You are on page 1of 2

RICKY LEE

Si Ricardo A. Lee (Ricky Lee) ay isang manunulat mula sa Pilipinas. Higit


siyang popular bilang isa sa itinuturing na pinakamahusay na scriptwriter ng
bansa sa larangan ng pelikula at telebisyon, bagamat kilala rin siya sa
kanyang masining na kontribusyon sa larangan ng maikling kwento, nobela,
dula at pamamahayag.

Nakapagsulat na siya nang mahigit sa 150 naisapelikulang iskrip mula pa


noong 1973. Nakapagtamo na siya nang mahigit 50 tropeo mula sa iba't ibang
samahang pampelikula; kabilang na dito ang isang Natatanging Gawad Urian.
Marami sa kanyang mga pelikula ay naipalabas na sa Cannes, Toronto, Berlin
at iba pang mga internasyunal na film festivals. Kabilang dito ang Himala,
Moral, Brutal, Relasyon, Karnal, Bulaklak ng Maynila, Gumapang Ka sa
Lusak, Jaguar, Salome, The Flor Contemplacion Story, Dolzura Cortes, Muru-
Ami, Bagong Buwan, Rizal, Nasaan Ka Man, Madrasta, Anak at Dubai.

Bilang fiksyunista, mandudula at mamamahayag, si Lee ay nakapagkamit din


ng maraming pagkilala sa pagsusulat ng fiksyon mula sa Pilipino Free Press,
Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature at Gawad Pambansang
Alagad ni Balagtas. Noong 2000, hinirang din siya bilang isa sa 100 Artista na
pinarangalan ng Cultural Center of the Philippines ng Centennial Honors for
the Arts award.

Si Lee ang naglathala ng unang libro ng mga iskrip sa Pilipinas, ang


Brutal/Salome. Naglabas din siya noong 1988 ng isang manwal sa pagsusulat
ng iskrip, ang Trip to Quiapo, na naging isang bestseller at isang rekisitong
teksto sa mga kursong pangkomunikasyon sa bansa. Ang iba pa niyang
publikasyon ay ang mga sumusunod: Si Tatang at mga Himala ng Ating
Panahon, isang antolohiya ng kanyang mga sanaysay, lathalain at ang iskrip
ng Himala, na nagkamit ng CNN Award for Best Asia-Pacific Film of All Time
noong 2009); Moral (iskrip), at; Pitik-Bulag sa Buwan ng Pebrero (dula).
Nagwagi din ng Philippine National Book Award ang dalawang libro niya ng
iskrip: Brutal/Salome (1981) at, kasama sina Jun Lana at Peter Ong Lim,
Screenplay ng "Jose Rizal" (1999). Noong 2009, naglathala din siya ng ispesyal
na edisyon ng mga librong Si Tatang... at Trip to Quiapo.

Noong Nobyembre 2008, inilabas niya ang kanyang unang nobelang Para Kay
B (o kung paano dinevastate ng pag-ibig ang 4 out of 5 sa atin) na mainit na
tinanggap ng mga mambabasa. Ang kanyang pangalawang nobela, Si Amapola
sa 65 na Kabanata, ay matagumpay ring inilunsad noong Nobyembre 2011.
Mula pa noong 1982, nagbibigay din si Lee ng libreng scriptwriting workshop
sa kanyang tahanan para sa mga nagsisimulang manunulat. Daan-daang
scriptwriters na ang dumaan sa kanyang workshop at lumilikha na ng
kanilang marka sa industriya ng telebisyon at pelikula. Noong 2000, kasama
ng kanyang mga workshoppers, itinatag at pinamunuan ni Lee ang Writers
Studio (ngayo'y Philippine Writers Studio Foundation) bilang daluyan ng
pagkakaisa at pagtutulungan ng mga manunulat.

Sa kasalukuyan, nagtatrabaho si Lee sa ABS-CBN bilang Creative Manager at


abala sa pagsusulat ng pangatlo niyang nobela.

Isinilang siya noong Marso 19, 1948 sa Daet, Camarines Norte.

You might also like