Pagdalumat sa naging paglalakbay sa kwentong Animal Farm
Hayop na mga tauhan, hayop na nagsasalita at hayop na may sariling pamumuno,
hayop sa galing ang paggamit ng mga hayop bilang represetasyon ng kahuyapan sa mundo gawa ng tao. Sa unang pagkakataon ay nasabik ako na magbasa ng maliit na libro sa wikang Ingles. Tila baga pantasya na agad ang bumubuo sa isipan ko dahil mula sa mga karakter at kanilang mga gampanin ay naging bukas ang puso ko na yakapin ang kwentong ito hanggang sa... ika-23 ng Mayo taong 2017, nagdeklara ng Martial Law ang Pangulong Duterte sa Mindano. Mayo noong binili ko ang libro at saktong pagputok ng balitang ito, tadhana nga naman. Mula sa paunang salita ng libro ay nakita ko na agad ang lalim na pinaghugutan nito. “Some animals are more equal that other animals”. Pero napatanong ako sa aking sarili, sino kaya ang mga hayop na ginamit para sa akda? Ayan na lumabas na ang baboy, kabayo, bibe, aso, pusa, manok, tupa, mga ibon at marami pang iba. Tao na naman ang kalaban, napaisip nga ako na lahat na lang kalaban ng tao, mapahayop, kalikasan pati na rin ang kapwa tao. Sobra akong namangha sa katapangan ng mga hayop na ito na magdesisyon para sa kapakanan nila. Kung tayong tao ay natuto ng lumaban, aba! Pati ang mga hayop ay may karapatan ding nais ipaglaban. Sa unang bahagi ng akda makikita ang pang-aabuso na hindi na naman bago sa ugali ng mga tao. Pang-aabuso sa lakas at produkto na ibinibigay ng mga hayop na hindi naman natin natutumbasan ng kabutihan sa kanila. Parang lagay lang ng ating mga manggagawa sa kasalukuyan na pilit na pinipiit sa pagiging kontraktwal at laging inililihis ang kanilang mga karapatan na nagreresulta sa pang-aabuso sa kanila. Noong taong 1943 kung kailan sinimulan ni George Orwell ang akda ay uso na tatsulok na pilit na inaabuso ang nasa ibaba upang lalong umangat ang mga nasa itaas. At heto na nga naganap na ang rebolusyon ng mga hayop laban sa tao. Naging makapangyarihan pa rin ang boses nang nakararami at malaki ang ambag ng kanilang pagtutulungan para sa iisang hangarin – ang lumaya mula sa mga tao. Nagiging maganda na ang takbo ng kwento, natutuwa na ako sa mga kaganapan at pagtatagumpay ng mga hayop. Hanggang sa nakabuo na sila ng Seven Commandments. Nakakatuwa ang mga batas na nabuo dahil pinahalagahan talaga ang sangkahayupan habang nilalabanan ang sangkatauhan. Lalo ako nasabik sa mga susunod na mangyayari. Lahat sila naging masaya, sa una, dahil masagana pa ang ani, marami ng pagkain, napapakinabangan na nila ang kanilang pinagpaguran at umuunalad na ang kanilang pamumuhay tunay na naglevel- up nga naman sila. Pero bakit parang kulang pa rin? Parang nasobrahan sa taas ng pangarap ang mga hayop. Mayroon ng mali sa sobrang kagustuhan na manaig kaysa sa tao. Hindi na makahayop ang ginagawang pangtao ng mga hayop. Ang pag- aaral na hindi natural sa mga hayop ay nagpakita ng kagustuhan nilang huwag na maging mangmang ngunit ito ay gawaing hindi natural para sa kanila. Ang noo’y para sa lahat, ngayon para na lang sa iilan. Lumabas na ang pagiging hangal, pagiging gahaman sa kapangyarihan, at higit sa lahat mayroon ng nagsisimulang magtaksil sa kanilang sinumpaang tungkulin. Nagkakaroon na rin ng inggit at kumpitisyon sa pagitan ng mga hayop na kung noon ay iisa ngunit ngayong marami ng nalaman ay nagkakawatak-watak na. Naalala ko ang Pilipinas sa mga pangyayari kung saan matapos natin makalaya na matagal na panahong walang sawang pananakop ng mga dayuhan, ngayon ay pilit namang kumakawala sa diktatoryang pinuno na kapwa Pilpino. Hindi natin namamalayan na sinasakal na tayo ng mga walang pusong namumuno. Naalala ko ang mga nasayang na pinuno tulad ni Major. Unti-unting pumapatak ang aking luha sa sinapit ng mga hayop. Lalo na’t unti-unti na silang nabubulag ng kagustuhang manaig sa tao. Hanggang sa kapwa hayop na rin ang kanilang maagrabyado. Nakakalungot na pati sila ay nagawang suwayin ang sariling batas na binuo. Hindi na rin nila nakikita na nililinlang sila ng kanilang kapwa at dahil dito ay may mabubuting puso ang nasasakripisyo dahil sa pagiging makasarili. Sa loob ng dalawang araw na pagbabasa ng libro, marami na akong bagay na naikonekta sa akda at sa kasalukuyan. Hindi natatapos ang ating paglaban dahil sa ating hindi pagdilat. Kumusta kaya ang ating mga raliyista? Napakikinggan pa rin kaya ang kanilang mga tinig? Kumusta kaya ang mga lumad? Kailan kaya sila makakabalik sa kanilang sariling lupa na panatag ang kanilang kalooban na hindi na muli silang aagawan? Kumusta kaya kaming mga kabataan sa hinaharap? Magiging tama ba ang aming mga desisyon para sa bayan? Ang daming tumatakbo sa isipan ko habang patuloy na nagbabasa ng akda. Patuloy tayong nabubulag ng mga pangakong laging nagpapaasa sa atin ng magandang buhay ngunit lagi tayong dinadala sa kahirapan. Sayang ang mga Boxer ng lipunan, ang mga tunay na mabuting hangarin at pangarap para sa lahat. Sayang ang kaalamang ipinagkaloob ng nasa itaas kung ito ay hindi gagamitin ng tama. Sayang ang pinaghirapan ng ating mga ninuno kung hindi magiging maayos ang ating kahihinatnan. Isa pa sa napagtanto ko ay hindi lahat ng dayuhan at kalaban. Pagkakaisa ang sagot sa lahat ng ating problema, sabi nga na walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang. Kailan kaya mabubuwag ang tatsulok na nuon palang ay kanser na sa ating lipunan. Matapos kong basahin ang 139 pahinang libro ay nagkaroon ako ng obserbasyon sa politaka ng ating bansa. Sino kaya ang mga taong nagpapakahayop na nakaluklok sa puwesto? Bakit hanggang ngayon nadito pa rin tayo’t ipinaglalaban ang karapatang noo’y dapat natatamasa na ng masa?