You are on page 1of 5

Sulo Article

To: FE
From: Debbie Anne L. Salvamante
Book Review: “Buwan, buwan hulugan mo ako ng sundang Dalawang Dekada ng Maiikling Kwento” ni Lualhati Bautista
2nd Draft

Pagsilip sa Lipunang Pilipino

“Ang pagsusulat ay aktuwal na pagsasatinig ng mga kwentong binuo sa isip at dinama ng puso
ng isang manunulat. Nagsusulat ang manunulat dahil may gusto siyang sabihin, at anuman ang gusto
niyang sabihin ay bagay na inisip na muna niyang mabuti. Dinadama muna niya ang damdamin ng
kanyang mga tauhan, sinasala, sinusuri, tinitiyak.” --- Lualhati Bautista
Minsan na ring naisip ng mga kilalang manunulat na tulad ni Lualhati Bautista ang takot. Takot na
magamit na ng ibang manunulat ang mga ideyang sumibol din sa kanyang isipan. Ngunit sa
pagkakataong ito, matagumpay na naipagsama-sama ni Lualhati Bautista sa antolohiyang “Buwan,
buwan hulugan mo ako ng sundang Dalawang Dekada ng Maiikling Kwento” ang mga piling gawa na
naisulat sa buong panahon niya bilang manunulat, bago siya tuluyang nahatak ng nobela, telebisyon, at
iba pang linya ng pagsusulat.
Mapapansing sa unang bahagi ng libro, umiikot lamang ang mga istorya tungkol sa pag-ibig,
ngunit habang papasok ang dekada ’70, nagsimula ng magsulat si Lualhati Bautista ng may kinalaman sa
kalagayang panlipunan. Nagkaroon ng transisyon sa mga isyung nakapaloob sa kanyang mga akda. Iba’t
ibang isyung sumasalamin sa kalagayan ng mga ordinaryong mamamayan sa lipunan.

