You are on page 1of 7

'Di Maabot ng Kawalang-Malay edgardo reyes

Tinapakan ng batang babae ang kupi at kalawanging lata ng gatas. Nangigipapal sa alikabok ang
kanyang paa’t binti. Kaypala’y may mga pitong taong gulang lamang siya.

Biglang nabaling ang kanyang tingin sa talaksan ng mga binigkis na kahoy na panggatong sa ilalim
ng hagdan ng bahay. May lumagitik doon. Parang nayapakan at nabaling tuyong sanga ng kahoy.

Umangat sa basyong lata ang kanyang paa. Lumayo siya roon ng ilang hakbang. Tumigil.
Makalawang humakbang ng paurong. Tumigil ito. Pagkatapos ay humakbang ng tatlo patungo sa
talaksan at saka pumiit at patakbong nagbalik sa lata. Muli niyang tinapakan iyon.

Hinawi ng bata ang ilang hibla ng tuwid at malagong buhok na lumaylay sa kanyang mukhang
nangingintab sa pawis. Bahagya siyang yumuko. Nagpalinga-liinga. Paikot na sinuyod na tanaw ang
kabuuan ng makipot na bakuran. Malilikot ang bilugan at maitim niyang mata.

Pasaglit-saglit, sa pag-ikot ng bata ay tumigil siya, nagpapako ng tingin sa dram ng tubig sa may
gripong labahan, sa yerong nakatabing sa naglalawa at mabahong pusalian, sa tabinging tiklis na
tapunan ng mga basurang nilalangaw, sa gilid ng eskinita sa matayog na poste ng ilaw sa labas ng
bakot na alambreng may tinik.

Kumurap-kurap ang mga mata ng bata. Patuloy na nakatuon ang kanyang tingin sa talaksan ng
kahoy. Tumaas-bumaba ang kanyang manipis na dibdib na ang kaliwang bahagi ay inihahantad ng
pilas at marusing na damit na sa laylayan ay may naglawit na himulmol.

Minsan pang umangat sa lata ang kanyang paa. Marahan siyang lumakad na palapit sa talaksan.
Patiyad. Walang kilatis.

Sandali siyang huminto sa gilid ng talaksan. Humakbang pa siya ng isa. Patingkayad na naupo sa
mamasa-masang lupa na nakakalatan ng ilang maitim na tatal. Payukong namaybay sa gilid. Tumigil
sa may dulo ng talaksan. Gumapang na pakabila. Unti-unting sumilip doon.

"Pung, Emy!" sigaw ng bata kasunod ang matinis na hagikgik. Palundag siyang tumayo at halos
magkandarapa sa pagtakbong pabalik sa lata ng gatas. Tinapakan niya iyon.

"Seyb!" At makaitlong napalundag ang bata. Nakatawa, nakatuun sa hita ang mga palad.

Susukot-sukot na lumitaw ang tinawag na Emy mula sa likod ng talaksan. Isa rin itong batang babae
na makakasing-gulang ng batang nakatapak sa lata. Nakangiti. Hantad ang mga ngiping may ilang
nang bungi. Maputi sa karaniwan. Ang bulaklaking damit ay napapalamutihan ng maplapad at pulang
laso sa tapat ng dibdib.

"Sige, Ida, ihagis mo na’ng lata," sabi ni Emy. "Ako naman ang taya."
Page 1 of 7
Dinampot ng tinawag na Ida ang lata. Akmang ihahagis sa malayo, ngunit hindi natuloy. Dahan-
dahang bumaba ang kamay niyang may hawak sa lata. Hinarap niya si Emy. Pagkuwa’y tumanaw
siya sa bahay sa kabilang bakuran. Nakukunot ang kanyang noo.

“Yoko na kaya...” sabi ni Ida.

Tinitigan ni Emy si Ida. "Bakit?"

"Hapon na, e. Baka… baka dumating na’ng nanay ko."

"Ma'no? Andito ka lang naman sa 'min"

"Oo nga... pero... m-me sakit si Obet, e. Pinababantayan sa ‘kin ng nanay. Baka magalit ‘pag... ‘pag
dumating s’ya na ‘ala ‘ko sa ‘min. tulog lang kangina si Obet, kaya... kaya ‘ko nakaalis."

"Me sakit na naman pala si Obet ‘no? ‘Di ba no’ng k’wan lang... kelan ‘yon… dinuktor s’ya, ka mo
no’n?"

