Professional Documents
Culture Documents
2014 - 04461
FIL40 WFU2
22 Pebrero 2017
Maikling Papel:
Ang Supermaid at ang Super sa Dayuhang Wika
Abstrakt:
Ang wika ay may kapangyarihang mamahala ng isang lipunan, at ito ay nagsisilbi ring
instrumentong makakapaglaya at makakaisa ng mga tao sa isang lipunan. Ang pokus ng papel
na ito ay tungkol sa isang proyekto ni Gloria Macapagal-Arroyo na naghahangad na tulungan
ang mga Overseas Filipino Workers at mga mamamayang nagnanais na maging isa sa
pamamagitan ng pag-iimplementa ng training program partikular sa mga domestic worker, at
pagbibigay ng mas maraming oportunidad sa kanila. Ang mga domestic worker na ito na may
kakayahang gawin ang kahit anumang gawaing bahay at utos ng kanilang amo ay tinawag ni
pangulong Arroyo na mga supermaid.
* * *
Ang wika ay may kakayahang magbigay ng lakas sa ating mga hangarin, at iderekta at
iayon ang ating buhay. Ang wika ay may napakalawak na kapangyarihan, at ang epekto nito ay
depende sa kung paano natin ito ginagamit.
Sa kasalukuyan, kinikalala ang mga Pilipino bilang mabibilis na mag-aaral ng ibat ibang
wika sa buong mundo. Isa sa mga ito, at marahil ang pinakaginagamit ay ang wikang Ingles.
Ang Pilipinas ay pumapangatlo, sumusunod sa US at Great Britain, sa dami ng bilang ng mga
nagsasalita sa Ingles (J. Ramos). Makikita natin ang paggamit ng Ingles sa ibat ibang uri ng
media katulad ng telebisyon, pelikula, literatura, at publicity materials. Hindi tayo nawawalan ng
pagkakataon na makahanap ng salitang Ingles sa mga bagay na ginagamit natin at sa mga
pag-uusap sa ibang mga tao araw-araw dito sa Pilipinas.
Sa unang tingin, ang proyektong ito ay masasabing positibo para sa mga Pilipino,
partikular na ang mga babae na nangangailangan ng trabaho. Ngunit hindi naging maganda
ang reaksyon ng iilang mga tao sa proyektong ito. Sa isang artikulo na pinaskil ni Nixon T. Kua
sa Philippine Star, nakasulat dito ang tugon ng isang supermaid sa Hong Kong. Nilarawan dito
ang kahirapan na naranasan niya mula noong inimplementa ang proyekto, at kung paano ito ay
isa lamang pakulo ng pamahalaan upang makakita ng mas malaking halaga galing sa mga
Overseas Filipino Workers. Tinatanong din niya kung ano ang mga pag-aaralan nila sa TESDA
training upang makakuha ng sertipiko sa pagiging domestic worker, at kung ang curriculum na
ito ay karapat-dapat na 10,000 pesos ang sisingilin.
Base sa nakasulat, binabalik tayo sa pagpapahalaga ng wikang Ingles. Ito ay tinuturing lingua
franca ng mundo ngayon. Hindi nakakapagtaka kung bakit ito ay ginustong wika ng Chinese
employer sa artikulo. Maraming argumento ang palaging ginagamit ng mga taong pabor sa
Ingles. Batay kay Pamela Constantino, isa sa mga ito ay ang pagkakakilala ng Ingles bilang
isang instrumentong para sa pakikipagkomunikasyon sa buong daigdig. Ito ay tinuturing din na
instrumentong sa pagpapalaganap, pakikipagpalitan, pakikihasa, iskolar at resertser sa
anumang larangan sa buong daigdig na marunong din ng Ingles. At huling huli, ito ay
instrumentong ginagamit sa pakikilahok sa anumang transaksyong kultural, ekonomiko at
teknolohiya. Malinaw na malinaw sa karaniwang lipunan na ang Ingles ay tinuturing na tulay sa
pakikipagniig ng mga bansa sa isat isa.
Ngunit sa kabilang banda, nagdudulot din ito ng pinsala sa ating lokal na ekonomiya. Isa
sa nakapagdududa tungkol sa inimplementang proyekto ay kung paanong binibigyan ng mas
malaking importansya ang mga banyagang merkado kaysa sa sarili nating ekonomiya. Ayon sa
Migrante, isang pandaigdigang alyansa ng mga Filipinong migranteng manggagawa at ang
kanilang mga pamilya, ang estado ng Pilipinas ay kailanman mas malamang na hindi
ipinapaloob at binubuo ang pambansa at lokal na ekonomiya, lalo na sa harap ng
pandaigdigang pang-ekonomiyang krisis (G. Linao, 2009). Mas binibigyang halaga natin ang
pagsilbi sa ibang mga bansa kahit na ang trabaho ay mababang uri lamang kaysa sa pag-aralin
natin ng mas maigi ang kasalukuyang kondisyon ng lipunan upang maaari tayong mag-ambag
sa sosyo-ekonomikong pag-unlad nito. Higit pang gugustuhin ng mga Pilipino ang anumang
banyaga kaysa protektahan at pagyamanin ang sarili (P. Constantino, 1996). Patungkol sa
proyektong ito, may ilang mga senador na gumiit na ang administrasyon ni dating pangulong
Arroyo ay kailangang itaguyod ang entrepreneurship upang ang mga Pilipino ay hindi na
kailangang umalis ng bansa. Sinabi din nila na ang kayamanan ng pamahalaan ay dapat na
gastusin lamang sa pagtatayo ng super economy, hindi sa supermaids (Maria Samante,
2006).
Ang isang mahinang ekonomiya ay resulta ng kahirapan. Ang kahirapan ay nagreresulta
sa kakulangan ng accessible na edukasyon. Ang pagpapahalaga ng overseas work bilang mas
makabuluhan kaysa sa paglilingkod sa sariling bayan ay resulta din ng pagkukulang ng
karaniwang sistema ng edukasyon. Ang isang bansang may problemang ekonomiko ay
siguradong mababa o di malawak ang literasi ng mga mamamayan. Dahil dito ang kanilang
pagsangkot sa mga prosesong pulitikal ay mahina rin. Dahil din dito, ang eksploytayson at
pagdodomina sa kanila ay lalong nagiging masidhi (P. Constantino, 1996). Kalidad na
edukasyon ang unang hakbang upang magkaroon ng kamalayan ang mga mamamayan sa
mga problema na hinaharap ng ating bansa. Sa edukasyon natin nakukuha ang ating
kaalaman. Ang isang tao na may kaalaman ng kanyang kapaligiran ay maaaring mabuhay sa
kabutihang-palad sa lipunang ito. Ang edukasyon ay tumutulong hindi lamang sa pagbibigay ng
kahalagahan sa pakikipagtulungan sa kapwa, kundi nagbibigay din ito ng kamalayan ng
kanilang mga karapatan at mga tungkulin tungo sa bansa. Edukasyon mismo ay isang
karapatan ng lahat ng tao mula noong ipinanganak sila, hindi ito pribilehiyo.