagi ng bansa sa bisa ng Visiting Forces Agreement (VFA) at
Mutual Defense Treaty (MDT). Sa huling SSD, napipinto ang paglulunsad ng pinakamalaki at
pinakamalawak na operasyong militar sa bansa sa susunod na mga buwan ng 2012.

Buong-husay na ginagampanan ni Aquino ang iniatas sa kanya ng US na papel na ipagtanggol ang
teritoryo sa Spratly Islands upang bigyang-katwiran ang papalaking presensya ng militar ng US na
diumanoy para palakasin ang depensa ng Pilipinas. Bumaha rin ang tulong pinansyal at kagamitang-militar
mula sa US para diumano sa tunguhing ito. Ang totoo, kinakasangkapan lamang ng US ang Pilipinas bilang
lunsaran ng mga plano nitong operasyon sa South China Sea, isang mayor na rutang pangkalakalan na nais
nitong kontrolin. Kinakaladkad ng US ang Pilipinas tungo sa isang proxy war laban sa Tsina para pagsilbihan
ang pansariling interes nito. Sa pamamagitan ng aktwal na pagtalaga ng papalaking bilang ng tropa at
pagpapaningas sa tensyon sa Tsina, magagawa ng US na mabilisang maipakat ang mga pwersa nito
saanmang bahagi ng bansa at Asya Pasipiko.

Kahit pagkukunwari ay wala nang ginagawa ang rehimeng Aquino sa pagtatanggol sa pambansang
soberanya laban sa panghihimasok-militar at dominasyon ng US. Sukdulan na ang pagpapakatuta nito at
pagtataksil sa pambansang interes. Wala itong independyenteng patakarang panlabas. Pinalalabas nito na
katumbas ng pambansang interes ng Pilipinas ang ultra-nasyunal na interes ng US na maghari sa buong
daigdig. Sa utos ng amo nito, itinuturing na ring kaaway ng rehimeng Aquino ang alinmang kaaway ng US
kabilang na ang mga organisasyon at kasapi ng mga aktibista at progresibong organisasyon na itinuturing
nitong enemies of the state.

Ipinagpapatuloy lamang ni Aquino ang Oplan Bantay Laya 1 at 2 ni Arroyo sa pamamagitan ng Oplan
Bayanihan na tuwirang nakapadron sa US Counter-Insurgency (US COIN) ng Pentagon at CIA. Sa ilalim ng
rehimeng US-Aquino, patuloy ang extra-judicial killings, enforced disappearances at paglabag sa
karapatang-tao bilang bahagi ng Oplan Bayanihan. Pinopondohan ng rehimen ang Oplan Bayanihan sa
tulong at basbas ng US upang supilin ang progresibong kilusan ng mamamayang naghahangad at
lumalaban para sa tunay na pagbabagong panlipunan.

Hanggang ngayon ay wala pa ring kategorikal na pahayag si Aquino sa hindi pag-aresto kay former Gen.
Jovito Palparan. Hindi pa naaaresto si Palparan dahil hindi rin tunay na interes ni Aquino at ng US na mahuli
at maparusahan siya. Nananatili siyang reserbang pwersa ng AFP at rehimeng Aquino para gamiting
pambira sa progresibong kilusan sa ilalim ng Oplan Bayanihan.

Bakit mahigpit na dapat ikawing ang laban ng migranteng Pilipino sa laban ng iba pang sektor ng lipunan
at migrante ng ibang lahi?
Likas at wasto na labanan ng migranteng Pilipino ang pagpapahirap, pambubusabos at mga atake ng mga
dayuhang imperyalista at naghaharing sistema sa pangunguna ng rehimeng US-Aquino. Pag-abandona,
kapabayaan, panlilinlang, pagtatakip, pandarahas, pangongotong ay dapat ilantad at labanan. Subalit hindi
nagtatapos dito ang laban. At, ang masaklap, dahil hindi nabubunot ang ugat ng suliranin dadanasin ng
susunod at susunod pang henerasyon ng mga migrante ang paghihirap at pagsasamantala na dinaanan
na ng iba.

Pwersahan ang migrasyon sa Pilipinas dahil ang nakararaming Pilipino ay napipilitan lamang magtrabaho
sa ibang bayan dulot ng kawalang trabaho, mababang pasahod, kawalan ng maunlad na industriya at
lupang sakahan at batayang serbisyong panlipunan. Para sa nakararaming migrante, ang kasalukuyang
migrasyon ay hindi nagsisimula sa tunay na malayang kagustuhan ng mamamayan kundi itinutulak ng mga
kalagayan ng kahirapan, pagsasamantala at pang-aapi na dinaranas nila sa malakolonyal at malapyudal na
lipunan.

Ganito ang kalagayan ng bansa dahil na rin sa kinokontrol lamang ng iilan ang yaman ng
bansa. Namamayani ang iilan dahil sila rin ang may hawak sa gobyerno at patuloy na nakikipagsabwatan sa
imperyalistang amo, pangunahin ang Estados Unidos. Mga dayuhang monopolyo kapitalista, mga
asendero-komprador, at mga kurakot na opisyal ng gobyerno ang pinapaboran ng sabwatang ito.

Kaya sa simula pa lamang ng kanyang panunungkulan, ang daang matuwid para kay Aquino, tulad ng
mga nakaraang rehimen, ay ang lantarang pagpapakatuta sa imperyalista at pagpapanatili ng malakolonyal
at malapyudal na sistemang panlipunan. Ibig sabihin nito ay ang pagpapanatiling atrasado ng Pilipinas,
paglobo ng disempleyo at pagbaba pa ng sahod. Sa halip na magtayo ng sariling industriya at magkaroon
ng tunay na reporma sa lupa na makalilikha ng trabaho para sa mga manggagawa at magsasaka, mas
kinakatigan ni Aquino ang pag-asa sa dayuhang kapital at pagbebenta ng lakas-paggawa ng migranteng
Pilipino.

Kaya higit na mahalaga na tumindig ang migranteng Pilipino para sa bayan, ang sumuporta sa mga
lehitimong kahilingan ng ibat ibang sektor ng lipunan, ang magtaguyod ng kalayaan at demokrasya para sa
nakararami, at ang magkaisa at makipagkaisa sa mga migrante at mamamayan ng ibang lahi upang
itaguyod ang pandaigdigang kilusang anti-imperyalista. Ang kalutasan ng kanilang mga suliranin ay nasa
mismong pagbabago ng lipunan at sistemang pandaigdigan upang sa susunod na mga panahon ay hindi na
kailangan pang mangibang-bayan ng migrante, sampu ng kanyang asawa at mga anak, para lamang
maghanapbuhay.

Kaalinsabay kailangang malawak na organisahin ang hanay ng mga migranteng Pillipino at pamilya habang
lumalaki at papalapit ang panganib at banta ng imperyalistang krisis at digma, Bahagi ito ng pagbubuo ng
salalayang lakas ng sambayanang Pilipino at kaisa ng buong mamamayan ng daigdig ay mapigil ang mga
pakana ng imperyalismo na wasakin ang soberanya ng mga bansa at maghari sa buong daigdig.###

You might also like