You are on page 1of 3

Isang Dosenang Pagdalumat-Feminismo sa mga Piling Akda

Maria Fe E. Gannaban

Abstract:

Ang papel na ito ay isang pagdalumat sa mga naisagawang pag-aaral hinggil sa papel ng mga babaeng
Pilipina sa iba’t ibang genre ng panitikang Pilipino (i.e. maikling-kwento, sanaysay, nobela atbp). Pinili ang
labindalawang pananaliksik batay sa mga pagsusuring naisagawa na may kinalaman sa feminismo,
partikular ang papel na ginagampanan ng kababaihan sa lipunang Pilipino; gayundin ang repleksyon ng

feminismo sa iba’t ibang genre ng panitikan. Sinipat sa mga nabanggit na genre kung ano ang sinasabi ng
mga teksto sa papel na nararapat gampanan ng kababaihan sa lipunang Pilipino at madalumat ang
istatus ng mga babae sa pagbubuo ng bansang Pilipino. Tinangka ring dalumatin sa papel na ito ang iba’t
ibang papel na ginagampanan ng mga babaeng Pilipino. Inilahad ang ilang mahahalagang konsepto
hinggil sa labindalawang pananaliksik at sinuri ito. Pagkatapos ay ang pag-classify o pag-cluster sa uri ng
feminismong pinaniniwalaan ng mga Pilipinong awtor. Ang paglalahad sa datos ay inayos nang
paalpabeto (Ardales, Canares, de Roca, Garcia, Lacsamana, Maranan, Marquez, Recto, Robles, Rosales,
Santiago, at Tepace). Pagkatapos, sinagawa ang pagsusuri sa bawat isa. Tinukoy ang uri ng feminismo sa
bawat pag-aaral batay sa kahulugang nakasaad sa iba’t ibang uri ng feminismo at dinalumat kung ito ay
umiral o nangibabaw sa teksto ng pananaliksik.

SNS: Isang Estratehiya sa Larangan ng Pagtuturo

Maria Fe E. Gannaban

Discipline: Philippine Studies

Abstract:

Isa sa kinahuhumalingan ng mga mag-aaral sa kasalukuyan ay ang social networking sites (SNS). Madalas
pinagkakamalang hindi maganda ang nagiging bunga nito sa kanilang pag-aaral (talaga nga kaya?);
partikular ang karamihan sa mga magulang –sila ay may mga negatibong persepsyon tungkol sa usaping
ito. Mahirap igiit sa mga mag-aaral na wala itong mabuting idudulot at lalong mahirap makipagtagisan sa
kanila hinggil sa masamang epekto ng social networking sites. Ang pananaliksik na ito ay isang
eksploratoryong pag-aaral sa paggamit ng social networking sites sa pagtuturo ng wikang Filipino. Pokus
ng pag-aaral na ito na matukoy ang papel na ginagampanan ng SNS sa proseso ng pagkatuto ng mga
mag-aaral; gayundin ang pagdalumat sa positibo at negatibong epekto nito sa larangan ng pagtuturo lalo
na sa wikang Filipino at aalamin din kung ang SNS ay nakakatulong sa pagtuturo ng Filipino. Layunin ng
papel na ito na malaman ang papel na ginagampanan ng SNS sa proseso ng pagkatuto ng mga mag-aaral;
tukuyin ang mga positibo at negatibong epekto ng SNS bilang estratehiya sa larangan ng pagtuturo; at
dalumatin kung talagang nakakatulong ba ito sa pagtuturo. Penomenolohikal na pamaraan ang gagamitin
sa pag-aaral; batay ito sa obserbasyon, eksperimento at karanasan ng mga guro at mag-aaral na
gumagamit ng SNS. Nagsagawa ng pakikipanayam sa mga guro na gumagamit ng SNS sa pagtuturo,
gayundin sa mga estudyante.Pinakasikat sa mga SNS at madalas gamitin ng mga mag-aaral ay ang
Facebook. Ang mga takdang-aralin, babasahin at dapat pag-usapan tulad ng ilang paglilinaw o
katanungan tungkol sa paksang-aralin natalakay at tatalakayin pa ay nabibigyang-linaw at tugon sa
pamamagitan ng facebook dahil dito madalas naka-OL (on line) ang mga estudyante. Malaking bagay din
ito upang maging daan sa pagpapasa ng mga takdang-aralin ng mga estudyante dahil ito ay paper less at
malaking tulong pa ito upang mabawasan ang global warming. Sa kabilang banda, ang e-group ay
malaking bentahe rin upang doon i-upload ang mga babasahin o iba pang panawagan o ilang paalala sa
mga estudyante halimbawa sa mga takdang araw o deadline ng pagpapasa ng proyekto, takdang-aralin,
at iba pa. Bagamat, maaari rin namang mag-upload sa facebook. Isinusulong ng papel na ito ang
paglalapat ng mga networking sites sa pagtuturo ng wikang Filipino sapagkat may kabutihan din itong
maidudulot sa pagkatuto sa halip na palagiang ipagbawal ito sa mga mag-aaral na para bang isang
malaking banta sa kanilang pag-aaral at maging sa kanilang buhay. Datapwat, nararapat pa ring isaalang-
alang ang hangganan o parameter ng mga SNS. Ang papel na ito ay maihahanay sa isa sa mga kulturang
popular na kadalasang pinagbubuhusan ng pansin ng mga mag-aaral. Ang SNS ay isa sa mga dulog-
teknolohikal na magagamit natin sa pagtuturo. Maaaring magbigay ng oportunidad ito sa mga guro
upang kumonekta sa mga mag-aaral ngunit ang koneksyon ay may parametro ang uganyang guro-mag-
aaral. Ang SNS ay ginaggamit sa pagkakaibigan na iba naman ang gamit sa larangan ng pagtuturo.
Madalas din itong gamitin ng mga mag-aaral sa pakikipagkaibigan. Kung gayon, kapag ito ba ay ginamit
bilang bahagi sa pagtuturo, mailalalagay din ba ng mga mag-aaral at guro na gumagamit ng SNS ang
hangganan o parametro ng ugnayan nila sa sia’t isa: guro-mag-aaral na ugnayan. May pagkakataon na
nagpopost ang mga estudyante ng personal na pananaw o komentaryo tungkol sa kanilang guro ngunit
hindi binabanggit ang pangalan datapwat alam nilang lahat na kabilang sa grupo kung sino ang pinag-
uusapan. Idagdag pa ang usapin ng cyberbullying. Salamat at nagkaroon na ng bagong batas ngayon na
anti-cyber crime tulad ng cyber bullying. Komprehensibong papel-pananaliksik ang inaasahang
kalalabasan ng pag-aaral na ito.