Pagkakabuklod ng Pamilya
Sa “Apat na Kwento ng Pag-ibig”, masasalamin ang pagiging masayahin ng pamilyang Pilipino.
Mapapansing sa kabila ng kabiguan sa buhay, nakukuha pa nilang maging maligaya. Ang pagiging buo
ng pamilya at pagkakaroon ng matibay na relasyon ng bawat isa, ang siyang nagiging dahilan kung bakit
mas matibay ang pundasyon ng pamilyang Pilipino.
Sa isang kwentong nakapaloob sa aklat, ang “Katugon ng Damdamin”, lumutang ang naisin ng
mag-asawang Helen at Vic na magkaroon ng isang anak. Nasira ang pangarap nilang makapagtatag ng
isang pamilya, at maging mabuting ina at ama. Matatag na tinanggap ito ni Helen at siya pang nagmulat
sa asawa nitong si Vic sa kanilang sitwasyon. Dahil dito, napagpasyahan nilang kupkupin ang batang
kalye upang magkaroon sila ng katuwang sa buhay. Sa akdang ito, makikita ang kagustuhan ng mga
mag-asawa na magkaroon ng anak. Gagawin nila ang lahat upang mapalaki ang mga ito ng mabuti.
Sa mga pagkukulang na nagagawa ng anak, tulad ng kwentong “Papasko kay Aling Andang”,
patuloy pa ring bukas ang isipan ng isang ina na may pag-asa pa ring magbago ang kanyang anak.
Hanggang sa huling kabanata ng kanilang buhay, sadyang hindi pa rin kumukupas ang pagmamahal nila
sa kanilang anak. Nakatutuwang isipin na likas na sa kababaihan ang pagiging butihing ina. Isang ina na
nagbibigay ngunit hindi humihingi. Nakikinig ngunit hindi nanunumbat.
Naipamalas din dito ang pagmamahal ng anak na si Ricky kay Aling Andang. Kahit na
nakakulong si Ricky, pilit niyang ginawa ang lahat upang dalawin ang kanyang ina sa araw ng Pasko.
Inilihim nito ang katotohanang siya’y nakakulong at sinabi na lamang sa ina na siya ay nagnenegosyo. Sa
akdang ito, makikita ang pagmamahal ng anak sa kanyang ina. Pinilit niyang ilihim ang lahat upang hindi
mabigyan ng sama ng loob ang inang may katandaaan na. Napapanahon ang isyung ito lalo na sa mga
kabataang naliligaw ng landas. Dahil sa pagkalulong nila sa mga bisyo, nalalayo na sila sa kanilang mga
magulang. Ngunit sa huli, ang magulang pa rin ang tangi nilang malalapitan sa oras ng kagipitan.
Isa ding kwento ng relasyon ng anak sa magulang ang tinatalakay sa “Ang mga Anak ni Mang
Gusting”. Dahil sa may katandaan na si Mang Gusting, ang mga anak na nitong sina Fely at Letty ang
siyang nag-aalaga dito. Ngunit pinagtatalunan ng magkapatid na ito kung saan nga ba ititira ang matanda
dahil para sa kanila, isa na lamang pabigat sa buhay ang kanilang ama. Ang pagmamahal na dati’y
iniukol nila sa ama ay natabunan ng konsomisyong idinudulot nito sa kanila. Ngunit sa huli, napagtanto
din ng magkapatid ang halaga ng kanilang ama dahil sa ito ang nagpalaki sa kanila at panahon na upang
sila namang mga anak ni Mang Gusting, ang siyang dapat na mag-alaga dito.
Sa kwentong “Alkansiya ni Tonyo”, mapapansing dahil sa pagmamahal ni Taleng sa kanyang
anak, nais nitong ito’y magkaroon ng magandang buhay kaya naman napagpasyahan ni Taleng na
ipaampon ang sariling anak. Kung susuriin, ito’y isang maling paraan upang maitakas ang anak sa
kahirapan ng buhay, ngunit dahil sa kahirapang dinanas ng ina, malaki ang takot niyang maranas ito ng
anak. Kaya naman, tuluyan nitong pinaampon ang bata, labag man ito sa kanyang kalooban.
Pinapakita rin sa akdang ito ang pagmamahal ni Tonyo sa kanyang asawang si Taleng. Sa
pagmamahal nito, nagawang mag-ipon ni Tonyo ng pera upang makita ni Taleng ang pinaampon niyang
anak sa Maynila. Kahit na pinayagan ni Tonyo si Taleng na lumuwas ng Maynila upang hanapin ang
kanyang anak, naisip naman ni Taleng ang kalagayan ni Tonyo. May katandaaan na si Tonyo at maaaring
kakaunting panahon na lamang ang mailalagi niya sa mundong ito. Kaya naman pinili ni Taleng na
manatili sa kanilang tirahan kasama si Tonyo. Mapapansin sa akdang ito ang pagmamahalan ng mag-
asawa lalo na kung batid ng mga ito na kaunting panahon na lamang ang nalalabi sa kanilang buhay.

