You are on page 1of 10

HIBIK NG PILIPINAS SA INANG ESPANYA HERMINIGILDO FLORES Inang mapag-ampon, Espanyang marilag, nasan ang iyong pagtingin sa anak?

akong iyong bunsong abang Pilipinas tingnit sa dalitay di na makaiwas! Ang mga anak kong sa iyoy gumigiliw, Sa pagmamalasakit ng dahil sa akin; Ngayoy inuusig at di pagitawin Ng mga Prayleng kaaway mong lihim. Sa bawat nasamong kagalinggalingan, Ayaw ng Prayleng akoy makinabang, Sa mga anak koy ang ibig nga lamang Isipay bulagin, ang bibig ay takpan. Nang di maisigaw ang santong matuwid Na laban sa madla nilang ninanais Palibhasa wala silang iniisip Kundi ang yumaman at magdaya ng dibdib. Kaya ngat kahimat malaban sa utos Ng KonsilyotRegla nilang sinusunod Yuyurakang lahat kapag mabubusog Ang uhaw sa yaman nilang mga loob. Sa pagpapalago ng kanilang yaman Benditat bendisyon lamang ang puhunan

Indulehensiyat sampu ng iba pang bagay Na mga sagrado naman ang kalakal. Sapagkat anumang bilhin sa kanila, Kaya namamahal, dahil sa bendita, Kahit anong gawin pag may halong kanta Ay higit sa pagod ang hihinging upa. Ito ang dahilan kaya di ihayag Nila ang aransel sa kurang sinulat Niyong Arsobispong banal at marilag Na si D. Basilio Sancho ang pamagat. Ano pa ngat silay walang ninanasa Kundi ang yumamang lubos at magdaya Sa mga anak kot sabugan ng sama Ang balang tuntungan nilang mga lupa. Ibig ng simbahat kumbentong marikit Organot kampana, aranyang nagsabit Damasot iba pa, datapwat sa pawis Ng bayan kukunin, mahirap mang kahit. Ang lahat ng iyay kapag nawari na Sa magandang puso at gasta ng iba; Di rin gagamitin kahimat sa fiesta Kung ang bayay hindi magbigay ng kuwalta Ani sa asyendat kita sa simbahan Sa minsang mapasok sa mga sisidlan Ng mga kumbentoy di na malilibaw Kaya naghihirap, balang masakupan.

Ang duloy marami sa mga anak mo Ang di makabayad sa mga impuwesto Sa gayoy tataas ng mga rekargo Pagkat kailangan naman ng estado. Sa bagay na iyan, ang mga mahihirap Na walang pagkunan ng dapat ibayad, Sa takot sa sibil, aalis ngang agad, Iiwan ang bayat tutunguhiy gubat. Dito pipigain naman ang maiwan, Na di makalayo sa loob ng bayan, Siyang pipiliting magbayad ng utang Kahimat wala ng sukat na pagkunan. Maghanapbuhay may anong makikita Wala ng salapi, ibayad ang iba Pagkat naubos nang hititin ng kura Sa pamamagitan ng fiestat iba pa. Sa limit ng fiestat mga kasayahan Ay walang ginhawang mapala ang bayan Kundi ang maubos ang pinagsikapang Sa buhay ng taoy lalong kailangan. Ang kapalaluang paggugol ng pilak Nang dahil sa fiesta, ay di nag-aakyat Sa langit kundi ang santong pagliyag Ng puso ang siya lamang hinahanap Niyong ating amang hindi madadaya Sa inam ng fiesta, at laki ng handa, Sapagkat ang ating gawang masasama Ay di mangyayaring bayran ng tuwa.

Ngunit ang prayleng walang hinahangad Kundi magpalalot ang bayaymaghirap. Pagkat sa kanilay wala nang mainam Paris ng fiestat dayain ng bayan Upandin ang kuwaltat na pinaghirapan Ng mga anak koy kanilang makamtan. Ang pangako nila sa mga anak ko Ay magbigay lamang sa mga kumbento Ng kuwaltay sa langit naman patutungo At ligtas sa madlang panganib sa mundo. Sa gayong pangakoy sino baga kaya Ang di mabighaning sumunod sa daya Ng mgaPrayle, bakit ang akala Ng mga anak koy banal na mistula. Saka sasabihing ang kanilang aral Ay utos ni Kristong dapat na igalang Bagay hindi gayot kauna-unahang Lumalabag sila sa Poong Maykapal. Sa harap ng altar, sa loob ng templo Kahiman at hawak yaong santisimo Minumura nila kung minsan ang tao Iyan ang pagsunod sa Poong kay Kristo!

