You are on page 1of 3

Nobena para sa Mahal na Yumao

Lahat : O Diyos ko, ikinalulungkot ko nang buong puso ang pagkakasala ko sa Iyo.
Kinasusuklaman ko ang lahat kong kasalanan dahil sa takot kong
mawala sa akin ang kaharian ng langit at dahil sa takot ko sa hirap ng
impiyerno, ngunit lalo pa't ang kasalanan ay nakakasakit sa kalooban
Mo, Diyos na walang hanggan ang kabutihan at nararapat na ibigin
nang walang katapusan. Matibay akong nagtitika na ikukumpisal ko ang
aking mga kasalanan, tutuparin ang parusang hatol at sa tulong ng
Iyong biyaya ay magbabagong buhay. Amen.
Pinuno : Ama namin sumasalangit Ka. Sambahin ang ngalan Mo. Mapasaamin ang
kaharian Mo. Sundin ang loob Mo, dito sa lupa para nang sa langit.
Lahat : Bigyan Mo po kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw, at patawarin
Mo kami sa aming mga sala para ng pagpapatawad namin sa mga
nagkakasala sa amin. Huwag Mo kaming ipahintulot sa tukso, at iadya
Mo kami sa lahat ng masama. Amen.
Pinuno : Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya. Ang Diyos ay sumasaiyo.
Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat at pinagpala naman ang iyong
anak na si Hesus.
Lahat : Santa Maria, ina ng Diyos, ipanalangin mo kaming makasalanan ngayon at
kung kami'y mamamatay.
Pinuno : Luwalhati sa Ama, sa Anak, at sa Diyos Espiritu Santo,
Lahat : Kapara noong unang-una, ngayon, magpasawalang-hanggan. Amen.
Unang Dekada
Lahat : Panginoon, buksan Mo ang aming mga labi. Pagningasin Mo ang aming
mga puso at punawin sa mga ito ang anumang kasamaan. Liwanagin
Mo ang aming mga pag-iisip, upang mapagnilayan naming nang may
pitagan ang Iyong pagpapakasakit at kamatayan, at ang mga sakit na
tiniis ng Iyong kamahal-mahalang Ina. Dinggin Mo ang aming mga
panalangin at tanggapin Mo kami, Ikaw na nabubuhay at naghahari
magpakailanman. Amen.
Mahabaging Hesus, tunghayan Mo ng Iyong mga maawaing mata ang Iyong anak
na si _____, na para sa kanya'y nagpakasakit Ka at namatay sa krus.
Sa mga butil ng Santo Rosaryo sa bawat dekada, sabihin ang sumusunod:
Hesus ko, alang-alang sa dugong ipinawis Mo sa Halamanan ng Getsemane,
*kaawaan Mo ang kaluluwa ni _____.
Hesus ko, alang-alang sa mga suntok na tinanggap Mo sa Iyong banal na
mukha, *
Hesus ko, alang-alang sa malulupit na hampas na Iyong tiniis, *
Hesus ko, alang-alang sa koronang tinik na tumusok sa Iyong ulo, *
Hesus ko, alang-alang sa pagpasan Mo ng krus sa landas ng kapaitan, *
Hesus ko, alang-alang sa Iyong mukhang tigmak ng dugo na hinayaan Mong
matatak sa belo ni Veronica, *
Hesus ko, alang-alang sa mga damit Mong duguan na buong kalupitan nilang
hinubad sa Iyong sugatang katawan, *
Hesus ko, alang-alang sa mga kamay at paa Mong tinusok ng matatalas na
pako, *
Hesus ko, alang-alang sa Iyong banal na tagiliran na tinusok ng sibat at mula
doo'y umagos ang dugo at tubig, *
Hesus ko, alang-alang sa Iyong pagkakapako at pagkamatay sa krus, *
Pinuno : Pagkalooban Mo ang kaluluwa ni _____ ng walang hanggang
kapahingahan, O Panginoon.
Lahat : At sikatan nawa siya ng Iyong walang hanggang liwanag.
Pinuno : Mapanatag nawa siya.
Lahat : Amen.
Ama Namin... Aba Ginoong Maria... Luwalhati...
Ikalawang Dekada
Lahat : Panginoon naming lubos na mapagmahal at maawain, buong
pagpapakumbabang dumudulog kami sa Iyo sa ngalan ni _____ na
Iyong tinawag na mula sa daigdig na ito. Huwag Mo siyang hayaang
mapasa-kamay ng kaaway at kailanma'y huwag Mo siyang limutin.
Utusan Mo ang mga Banal na Anghel na dalhin siya sa paraisong
kanyang dapat hantungan, sapagkat siya'y lubos na nanalig at umasa
Iyo. Nawa'y hindi niya maranasan ang sakit ng impiyerno, kundi'y
magkamit ng walang hanggang kaligayahan sa pamamagitan ng aming
Panginoong Hesus na Iyong Anak, na nabubuhay at naghahari kaisa ng
Espiritu Santo, iisang Diyos, sa daigdig na walang hanggan. Amen.
Mahabaging Hesus
Ikatlong Dekada
Lahat : Maawa ka, Panginoon, sa kaluluwa ni _____, kung kanino'y iniaalay namin
itong pagbibigay-puri sa Iyo. Buong kapakumbabaang hinihiling namin
sa Iyo, kataas-taasang Diyos, na sa pamamagitan ng mga handog na ito
ay maging karapat-dapat siya sa walang hanggang kapahingahan, sa
pamamagitan ni Hesukristong Iyong Anak, na nabubuhay at naghahari
kaisa ng Espiritu Santo, iisang Diyos, sa daigdig na walang hanggan.
Amen.
Mahabaging Hesus
Ikaapat na Dekada
Lahat : Hinihiling namin, Panginoon, na ipagkaloob Mo ang kalinisan at kagalingan
sa kaluluwa ni _____ na lumisan na sa mundong ito. Ipinapanalangin
namin ang kapatawaran ng kanyang mga kasalanan at walang
hanggang kapahingahan. Ito'y aming hiling sa pamamagitan ni
Hesukristong Iyong Anak, na nabubuhay at naghahari kaisa ng Espiritu
Santo, iisang Diyos, sa daigdig na walang hanggan. Amen.
Mahabaging Hesus
Ikalimang Dekada
Lahat : Panginoon, hanguin Mo sa lahat ng kasalanan ang kaluluwa ni _____ nang
sa pamamagitan ng Iyong tulong at awa ay mailigtas siya sa apoy ng
impiyerno at makabahagi sa walang hanggang liwanag. Ipagkaloob Mo
po ito sa pamamagitan ni Hesukristong Iyong Anak, na nabubuhay at
naghahari kaisa ng Espiritu Santo, iisang Diyos, sa daigdig na walang
hanggan. Amen.
Mahabaging Hesus
PANGHULING PANALANGIN
Pinuno: Manalangin tayo.
Lahat : O Panginoon naming Maylikha at Manunubos ng lahat ng
nananampalataya, ipagkaloob Mo sa kaluluwa ni _____ ang
kapatawaran ng lahat niyang kasalanan. Aming idinadalangin na
makamit niya ang kapatawarang lubos niyang ninanais, sa
pamamagitan ng Iyong Anak na nabubuhay at naghahari kaisa ng
Espiritu Santo, iisang Diyos, sa daigdig na walang hanggan. Amen.
Pinuno : Pagkalooban Mo ang kaluluwa ni _____ ng walang hanggang
kapahingahan, O Panginoon.
Lahat : At sikatan nawa siya ng Iyong walang hanggang liwanag.
Pinuno : Mapanatag nawa siya.
Lahat : Amen.

You might also like