Ang Ugnayan ng Wika, Pananaliksik, at Internasyonalisasyong Akademiko / The


Inter-relationship of Language, Research, and Academic Internationalization

Feorillo Petronilo . Demeterio III | Joshua Mariz B. Felicilda


Discipline: Literature

Abstract:

Tinatalakay sa papel na ito ang ugnayan ng wika, pananaliksik at internasyonalisasyong akademiko sa


konteksto ng hindi kaaya-ayang mga markang natamo ng mga institusyong Pilipino sa mataas na
edukasyon sa ilang Asyano at pandaigdigangranking ng mga pamantasan. Ang papel na ito ay may apat
na bahagi: 1) tungkol sa kahulugan ng internasyonalisasyong akademiko, 2) tungkol sa halaga ng
pananaliksik sa internasyonalisasyong akademiko, 3) tungkol sa kahusayan sa pananaliksik at konsepto ng
pamantasang pansaliksik (research university), at 4) tungkol sa pananaliksik at ilang usapin kaugnay ng
wikang Filipino. Hangad ng papel na ito na maipakita ang malaking maiaambag ng wikang Filipino sa
pagpapayaman ng kultura ng pananaliksik sa loob ng mga institusyong Pilipino sa mataas na edukasyon,
na sa kalaunan ay mag-aangat sa kanilang katayuan sa ilang Asyano at pandaigdigang ranking ng mga
pamantasan.
[DIWA E-Journal Tomo 1, Bilang 1, Nobyembre 2013] Isang Paglilinaw sa mga
Paniniwala at Pagpapakahulugan sa Ispiritwalidad at Relihiyon ng mga Pilipino

[DIWA E-Journal Tomo 1, Bilang 1, Nobyembre 2013] Isang Paglilinaw sa mga


Paniniwala at

Abstrak

Kilala tayong mga Pilipino sa pagiging relihiyoso. Madalas na iugnay ang pagiging relihiyoso sa pagiging
ispiritwal ngunit sa panahon natin ngayon, tinitingnan na rin ang kaibahan ng dalawa (Zinnbauer et al.
1997). Sa kalinangang Pilipino, matagal nang binigyang-diin nina Virgilio Enriquez (1994), Prospero Covar
(1998), at Teresita Obusan (1998) na bago pa man masakop ng iba’t ibang relihiyon ang Pilipinas,
mayroon na tayong mga ritwal na maaaring iugnay sa relihiyon. Nilayon ng pag-aaral na itong malaman
ang mga paniniwala at pagpapakahulugan ng mga Pilipino tungkol sa ispiritwalidad at relihiyon. Mga key
informant sa iba’t ibang larangan ang ginawan ng panayam para lubusang maintindihan ang mga
paniniwala at pagpapakahulugan ng mga Pilipino tungkol sa ispiritwalidad at relihiyon. Pinapakita ng
mga resultang ang ispiritwalidad ng mga Pilipino ay nakaugnay sa mga paniniwala sa relihiyon. Makikita
sa mga resultang isang penomenolohikal o personal na karanasan ang ispiritwalidad at tumutukoy ito sa
kaugnayan ng ating sarili sa isang mas mataas sa atin at sa ibang tao. Sa kaugnayan ng ispiritwalidad at
relihiyon, hindi maaaring maihiwalay ang ispiritwalidad sa relihiyon. Sa gayon, upang lubusang
maunawaan ang ispiritwalidad ng mga Pilipino, nararapat na pagtuunan ng pansin ang mga paniniwala at
karanasan sa relihiyon. Tinalakay ang mga resulta at implikasyon ng pag-aaral sa konteksto ng
Sikolohiyang Pilipino.

You might also like