At saka madalas silay mananampal Kahimat sa loob ng mga simbahan, Anaki ay hindi nila nalalamang Ang loob ng temploy dapat na igalang. Iyan ang pagsunod sa utos ng Diyos Iyan ang kanilang kababaang loob! Iyan nga ang kawang gawat paglilimos Ng mga Prayleng sa yaman ay bantog. Sa gayong ugali ang di makabata Ay pinahuhulit bibigyan ng sala Kung saka sakalit hindi makakaya Namay lilihaping papatayin sila. Tingnat sa kaliwang kamay nababakas SAGOT NG ESPANYA SA HIBIK NG PILIPINAS MARCELO H. DEL PILAR Puso koy nahambal ng aking marinig bunso, ang taghoy mot mapighating hibik, wala ka, anak kong, sariling hinagpis na hindi karamay ang in among ibig. Wala kang dalita, walang sa kahirapan na tinitiis kang di ko dinaramdam: ang buhay moy bunga niring pagmamahal, ang kadustaan moy aking kadustaan.

Pagsilang mo, bunso, sa sangmaliwanag nang panahong akoy di pa nagsasalat walang inadhika ang in among liyag kundi puspusin ka ng ginhawat galak. Sa awa ng langit ikaw ay sagana ng sukat iyamang malalagong lupa, lahat ng pananim wala mang alaga sa kaparangan moy tumutubong kusa. Ang tabakot kape, palay, tinat bulak abaka at tuboy kailangang lahat, sa mga lupa moy tantong naggugubat itong sa sangmundoy hirap mahagilap. Sarisaring kalap na sakdal ng tibay sakdal ng la-laki sa dikit ay sakdal; hindi makikita sa sangdaigdigan, ngunit sa budok moy nangagkalat lamang. Ang asupret tingga, ang tanso at bakal ang ginto at pilak ay nangahuhukay sa mga lupa mot sa dagatan namay sarisaring perlas ang matatagpuan. Tantong naliligid ang mga lupa mo ng dagat ng Chinat dagat Pacifico balang mangangalakal sa buong sangmundo pawang naakit dumalaw sa iyo.

Talaga nga manding ikaw ang hantungan ng sa ibang nasyong sinimpang puhunan; ikaw ngat di iba dapat makinabang nang yaman sa iyoy gawad ng Maykapal. Sa gayoy kailangan mata moy mamulat isip ay gisingit nang makatalastas ng sukat asaliing ipagkakapalad sa buhay na itot nang di ka maghirap. Akong iyong inay taga-tupad bilang ng mga tadhana ng Poong Maykapal, ipinaiwi kat ang hangad ko lamang musmos na isip moy sakiting aralan. Ituro sa iyo ang utang na loob sa nagkakandiling maawaing Diyos; matuto ka namang sumambat umirog, puso mo sa kanyay huwag makalimot. At para mo na ngang pasalamat bilang, makapagtanggol ka sa kapanahunan ng aring tinamot maapamahalaan tapat na paggamit ng santong katwiran. Ang tagapagturoy pinakapili ko, hinirang sa lalong mabait na tao; akoy nabighanit umaasang totoo sa may sinumpaang mahigpit na boto.

Ang lahat ng prayle ay may sinumpaan sa harap ng Diyos, na anakiy tunay, na ito raw mundoy kusang tatalikdan, kusang tumatangi sa lahat ng yaman. Saan di nga baga, bunsong ginigiliw; prayle ang siyang aking hihirangin na tagapag-iwi blang taga-tingin sa iyot nang di ka baga pagliluhin. Mahigit na ngayon tatlong daan taon na iniiwi kang prayle ang may kandong; katiwala akong sa gayong panahon ang isip mot yaman namay yumayabong. Katiwala akong nagpapanuto ka sa landas ng iyong sukat iginhawa; katiwala akong dangal mot ligaya ngayoy tinatanghal na walang balisa. Tatlong sacerdote ang ipinabitay, bukod sa maraming pinahihirapan, at dili umanoy nakapipigil daw ng iyong ligaya, bunsong minamahal. Hindi ko ininot ang buo kong asa ay pagmamasakit ang ginawa nila, sa pagkabuhay mot hindi ko napunang magdarayang udyok ng masamang pita. Sa abang-aba kot laking kamalian!

