Bagwis ng PNHS Prime kumampay patungong Cluster Meet
Kung tunay ang ginto kailanmay di ito kukupas!
Pinatunayan ng nalalabing miyembro ng PNHS Prime na sina Carl Cedric delos Reyes at Rosegielyn Castillo na sila pa rin tunay na hari at reyna ng high jump at long jump matapos ibulsa ang kampeonato sa 2016 Intramurals para maituloy ang kampanya patungong Cluster Meet. KAKAIBANG ISTILO PARA SA KAMPEONATO Talon na may 5 metro bwelo mula sa jump poles, buong pwersang lundag at bali sa likod upang lumusot paibabaw. Ito ang kakaibang istilo sa pagtalon ni 2015 City Meet 3rd placer delos Reyes na nagpahanga sa kayang mga kamag-aaral at katunggali sa high jump. Nangibabaw na ang kanyang tikas sa unang attempt pa lamang kung saan naeliminate na ang baguhang si Nolie Labay habang maluwalhating nakatawid naman ang chief rivals na sina Carl Vincent Sotejo at Remuel Deshuael Ong. Kinapos naman ang determinasyon ni Ong sa ikaapat na attempt nang sumabit ang kanyang paa sa pole na naging dahilan upang maeliminate siya sa kompetisyon. Hinatulan ng ikalawa sa huling baitang sa jump pole ang laro nang mapanatili ni delos Reyes ang swabe niyang talon habang si Sotejo naman ay nabigo dahil sa nanghihina nitong tuhod. Tinanghal na kampeon si delos Reyes sa kabila ng kanyang kaba na hindi maitawid ang huling subok sa pagtalon. Medyo kinabahan ako sa huling attempt dahil noong nakaraang taon, hindi ko nagawang lampasan ang baitang na iyon, wika ni delos Reyes CASTILLO, NANATILING REYNA SA LONG JUMP Napanatili ng grade 10 prime jumper na si Castillo ang kanyang titulo bilang kampeon sa long jump matapos makapagtala ng 4.7 m layo ng talon upang talunin ang mga dati nang katunggali at makausad sa Cluster Meet. Ito na ang pinakamalayong talon na itala ni Castillo sa kanyang karera sa long jump habang ang kanyang matinik na katunggali na si Arianne Icalla ay nakapagtala namang 4.5 m layo ng talon. Samantala, kinapos naman sa layo ang 4.4 m na talon ni Angelica Hebreo upang tanghalin siya na 3rd place sa kompetisyon. Nais ni Castillo na ituloy ang kanyang kumpanya hindi lang sa Cluster gayundin sa City Meet na bigo niyang naisakatuparan noong nakaraang taon. Sa tingin ko, kailangan ko pa ng ibayong ensayo upang mapag-igi ko ang aking pagtalon para makatuloy ako sa City Meet na matagal ko nang pinapangarap, sambit ni Castillo.