"Oo nga e... ngayon sabi ng nanay ko, sabi... kelangang mapagamot daw uli dahil... dahil... ewan ko
ba..."

"Ano bang sakit ni Obet?"

"’Di ko laan, e... ang nanay ko, laan..." sumulyap si Ida sa bahay sa kabilang bakuran bago muling
tumitig kay Emy. "Sige, uwi na ‘ko. Baka gising na si Obet."

"E, ‘di... ‘di sasama na lang ‘ko sa ‘yo. Do’n na lang tayo maglaro senyo para Makita ko tuloy si Obet."

"’Di k aba hahanapin ng... ng nanay mo?"

"Ala ditong nanay ko. Nag... nag... ano ‘yon... ‘yong nagbabaraha... d’yan sa tapat?"Inginuso ni Emy
ang isang bahay sa kabilang eskinita. Katabi iyon ng iba pang mga bahay na ang pagkakahanay ay
walang kaayusan. Karamiha’y maliliit. Dikit-dikit halos, liban sa pasilyong daanan ng tao na kakikitaan
ng ilang batang nagsisipaglaro.

Page 2 of 7
"’Di ko rin laan ‘yon," sabi ni Ida. "Tena sa ‘min," yaya pa at inihagis ang latang tangan sa may bakod.

Magkasabay silang lumabas ng bakuran. Kumanan sa makitid na eskinita. Sa magkabilang gilid ng


eskinita ay may malumot na kanal, dinadaluyan ng malapit na labak na siya manding nagpapasigla
sa pagtubo ng damo sa tabi. Sa kanal na iyon nakapasanga ang agusan ng mga pusalian, labahan at
dumihan sa pook na iyon.

Sinapit nila sa kabilang bakuran ang isang barumbarong na anyong kamalig ng palay. Nakagiray sa
kaliwa. Nadirindingan ng pinagsanib-sanib na karton, lona at inunat na balde ng petrolyo. Ang atip na
kupi-kuping yero ay maraming maliliit na butas na sinuutan ng binalot na palara upang kaypala’y
huawg tagusan ng tubig kung umuulan. Sa malas, ang mga yerong iyon ay pinulot lamang sa labi ng
isang natupok na gusali.

Magkasunod na pumanhik ang dalawng bata sa barumbarong na ang hagdan ay may dalawang
baiting at yari sa tabling gato at putok-putok.

Sa itaas, sa sahig na pinagsalit na kawayan at tabling may iba’t ibang kapal at lapad, ay may
nakalatag na banig. Nangagtikwas ang himaymay sa malaking butas. Gahi ang gilid. May batang
nakahiga nang patagilid. Natatakpan ang nakabaluktot na katawan ng tagni-tagning kumot na bahid-
bahid sa dumi.

Ulo lamang ng batang lalaki ang nakalitaw. Nakapikit ito. Mahaba ang gulong buhok. Maputla ang
marak na pisngi. Bata ng mga dalawang taon sa mga dumating.

Tumalungko ang dalawang batang babae sa may ulunan ng nakahiga.

"Tulog pa si Obet," anas ni Emy.

"Oo nga," tungon ni Ida sabay salat sa noo ng batang lalaki. "M-mainit s’ya. Saka, me pawis."

"Me sakit nga ‘yan piho."

"Tena sa me hagdan. Do’n tayo mag-usap para ‘di magising si Obet. Naaawa ako d’yan ‘pag gising,
e... Panay ang hingal. Talaga po..."

Tumayo sila. Nagtungo sa hagdanan. Magkatabing naupo sa ikalawang baitang.

"Ba’t... ba’t ‘di pa n’yo pinagagamot si Obet?" tanong ni Emy.

"Ala kaming pera, e... sabi ng nanay."

"O, e, ba’t kangina'y 'malis ang nanay mo, nakita ko... ang ganda-ganda ng suot. Siguro mahal 'yon,
'no?"

"Ewan."

"Ba’t ewan?"

Page 3 of 7
"’Di ko laan, e."

"Ba’t ‘di mo laan?"

"Kasi... kasi, uwi lang n’ya yon no’ong minsang ‘malis siya. Sabi ko nga, Nay, bi... binili mo? Sabi
niya... sabi niya... ewan. ‘Di ko maisip ang sabi n’ya e."

Sandal silang natahimik. Nakapukol ang tanaw ni Ida sa dako pa roon ng eskinita. Nagsisimula ng
lumatag ang dilim.

"Ang tagal-tagal ng nanay," sabi ni Ida. "Baka magising na si Obet. Hahanapin s’ya."