laking pagkasawi! laking kadustahan! ng ipagpabaya sa kapahamakan, ang dapat mahaling usbong niring buhay. Ngayon ko nga lamang, bunso, natalastas na ang nangaaba at kinulang palad ay pawing mabait, pawing nagsisikap dangal tat katwiray igalang ng lahat. Prayley napoot sa magandang nais ng sa atiy tapat kung magmalasakit ngayon ko natanto, ngayon ko nabatid ang kandili niyay bagkus panggagahis, Sa kayamanan moy sila ang sumamsam ngalan pa ng Diyos ang sinasangkalan at dinadaya kang di mo raw kakamtam ang langit kung hindi sila ang bayaran. Di ka raw titingnan ngMahal na Birhen kung di ka bumili ng sintas at kalmen; pag hindi mainam ang pagpapalibing ang harap ng Diyos, hindi sasapitin. Sa paniniwala ng mga anak mo, maraming naghirap, at nasa kombento ang kanilang yamat silay ingkilino na namumuwisan sa paring natuto. Ang lupang nilawag at pinaghirapan ng magulang nilat mga kanunuan

ngayoy asyenda nat nahulog sa kamay ng hindi nagpagod at di namuhunan. Ang laki at higpit sa pana-panahon ng pagpapabuwis ay sulung ng sulong, makasingil lamang ay di nililingon hirap ng magsaka;t pawis na ginugol. Salapi at pagod ng nagsisibuwis ay walang katumbas kung di ang maghapis, tanghaling sagana ang hindi nagpawis, maibaon sa utang at tumangis-tangis. Ang lahat ng itoy ninanais sana ng malagyang lunas ng sinta mong ina, ngunit paanhin ko, ngayoy matanda na, hapo na sa hirap akot walang kaya. Ang mga balitang Legazpit Salcedo at ibat iba pang inaasahan ko sa pagkakalinga ng tapat sa iyo, ngayon ay wala nat inulila tayo. Sa nangangatirang ngaoy nabubuhay oot may mabait, bayani at paham; ngunit sia-silay nangag-iiringan di magkasundo sa anumang pakay. Sa ibig ng isay hahadlang ang iba, sa balang kuruin ay di magkaisa walang mangyayari tungol may halaga sa gayoy paanong aasahan sila!

Kaya kailangan bunsong iniirog, matutong magtiis iayon ang loob, sa madlang dalita, kung ayaw kumilos ang mga anak mo sa pagkakatulog. Mga taga-rine, Pransuay, Alemanya at iba pang nasyon ditto sa Europa ay nangaghirap din sa prayle ng una pawang nangday, pawa ring ginaga. Kanilang nasayod lahat ng hinagpis sa paniniwalat maling pananalig, sa prayleng nagpanggap ng taong malinis na nagpakadukahat nag-anyong mabait. Bayan, palibhsang marunong mahabag, ay nahambal ngani sa nakitang hirap, ang prayley kinandong, pinuspos ng lingap, ang mga kumbentoy sumaganang lahat. Prayley hindi naman nagpapahalata daddagat dagdagan pag-aanyong aba, hindi napapansin lihim nilang banta na ang namamayay kanilang mapiga. Sapagkat ang prayley hindi kaparis nitong mga Paring itim kung manumit, ang prayle ay anak sa bundok at yungib ng mga magulang na napakagipit.

Anak sa dalagitay buong pagsasalat walang nalalamang gawaing paghahanap kaya kailangang tuyuin ang lahat upang manariwa ang sariling balat. Pag may mamatay na tila mayaman prayle ang aagap magpapakumpisal, at inuukilkil na ang pamanahan ng aring inumpok ay kumbento lamang. Hinlog, kamag-anak ay dapat limutin sa oras na iyon, siyang sasabihin, kalulwat yaman dapat na ihain sa praylet ng huwag impyernoy sapitin. Ang lahat ng itoy nadaragdagan pa ng bala-balaking panilo ng kuarta kalmen, sintas, kordon, palibing, pamisa, ay pawing pandukot sa maraming bulsa. Sa gayon nang gayoy lumaki nga naman ang ari ng praylet naghirap ang bayan; mahalinhang bigla ng kapalaluan ang binalatkayong kababaang asal. Diyan na naninghal, diyan na nang-api buong kataksilan ang pangyayari, ang bawat pinuno sa prayle ang kampi

