You are on page 1of 1

Mitolohiyang Pilipino: Bakonawa

Si Bakonawa, ang katunggaliang Diyos ni Bathala ay nasa anyong higanteng sawa na naninirahan sa ilalim
karagatan. Naniniwala ang mga sinaunang Tagalog na si Bakonawa ang dahilan ng pagkawala ng buwan o
ng araw tuwing sasapit ang Eclipse.
Sa tuwing lalamunin ni Bakonawa ang buwan o ang araw ay lumalabas ang mga ninunong Tagalog dala
dala ang kanilang mga palayok, sandok o ano mang bagay na maaaring lumikha ng ingay para iluwa ni
Bakonawa ang buwan at tuluyan syang maitaboy palayo ng karagatan.

Ayon sa alamat, si Bakonawa ay may kapatid na babaeng nasa anyo ng isang higanteng Pawikan. Madalas
bumisita ang Pawikan sa isang isla kung saan ito’y magsisilang ng mga itlog. Napansin ng mga naninirahan
sa nasabing isla na sa tuwing mangingitlog ang Pawikan ay sinusundan ito ng tubig ng dagat. Sa takot ng
mga tao na tuluyang malubog ang isla sa tubig-dagat ay kanilang pinatay ang Pawikan.
Huli na ng malaman ni Bakonawa na pinaslang ng mga naninirahan sa isla ang kanyang nag-iisang kapatid
kaya’t para paghigantihan ang mga taong naninirahan sa isla’y umahon si Bakonawa sa karagatan at
kanyang nilamon ang buwan. Dahil sa takot na tuluyang maglaho ng buwan ay nanalangin ang mga tao kay
Bathala para parusahan nito si Bakonawa. Tinanggihan ni Bathala ang panalangin ng mga tao (ang
parusahan si Bakonawa), subalit sinabi rin nito na ang makapagpipigil lamang kay Bakonawa ay ang ingay
ng mga tao. Gamit ang kanilang mga palayok, sandok at kawali’y lumikha ng malakas na ingay ang mga tao
sa isla. Iniluwa ni Bakonawa ang buwan at naglaho ito sa karagatan, at hindi na kailanman nakita ng mga
taga-isla.

Pininiwalaang ang isla ng alamat ay ang tinatawag na Turtle Islands ngayon.

You might also like