"Sa’n ba nagpunta ang nanay mo?"

"Ewan. Sa dati siguro."

"Sa’n dati?"

"Sa... k’wan..." Napakamot sa ulo si Ida. "Kasi... kasi... no’n bang unang magkasakit si Obet... 'malis
ang nanay ko. Nang magbalik s’ya no’n, mi pera na. Ang dami-dami po. Talaga. Na ‘pagamot nga si
Obet. Siguro, d’on uli s’ya nagpunta. Ewan..."

Muli silang natahimik. Nakatanaw pa rin sa malayo si Ida.

Kinamut-kamot niya ang kanang tuhod. May nahilod doong butyl-butil na libag.

"Alam mo," sabi ni Emy, "kangina, nasa tindahan ako ni Aling Bebang... dyan sa kanto."

"O?"

"Pinapag-usapan nila’ng nanay mo. Kasi, nakita rin nila nang duma’n do’n ang nanay mo e."

Binalingan ni Ida ang katabi. Kumurap-kurap siya.

"Sabi ni Aling Bebang, ‘yong... kaya raw... kaya raw gano’n ang nanay mo e dahil ‘ala kang tatay. Ba’t
nga ‘ala kang tatay, ha Ida?"

"Alin? A, meron po."

"Asan na s'ya?"

"K’wan... sabi ng nanay ko, patay na raw."

"Patay?"

"Oo, pero, kung ‘di patay ang tatay ko, sabi ng nanay, palaging ang dami-dami raw naming pera.
Kaso, patay na s’ya e."

Page 4 of 7
"Sana, hindi patay ang tatay mo."

"Sana nga." Yumuko si Ida. Pinalis ang mga libag na nahilod sa tuhod.

"Alam mo, sabi ng nanay ko, sabi, no’n daw buhay ang tatay ko, pulis daw. Matapang siya... talaga...
kala mo. Saka, ‘ala pa raw kami rito no’n. Sa... sa malayo kami nakatira."

Natahimik na naman sila. Maya-maya’y tumayo si Emy.

"Gabi na," sabi ni Emy. "Uwi na ‘ko. Kakain na siguro kami. Nagugutom na ‘ko e."

Natutop ni Ida ang sikmura. "Ako rin... ako rin... gutom na, e."

"’Di kumain ka na."

"Ala kaming kanin e... Kanginang ‘maga nga... pinautang lang ako ng nanay ng pandesal ni Aling
Bebang. Tatlo. Tag-iisa kami... saka... saka... kanginang tanghali ano ‘yon... ‘yong k’wan, lugaw. ‘Yon
ang kinain namin. ‘Alang ulam. Sabi ng nanay, ‘pag... ‘pag lugaw daw, talagang ‘alang ulam. Gano’n
din ba kayo?"

"Ewan. ‘Di pa naglulugaw ang nanay ko e. Sige, uwi na ‘ko. Bukas, punt aka uli sa ‘min. Taguan uli
tayo."

Tumango si Ida.

Pagkaalis ni Emy ay kinuha ni Ida ang ilawang de-gas sa kalanan. Kinapa niya ang posporo...
nakuha niya iyon sa gilid ng nakataob na kaserola.

Ipinatong niya ang ilawan sa lumang baul sa kalapit lamang ni Obet. Sinindihan. Ang dilim na
laganap sa loob ay tila pinunit ng ningas ng ilawan.

Inilapag ni Ida ang posporo sa tabi ng ilawan. Bumalik siya sa hagdanan. Naupo sa baiting. Itinukod
niya ang mga siko sa dalawang tuhod. Sinapo ng mga palad ang baba. Tumanaw siya sa eskinitang
natatanglawan ng putul-putol na liwanag na nagbubuhat sa mga bukas na durungawan ng mga
bahay doon.

Maya-maya’y nanghaba ang leeg ni Ida. Isang babae ang dumarating. May hawak na supot.
Lumitaw-mawala ang babae sa dilim at liwanag ng eskinita. Pasagsag ang paglakad nito.

Patalong nanaog si Ida. Patakbong sumalubong sa dumarating.

"Nay!" Malayo pa ang babae'y hiyaw nan i Ida. Nagkakatapi-tapilok siya sa mabatong eskinita.

Huminto ng pagtakbo si Ida nang malapit sa babae. Yumakap siya sa hita nito.

"Si Obet?" tanong ng babae kay Ida.

"Tulog pa ‘ata. Hinipo ko s’ya kangina... mainit siya ‘nay."