bayay namighati sa pagkaduhagi. Ganda ng babae, ang dunong ang yaman ay nagiging sanhi ng kapahamakan, walang sumaklolong may kapangyarihan sa kualitat nayuko baras ng katwiran. Ang balang magsabi, ang balang magisip ng magpaaninaw ng santong matuwid, walang nararating kungdi ang maamis luhay patuluin hanggang sa mainis. Sapagkat ang balang mapaghinalaan na sa hangad nilay di maaasahan ay ipapahuli at pararatangan ng salang dakilat madlang kataksilan. At sa bilangguay agad kukulungin sa gutom at uhaw ay papipitiin, ang lamig ng lupay siyang babanigin ng sa kanyang bayay natutuong gumiliw. Hindi tutulutang magtamong liwanag sa araw at gabi ay kahabag-habag kung hapong-hapo na sa gayong paghirap ay paaamining siya ngay nagsukab. May ipinapangaw ang dalawang paa kamay at kataway gagapusin muna, saka tatapatan ang sakong ng baga hanggang di umamin sa paratang nila.

At kung masunod na ang kanilang nasa umamin sa sala ang lipos-dalita tali nang kasunod, parusay ilalagda sa martir ng praylet mapapanganyaya. Ang parusa nooy samsamin ang yaman Saka unti-unting alisan ng buhay; Idaraan muna sa isang simbahan Ang kinulang-palad . . . at saka sisigan. Sa gitna ng plasa ay may nakahanda na naglalalagablab na malaking siga, diyan igagatong sa harap ng madla ang sa kanyang bayay ibig kumalinga. Taghoy ng sinigan at madlang kaharap luha ng magulang, hinlog, kamaganak pagtangis ng madla ay walang katapat kundi ang sa prayleng tawa at halakhak. Yutang-yutang tao ang nanguuyam ng panahong yaon sa gayong paraan, ang payapat aliw noon ay pumanaw nalipos ng luksa libo-libong bayan. ang yaman nasamsam, buhay na nakitil ay di babahagyat nooy walng tigil,

ang sipag ng pralye sa gawaing magtaksil. magsabog ng dusa, gutom at hilahil. Ano pa ngat noon ay kulang na lamang Ang nangaulilay magpapatiwakal; Niloob ng langit, nanangagsangguinian at nangagkaisang silay magdamayan. Diyata nga kaya, ang winika nila, at wala nang lunas sa ganitong dusa? diyata nga bagat itong binabata sa inaanak natiy ipapamana pa? Huwag magkagayot yayamang namalas, na sa daang itoy nasubyang ang landas, ay hawanin nating, sakitin ng lahat, ilayo ang madla sa pagkapahamak. Lalakit, babae, matanda at bata, ngayoy manalangin, sa langit paawa, ang santong matwid sa kusang dinusta ay ibangon natit Diyos ang bahala. Kanilang nilusob ang mga kombento, prayley inusig pinutlan ng ulo, ang balang makitang prayleng nakatakbo kung hindi barilin, kanilang binato. Higanti ng bayay kakila-kilabot walang pagsiyahan ang kanilang poot,

ang mga kombentoy kanilang sinunog inuring pugad ng masamang hayop. Prayley nanglalaban, ngunit lalin kaya sa galit ng bayan ang magiging kuta! ang payapang dagat, pasiyang nagbala ay walang bayaning makasasansala Yaong bayang supil, dating mahinahon, dating mapagtiis, at mapagpasahol, inunos ng dusat malalaking alon ng paghihiganti nooy luminggatong. Walang nakapigil, walang nakasangga, palibhasay bayan ang magpaparusa ang mga pinunoy nawalan ng kaya, umayon sa bayat nang di mapag-isa. Kaya nga bunso kot magpahangga ngayon ang Prayleng lumakad sa kanilang nayon, kahit na bata ay nagsisipukol inu-using nilang parang asong ulol. Sa paraang ito, bunsong minamahal, ang dating dinustay makatighawtighaw; ang prayley lumayas, iniwan ang bayan at muling naghari ang kapayapaan. Ngunit hindi naman ako nagpapayo ang ganoong paraan bagay asalin mo,