Pag-ibig sa Tinubuang Pilipino


Ang “Isang Panama ng Digmaan” ay ang siyang nagpamalas ng likas na kabutihan ng isang
babae. Sa mga pangyayaring niloko ni Ben ang asawang si Linda at ang pagkakaroon ng anak sa iba,
nagawa pa ring tanggapin ni Linda ang anak ni Ben at Su-Li na si Benjie. Pumaimbabaw pa rin ang awa
at ang pagmamalasakit ni Linda sa kabila ng katotohanang ang sanggol na si Benjie na inaalagaan niya
ay ang bunga ng pagmamahalan ng asawa niya at ni Su-Li. Maihahalintulad ito sa kasalukuyang
panahon kung saan ang ibang mag-asawa ay naghihiwalay at madalas na tinatalikuran ng lalaki ang
babae upang maghanap ng ibang makapagdudulot sa kanya ng kaligayahan, kasabay ng pagtalikod nito
sa kanyang responsibilidad bilang isang ama. Madalas itong nararanasan ng mga kababaihan sa ngayon,
na nagiging dahilan upang lalong magpakatatag at maipakita sa mga anak nito ang kasiyahan ng buhay
sa kabila ng pait na nararanasan ng ina.
Ngunit bukod sa pagkakaroon ng isyu sa third party, lumitaw rin dito ang isyu ng nasyonalismo.
Dahil sa nasyonalismo, nagawa ni Ben na sumama sa batalyon ng Philcag, isa sa mga grupo ng ga
inhinyerong ipinadala ng Pilipinas sa Vietnam. Kahit na ang pagpunta ni Ben sa digmaan sa Vietnam ay
tinutulan ni Linda, nagpatuloy pa rin ito hindi dahil sa doble ang kikitain niya roon, ngunit dahil sa
kagustuhan nitong makatulong sa bayan.
Marami ang nakararanas ng parehong sitwasyon na nakapaloob sa akda. Katulad ni Linda,
naiisip din ng iba kung bakit kailangan pang magpatayan ang mga tao dahil sa iba-ibang layunin at ilayo
ang isang mahal sa kapwa mahal? Dito pumapasok ang nasyonalismo kung saan isinasakripisyo ng ilan,
lalo na ng mga sundalo, ang kanilang buhay, kapalit ng kaligtasan ng nakararami.
Nasyonalismo rin ang isyung nakapaloob sa akdang “Ang Paraiso ng mga Anak ni Lolo Ipe”.
Mistulang isang paraiso ang tingin ng mga anak ni Lolo Ipe sa bansang Amerika. Bawat isa sa kanila’y
pinagarap na manirahan roon. Ngunit kabaligtaran ito sa pananaw ni Lolo Ipe. Dahil na rin sa isa itong
mangingisda, ang tirahan niya sa may dalampasigan at ang pangingisda ang siyang nagbibigay-saya sa
kanya. Hindi sumagi sa isipan niya ang manirahan sa Amerika at mas pipiliin na lamang niyang
malagutan ng hininga sa kanyang bayang sinilangan. Labag man sa kalooban nito, nanirahan siya sa
Amerika dahil sa kagustuhan ng kanyang mga anak. Dahil sa labis na kalungkutan, nangayayat ito at
namatay. Nakita rin sa mga gamit ni Lolo Ipe, ang mga inipon nitong dolyar upang ipantustos sa
pamasahe nito pabalik ng Pilipinas. Sa huli, iniuwi ang bangkay ni Lolo Ipe sa Pilipinas at itinabi ito sa labi
ng asawa.
Mapapansin dito ang pagmamahal ng matanda sa kanyang bayan. Hindi nito pinangarap na
makatuntong sa ibang bansa dahil sa kuntento na ito sa simpleng pamumuhay sa sariling bansa. Marami
sa mga Pilipino ngayon ang lumilipad patungong ibang bansa upang magkaroon ng mas magandang
buhay. Matapos mag-aral sa Pilipinas, sa ibang bansa sila naghahanapbuhay dahil sa mas mataas na
sweldong kikitain.

