You are on page 1of 3

KAUGALIAN NG MGA PILIPINO

ni Kristine Camille C. Godinez

Ang Pilipinas ay isa sa mga bansang sinakop ng maraming dayuhan dahil sa


paghahangad ng teritoryo at kapangyarihan noong panahon ng kolonisasyon. Dahil dito,
maraming kaugalian ang ating namana mula sa kanila. Isa na rito ang pagiging maka-Diyos,
pagkamagiliw sa mga bisita, pagkakabuklod-buklod ng pamilya, pagkamatulungin at marami
pang iba.
Ang pagiging maka-Diyos at ang pagtitiwala sa Panginoon ay nakaugalian na nating
mga Pilipino. Sama-samang nagsisimba ang mga magpapamilya tuwing Linggo upang
magpasalamat sa mga biyayang binigay ng Diyos sa atin. Sama-sama ring nagdarasal ang
mga mag-anak bago kumain at nagrorosaryo sila bago matulog. Naniniwala tayo sa mga
biyaya at patnubay ng ating Panginoon. Nagtitiwala tayo sa kanya sa oras ng problema at
kagipitan. Isang magandang halimbawa ay noong nagkaroon ng rebolusyon sa EDSA.
Taimtim na nagdasal ang mga tao noon upang makamit nila ang kalayaan sa administrasyon
ni Marcos.
Kilala tayong mga Pilipino sa pagiging magiliw sa ating mga panauhin. Ibig nating
masiyahan at maginhawaan sila. Kaya naman kapag alam natin na mayroong darating na
bisita, inaayos o pinapaganda natin ang ating bahay at naghahanda tayo ng ihahain para sa
kanila. Inaanyayahan naman natin na matulog sa ating tahanan ang ating panauhin kung itoy
sa ibang lugar pa nakatira.
Ugali na rin nating mga Pilipino ang matinding pagkakabuklod-buklod ng mag-anak.
Dahil dito, kung minsan, sa isang bahay ay higit sa dalawang mag-anak ang naroroon.
1

Nanunuluyan ang ating mga lolot lola sa ating tahanan tanda ng pagsukli sa kanilang mga
paghihirap noong mga panahong sila pa ang nag-aaruga sa ating mga magulang. Dumadalaw
tayo sa mga magulang natin kung tayoy naninirahan sa ibang lugar. Nagkakaroon din ng
mga pagtitipon ang magpapamilya tuwing sasapit ang araw ng Pasko o anumang okasyon.
Likas na sa ating mga Pilipino ang pagiging matulungin. Kadalasay tinatawag itong
bayanihan. Ang bayanihan noon ay ang paglilipat ng bahay ng mga nasa lalawigan. Ang
bahay ay sabay-sabay na bubuhatin ng mga kalalakihan. Nagtutulungan din tayong mga
Pilipino sa panahon ng sakuna at kalamidad.
Ang paggamit ng po at opo, pagmamano, paghalik at paggamit ng mga ate, kuya,
manong o manang bilang pantawag sa mga nakatatanda sa atin ay isang pagbibigay respeto
sa kanila. Kapag tayo ay papasok sa paaralan o trabaho, nagpapaalam tayo sa mga magulang
natin o sino mang nakatatanda sa loob ng ating bahay kapag tayo ay paalis na. Binabati
naman natin sila pagkauwi natin. Kadalasay humahalik tayo sa kanilang mga pisngi at
nagmamano.
May kaugaliang pagkamahiyain tayong mga Pilipino. Kapag nakagawa tayo ng
matinding pagkakamali o lumabag tayo sa batas kagaya ng pagdodroga, itoy isang kahihiyan
hindi lamang sa ating mga sarili kundi kahihiyan din ito sa ating pamilya. Kung pinahiya
naman tayo sa harap ng maraming tao, nakakaramdam tayo ng kahihiyan at minsay
nawawalan tayo ng lakas ng loob.
Nakaugalian na rin ng mga Pilipino ang paghingi ng kamay ng kanyang nobya sa mga
magulang nito, ang pagpapadasal sa mga mahal natin sa buhay na pumanaw na, pakikisama
sa ating kapwa upang magkaroon tayo ng maganda at mabuting pakikitungo sa kanila at
pagkakaroon ng utang na loob sa mga taong tumulong sa atin sa oras ng kagipitan o mga

pagsubok sa ating buhay. Nagkakaroon din tayo ng utang na loob sa ating mga magulang
dahil sa kanilang pag-aaruga at pagpapalaki sa atin. Kaya naman kapag tayoy nagkaroon na
ng mga trabaho, tayo naman ang nag-aalaga sa kanila.
May ugali ang mga Pilipino na kailangang tuparin ang mga pangako o sinabi nitong
mga salita. Tinatawag itong palabra de honor o may isang salita. Isa pa sa ugali ng mga
Pilipino ang bahala na. Ito ay ang pagpapaubaya sa kung anuman ang mangyari sa ating
buhay. Kadalasay ito ang ugali o sinasabi ng mga estudyante kapag mayroon silang mga
biglaang pagsusulit.
At higit sa lahat, masayahin ang mga Pilipino. Dinadaan na lamang sa tawanan ang
mga problema. Makikita sa mga balita na kahit hanggang baywang na ang baha, makikita mo
pa rin silang nakangiti. Hindi nila iniinda ang hirap at naghahanap sila ng paraan upang
makatawa dahil kapag inisip lang nila ang mga trahedya na dumaraan sa kanila, baka silay
mabalisa na lamang sa sobrang pag-iisip kung paano masosolusyunan ang problema na
kinakaharap nila.
Ang mga kaugaliang ito ay likas na sa mga Pilipino na kahit salat sa kayamanan at
kaunlaran, mataas ang pagpapahalaga nila sa pagkakaroon ng mabuting pag-uugali at
namumuhay sila ng may dignidad at kagandahang asal. Nararapat lamang na ipagpatuloy
natin ang pagpasa ng mga kagandahang asal na ito sa bagong henerasyon dahil masasabi na
ang lipunang walang kagandahang asal o mabuting pag-uugali ay isang lipunang walang
kaunlaran.

You might also like