akoy walang sukat na maisaklolo, kaya katitii, magtiis, bunso ko. Walang natimawa sa pagka-duhagi, na di namumuhunan ng pamamayani; kung hindi mo kayang prayley iwaksi magtiis ka, irog, sa palad mong imbi. Ang mga anak moy nangagugupiling, sa dusting lagay moy di nahihilahil, magdarayang hibo ng kaaway na lihim siiyang diniringig, luha moy di pansin. Diyata ay sino ang dapat mag-adya sa iyo, bunso ko, kung hindi nga sila? kung sa mga anak moy di makaaasa, walang daan, irog, kundi ang magbata. Ang araw na silay magka-isang loob at mangagkagising sa pagkakatulog; ang araw na iyan, ang araw ng Diyos bayay maniningil . . . Sino ang sasagot? Kailangan bunsong, silay mahirati sa pagmamasakit sa bayang sarili: Kay Rizal na librong pamagat ay Noli . . . huwag lilimuting ganito ang sabi: Panahoy matamis sa tinubuan bayan at pawang panglugod ang balang matanaw, ang simoy sa bukid ay panghatid buhay,

tapat ang pag-irog, subalit ang namatay. Alinsunod ditoy aling hirap kaya ang sukat indahin sa pagka-kalinga, sa sariling bayat upang matimawa, sa madlang pahirap at sumapayapa? Ang lahat mong anak, ginhawat dukha man, maging taga bukid, maging taga bayan, lalakit babae, pantas man at mangmang, santong matwid moy dapat ipatanghal. Walang iba, bunso, na dapat hiliin sila ng sa iyoy tapat na pagtingin: ang pagpapabayay pananagutan din, sa harap ng Diyos silay sisisihin. Mapanglaw na sumpa ng Poong Maykapal, sa tamad na puso ay kalumbaylumbay kayong nagpabaya sa sariling bayan, anyay dapat naming Aking pabayaan! Ilayo ng langit sa ganitong sumpa ang mga anak mo, bunsong minumutya: sa iyoy matuto ng pagkakalinga matutong umampat ng iyong pagluha. Ito na nga lamang ang maisasagot

ng salantang ina sa hibik mo, irog; sasakyan moy gipo, huwag matutulog ang mga anak mot masigwa sa laot. KATAPUSANG HIBIK NG PILIPINAS ANDRES BONIFACIO Sumikat na Ina sa sinisilangan ang araw ng poot ng Katagalugan, tatlong daang taong aming iningatan sa dagat ng dusa ng karalitaan. Walang isinuhay kaming iyong anak sa bagyong masasal ng dalita't hirap; iisa ang puso nitong Pilipinas at ikaw ay di na Ina naming lahat. Sa kapuwa Ina'y wala kang kaparis... ang layaw ng anak: dalita't pasakit; pag nagpatirapang sa iyo'y humibik, lunas na gamot mo ay kasakit-sakit. Gapusing mahigpit ang mga Tagalog, hinain sa sikad, kulata at suntok, makinahi't biting parang isang hayop; ito baga, Ina, ang iyong pag-irog? Ipabilanggo mo't sa dagat itapon; barilin, lasunin, nang kami'y malipol. Sa aming Tagalog, ito baga'y hatol Inang mahabagin, sa lahat ng kampon? Aming tinitiis hanggang sa mamatay; bangkay nang mistula'y ayaw pang tigilan, kaya kung ihulog sa mga libingan,

linsad na ang buto't lumuray ang laman. Wala nang namamana itong Pilipinas na layaw sa Ina kundi pawang hirap; tiis ay pasulong, patente'y nagkalat, rekargo't impuwesto'y nagsalasalabat. Sarisaring silo sa ami'y inisip, kasabay ng utos na tuparing pilit, may sa alumbrado---kaya kaming tikis, kahit isang ilaw ay walang masilip. Ang lupa at buhay na tinatahanan, bukid at tubigang kalawak-lawakan, at gayon din pati ng mga halaman, sa paring Kastila ay binubuwisan. Bukod pa sa rito'y ang mga iba pa, huwag nang saysayin, O Inang Espanya, sunod kaming lahat hanggang may hininga, Tagalog di'y siyang minamasama pa. Ikaw nga, O Inang pabaya't sukaban, kami'y di na iyo saan man humanggan, ihanda mo, Ina, ang paglilibingan sa mawawakawak na maraming bangkay. Sa sangmaliwanag ngayon ay sasabog ang barila't kanyong katulad ay kulog, ang sigwang masasal sa dugong aagos

ng kanilang bala na magpapamook. Di na kailangan sa iyo ng awa ng mga Tagalog, O Inang kuhila, paraiso namin ang kami'y mapuksa, langit mo naman ang kami'y madusta. Paalam na Ina, itong Pilipinas, paalam na Ina, itong nasa hirap, paalam, paalam, Inang walang habag, paalam na ngayon, katapusang tawag.