Pagkamit ng Hustisya
Sa kwentong “Gatas”, naipakita ang kahirapan ni Emily sa pagtustos ng pangangailangan ng
kanyang mga anak, ang gatas para sa kanyang bagong-silang na sanggol, at ang mga gamot na
kailangan ng kanyang asawa dahil sa sakit nito. Napagpasyahan nito na makipagrelasyon sa iba upang
mapunan lamang ang mga pangangailangan nila. Napag-isipan nito na makipag-one night stand ngunit
hindi naman ito natuloy.
Sa akdang ito, nasasalamin ang mga pangyayaring nagtutulak sa ilang kababaihan upang ibenta
ang kanilang dignidad. Minsan sa hirap na dinaranas ng mga babae, tuluyan silang napipilitang gawin
ang mga bagay upang mapadali ang problema. Dahil sa wala na silang ibang masandalan, tuluyan silang
lumulubog sa putikan at hindi na makahanap ng paraan upang makabangong muli.
Sa akdang “Mang Senyong”, pag-ibig ng ama sa anak ang paksang nakapaloob dito. Namatay
ang anak ni Mang Senyong na si Junior sa hindi malamang kadahilanan. Ang tanging nalalaman lang nila
ay ang pagkakaroon ni Junior ng epilepsy kaya naman naghanap si Mang Senyong ng mas malinaw na
kasagutan. Pinilit niyang magkaroon ng hustisya ang pagkamatay ng kanyang anak. Maraming
nagaganap na isyu ng kawalang hustisya sa bansa. Ang mga ordinaryong mamamayan ang nagiging
biktima sa pananamantalang ito. Dahil sa walang kapangyarihan at sapat na salapi ang mga katulad ni
Mang Senyong, hindi nila nakakamit ang hustisya.
Nakapokus sa akdang “Iiyak ka Pa Ba?” ang isyu sa prostitusyon. Sa unang bahagi ng kwento,
ginahasa si Virginia Salve at naghain siya ng demanda sa hukuman. Natalo siya sa kaso dahil sa
naungakat ang pagiging isa nitong kabit. Dahil dito, nawalan siya ng pantustos sa kanyang mga
pangangailangan at sa huli’y pinili na lamang niyang maging isang prostitute. Kawalang hustisya rin ang
isyu sa akdang ito. Natalo siya sa kaso dahil na rin sa makapangyarihan ang mga Valdemor.
Ipinakita ang pagiging mahina ng tauhan sa akdang “Tatlong Kwento ng Buhay ni Julian
Candelabra”. Hindi nagawang kontrolin ni Julian ang sarili kaya naman siya napapahamak. Hindi niya
napigilang mangupit ng pera sa kapitbahay niya, hindi nito nakontrol ang sarili kaya may nangyari sa
kanila ni Aling Connie, at hindi rin nito napigilan ang sarili sa pagpuslit ng pagkain sa pinagtatrabahuan
niya kaya naman napaalis siya sa trabaho. Ngunit, dahil sa labis na pagkagalit, napatay niya ang
kanyang amo. Hanggang sa hukuman, ang tanging naidahilan na lamang nito ay hindi niya napigilan ang
kanyang sarili. Makikita sa akda na dahil sa pagkawala ng kontrol ng tao sa sarili, tuluyan silang
nalalagay sa panganib.
Samanatalang sa akdang “Buwan, Buwan Hulugan Mo Ako ng Sundang”, nabaliw ang tauhan na
si Angela Miguel dahil sa ito ay nagahasa. Ang asawa niyang si Onofre na lamang ang nag-alaga sa anak
nitong si Aliw at napagpasyahan niyang dalhin ito sa ampunan. Nang makalabas si Angela sa mental
hospital at nalaman na pimaampon na si Aliw, pinuntahan nito si Onofre. Sa galit nito, binaril niya si
Onofre at ito’y namatay. Ibinalik naman sa mental hospital si Angela dahil sa pangyayaring iyon. Sa
panahon ngayon, napakarami ang krimeng nagaganap dahil na rin sa labis na pasakit na nararamdaman
ng mga tao. Hindi na nila naiisip ang kanilang ginagawa kaya naman ito’y nagdudulot ng kapahamakan.
Dumarami na rin ang bilang ng mga nawawala sa katinuan dahil sa hindi na nila nakokontrol ang kanilang
emosyon.

Pagsusuri sa Kalagayan ng Lipunan


Sa kabuuan, ang librong ““Buwan, buwan hulugan mo ako ng sundang Dalawang Dekada ng
Maiikling Kwento” ni Lualhati Bautista ay ganap na sumasalamin sa iba’t ibang kalagayang panlipunan.
Sa paggamit ng mga tauhan, naipakita ang iba’t ibang karakter ng mga tao sa lipunan lalo na ang mga
ordinaryong tao na siyang bumubuo sa malaking bahagi ng bansa. Ang pagsulat ni Lualhati Bautista ng
mga kwentong may kinalaman sa pamilya ay nagpapakita ng mga pangyayaring hinaharap ngayon ng
mga mag-asawa, magkapatid, mag-ama, at mag-ina. Malinaw na naipadama ang kahalagahan ng
pagkakaroon ng matatag na pamilya.
Bukod dito, ang mga akdang may kinalaman sa nasyonalismo ang nagpapaalala sa mambabasa
kung ano ang sakripisyong ginagawa ng ibang tao para sa pag-ibig sa bayan. Naipapakita kung paano
pinahahalagahan ng ilan ang bayang pilit namang itinatakwil ng iba. Makikita rin ang paghihirap na
nararanasan ng mga tao upang matulungan ang nakararami.
Dagdag pa rito ay ang realidad ng buhay na naipakita sa mga akda. Iba’t ibang kabiguan ang
nararanasan ng mga tao dahil sa mga pananamantala ng mga mas nakatataas sa kanila. Dito makikita
ang mga dahilan kung bakit lalong nalulugmok ang mga biktima ng pananamantala.
Iba’t ibang uri ng tao, iba’t ibang kalagayan sa lipunan, iba’t ibang istorya ng buhay ang
sumasalamin sa mga akda. Ang librong “Buwan, buwan hulugan mo ako ng sundang Dalawang Dekada
ng Maiikling Kwento” ni Lualhati Bautista ay isang epektibong pagsusulat at pagsasatinig ng mga tauhan
sa lipunang ating ginagalawan.

You might also like