Page 5 of 7
Nagpatuloy sa paglakad ang babae. Higit na mabilis ang kanyang hakbang. Patakbo nang sumunod
si Ida. Sapo niya ng mga palad ang ilalim ng supot na hawak ng ina, hanggang sa tuluyang bitiwan
nito iyon at malipat sa kanyang kamay.

Mabilis silang pumanhik. Pagsapit sa itaas, ang babae ay lumpait kay Obet. Paluhod na naupo sa
may ulunan ng batang lalaki. Hinaplos ng babae ang noo ng maysakit. Inayos ang kumot nito.

Sumalampak si Ida sa tabi ng ina. Ibinuka niya ang labi ng supot. Iniuho ang laman sa sahig:
dalawang maliliit na kahon, ilang mansanas, may tuyong isda at isang balutang ang labas ay
mamamasa-masa sa mantika.

Kinuha ng babae ang dalawang maliit na kahon.

"Ano ‘yan ha, ‘nay?" tanong ni Ida.

"Gamot ni Obet. Mapainom siya pagkagising. Bukas na natin siya itawag ng doktor."

"E... e, 'to naman, 'no 'to?" tukoy ni Ida sa balutan.

"Pansit. Iyan ang sa iyo. Masama kay Obet iyan. Mansanas ang sa kanya. Maipaglugaw na lang siya
mamaya at maipag-ihaw ng tuyo."

Kinalag ni Ida ang tali ng balutan. Binulatlat. Lumitaw ang lamang pansit na may dalawang hiwang
kalamansi sa ibabaw.

Makailang napalunok si Ida. Nanginginig ang kanyang kamay nang dumampot siya ng pansit at
sumubo. Namuwalan siya. Pahigop niyang nilulon ang ilang naglawit na miki at bihon. Abut-abot ang
kanyang pangunugya, pagsubo.

Nag-angat ng mukha si Ida. Sumulyap sa ina. Tumango, ngunit saglit lamang. Muli siyang nag-angat
ng mukha at tumingin sa ina. Ang haplit niyang pagnguya ay unti-unting dumalang hanggang sa
tuluyang mapakat ang kanyang bibig.

Ang babae ay nakatitig din kay Ida. Kumurap-kurap ang mga mata. May kumislap doon.
Nagsipaglandas sa gilid ng ilong. Dumaan sa sulok ng mapulang labi. Nagtagpo sa ilalim ng baba.
Nagsamang gumuhit na pababa sa leeg.

"Ba't... b-ba't ho, "nay?" tanong ni Ida.

Hindi umimik ang tinanong. Pinisil nito ang baba ni Ida. Inilipat ang kamay sa ulo ng batang babae.
Ginulo ang buhok nito bago binalingan si Obet. Hinaplus-haplos ang noo ng nakahiga.

Dahan-dahang napayuko si Ida. Ipinagpatuloy niya ang pagkain sa pansit. Sa simula'y madalang ang
pagnguya. Pabilis nang pabilis.

Hindi naubos ni Ida ang pansit. Mahigit na kalahati ang natira.

"Sa 'yo na 'to, 'nay," alok ni Ida.

Umiling ang babae. "Ubusin mo na. K-kumain na ako sa labas... kangina... bago ako umuwi."
Page 6 of 7
"B-busog na 'ko e," sabi ni Ida habang hinihimas ang tiyan.

"Mapapanis lang 'yan."

"’Nay," tawag ni Ida at kinalabit sa bisig ang ina. "Dadal'an ko ng konti nito si Emy. Sinamahan
naman n’ya ‘ko kangina dito e. Ha, 'nay ha?"

"Sige," sang-ayon ng babae. "Dalhin mo lang. Gabi na."

Namilog ang mga mata ni Ida. Nakangiti siya habang binabalot sa dahong may kasusong papel ang
kalahati sa natirang pansit.

"M-magugulat si... si Emy," sabi ni Ida.

"Kala siguro niya, ‘di tayo... ‘di tayo... nagkakaroon ng pansit! K-kala siguro n’ya panay lu... lugaw ang
kinakain natin!"

Pagkabalot ng pansit ay nagmamadaling nanaog si Ida. Patakbo niyang tunalunton ang makitid na
eskinita. Nagkatisud-tisod siya sa nag-usling bato hanggang sa tuluyang marapa. Sumambulat ang
pansit. Humagis na pakalat hanggang sa makutim na labak sa kanal.

Page 7 of 7

You might also like