WALANG KATAPUSAN ANG HIBIK NG FILIPINAS GEN. MACARIO LEON SAKAY Kung hindi sa iyong Erehet filibusterong hibik Hindi namin narinig ang dalit Na kipkip rin sa dibdib Ng mga Katagalugan mong kapatid Tayo ngay magkapatid Kapwa nakaugat ang ating pusod Sa likaw na landasin ng Tondo. Tadtad ng mga sugat Itong nagisnan nating tahanan Sa gabi at araw, pinagnanaknak ito Ng riple ng mga Guardia Civil Ng reglamento, sedula, at espada Ng Malacaan at Royal Audiencia

At ng estampita, rosaryot sutana May nangahas sa ating mga kapatid Na itambuli ang yaring mga sakit Nagpunta pa sila sa Barcelona at Madrid, Sa ibayong dagat, Upang kay Inang Espaay umamot ng habag Nagngitngit ang panulat ng La Solidaridad Sa mga hagupit ng latigo at kura Hinubdan at sinaling ng Noli at Fili Ang bundat na mga fraile Ngunit lumawit na ang kanilang dila'y Nagtaingang-kawali lamang si Ina Kaya nang itatag mo ang Katipunan Sa agad ako sa nag-ingat ng lihim Dapitan ang siyang ginamit na bansag, Pangalang kaylan may di mabubuwag Sa pingkian ng katwiran at tapang Bangungot sa amin ang pagdalo mo Sa pugad ng mga di magkasundo Yaring gusot ng Magdiwang at Magdalo Ay siya rin palang mag-uunat Ng iyong katawan Sa hukay ng pagkakanulo Don kung tawagin si Kapitan Miong, At ang taguring itoy Naging etiketa ng kanyang

pamumuno. Samantala, anot kanilang sinino Ang talino mong itinuro ng pawis at dugo? Ang iyong pagpaslang ay nag-iwi ng hiwa Kapatid sa kapatid ang pumatid ng iyong hininga Samantala, nang maharuyo Sa ilang tagumpay ng pakikihamok, Iwinagayway ni Aguinaldo Sa kanyang balkonahe Ang dating layang nakalugmok At lukob ng bandilang dayo Ngunit kung paglaya man ito, Itoy ningning at hindi liwanag, Gaya ng habilin sa atin ni Pingkian Sa kanyang pahayag, Kasamang Supremo, Isinandig ni Aguinaldo sa Estados Unidos Ang laya nating matagal na tinuos. Tuso ang mga dayo, Kasamang Supremo Nakipagkasundo ang Espaa na sumuko sa Amerika Sa halagang $20,000,000, binili ng Amerika ang ating lupa at laya Katugunan iyon, samakatwid, Sa propesiya ni Laong-Laan sa kanyang Filipinas Dentro de Cien Aos

Agilang mula sa Kanluran Ay lumapag sa ating bandila Matapos ang moro-morong digmaan Sa Lawa ng Maynila Kung paano nangyari iyon Ay sadyang mapanloko ang mga Amerikano Nakapalibot na tayo sa Intramuros Ngunit pinigilan tayong umatake sa sentro Nang dumating ang 15,000 sundalo mula sa Estados Unidos, Saka nila sinalakay ang moog Kasamang Supremo, Itinaboy tayo ng mga Amerikano Sa pusod ng ating pagka-Pilipino. Kinubkob tayo ng mga bagong dayo Upang gawin daw tayong sibilisado Mapagkandiling pananakop Ang pangakong pagkupkop Ipinatikim nila ang mansanas Ikinuwento ang lamig ng niyebe Ngunit ang pagkukunwariy Di naitagong lihim Ginamit nila ang ating lupa, dagat, at hangin Kaya sa ika-4 ng Pebrero 1899, Hahantong sa pingkian Ang dahas at katwiran Ng dati raw magkaibigan. Tila dagang tinugis si Aguinaldo

Hanggang masukol at manikluhod Sa mga bagong mananakop Gayunman, Habang nangyayari ito, Nakikipagkasundo na ang mga ilustrado sa grupo ni Schurmann Wika nina Benito Legarda at Felipe Buencamino, Wala tayong kakayahang maging isang bansa; Kailangan natin ang patnubay ng Amerika Samantala, ang mga nanatiling lumaban Para sa kalayaan ay tinaguriang Insurecto, ladrones, at bandolero Mahigpit na ipinagbawal Ang pagwagayway ng bandila Sinunog at minasaker, O kundi ma ni-reconcentrado Ang Batangas, Laguna, Balangiga sa Samar, Albay, Kabite, Kudarangan at Laksamana sa Kotabato, At ang Bud Dajo sa Sulu Ngunit gaya ng iyong habilin, Panata ang dugong nahiwa sa bisig Hanggang sa huling sandali Ng pakikitunggali ang layang minimithi Itinayo ko sa Bundok ng San Cristobal

Sa pagitan ng Tanay at Laguna Ang ating Republika ng Katagalugan Gayong batid ko rin naman Ang halaga sa pagtatatag Ng Union de Impresores de Filipinas At ng Union Obrera Democratica nina Ka Belong Naging matapat na kasama sina: Lucio de Vega Francisco Carreon Faustino Guillermo Benito Sta. Ana Ciriaco Contreras Cosme Caro Briccio Pantas Valentin Diaz Pio Valenzuela Apolonio Samson Hernogenes Bautista Tomas de Guzman Julian Montalan Cornelio Felizardo Aniceto Oruga Leon Villafuerte Lahat silay mula sa hanay Ng uri nating pinagmulan Dumating ang panahong Kailangan kong isalong ang aking armas. Kasamang Supremo, kapalit nitoy Pagpapalaya sa tatlumpong libong Rebolusyonaryong nakakulong

Na sa lihim na pakikipagpulong ay handa namin Muling isulong ang panata ng panahon Ngunit tuso ang Amerikano Habang nasa Kabite, hinuli nila kami Hanggang sa litisin ng sedisyon Ng bandolerismo Ng pagtataksil At saka hinatulang mamatay sa garote Kasamang Supremo Sa araw ng aming pagbitay, Naisigaw namin ang ating dangal Sa malaot madali, ang lahat ng taoy mamamatay, kayat haharap ako nang mahinahon sa panginoon. Subalit gusto kong sabihin sa inyong lahat na hindi ako bandido at magnanakaw tulad ng ibinibintang ng mga Amerikano. Rebolusyonaryo akong nagtatanggol sa ating inang bayan, ang Pilipinas! Paalam! Mabuhay ang Republika! At naway muling isilang ang ating kalayaan sa hinaharap! Paalam! Mabuhay ang Pilipinas! Sa aming pagkamatay, Kasamang Supremo, I Pinagkait ng mga Amerikano Na saplutan kami ng bandila ng Katipunan

Kung nakita mang sadyang pait Ang sinapit nitong Republika ng Katagalugan, Sadya ring dapat mabatid kung paanong Ang pagkabigkisbigkisbigkis-ng-bisig Ay tumamlay at lumuwag Hanggang sa magkahiwalay-hiwalay Sapagkat sa gitna ng risiris na ito Tumitingkad ang krisis Sa pingkian ng ningning at liwanag; Naiguguhit ang lunggati at layong Naghihiwalay sa gitna ng uri at di kauri, Ng mga bundat at salat, Ng mahina at malakas, Ng totoo at nagbabalatkayo At ito ang totoo, Kasamang Supremo, Walang katapusan ang hibik ng Pilipinas Hanggang ang mga manggagaway Kinakain ng makina; hanggang ang mga kamay Ng magsasakay nakatanikala sa lupa; Hanggang ang laya ng bayan Ay lukob ng dayong bandila; Hanggang ang mga namumuno Na kahit Filipino ay may maskarang Kamukha ng imperyalista Walang katapusan ang hibik ng Filipinas At walang katapusan ang pakikitalad Sapagkat sa lupang dinuhagi,

Pulang rosas na nag-aapoy, Nagliliyab sa silong ng araw Ang bawat patak ng dugo Bumubukad sa matikas Na paninindigan at pakikihamok Bukal din ang lahat ng pook Na habang tanod natin ang libong sulo, Di matutuyo ang langis na masasalok Sapagkat magkaisa tayo sa nais Hanggang hindi nagliliyab ang laya at dingal ng pulo Walang katapusan ang hibik ng Pilipinas Walang katapusan ang pakikitalad Walang katapusan Wala!

10

You might also like